Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
10 At si David ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa bayan ni David.
11 At ang mga araw na ipinaghari ni David sa Israel ay apat na pung taon: pitong taong naghari siya sa Hebron, at tatlong pu't tatlong taong naghari siya sa Jerusalem.
12 At si Salomon ay naupo sa luklukan ni David na kaniyang ama: at ang kaniyang kaharian ay natatag na mainam.
3 At inibig ni Salomon ang Panginoon, na lumalakad sa mga palatuntunan ni David na kaniyang ama: siya'y naghahain lamang at nagsusunog ng kamangyan sa matataas na dako.
4 At ang hari ay naparoon sa Gabaon upang maghain doon; sapagka't yaon ang pinakamataas na dako; isang libong handog na susunugin ang inihandog ni Salomon sa dambanang yaon.
5 Sa Gabaon ay napakita ang Panginoon kay Salomon sa panaginip sa gabi: at sinabi ng Dios, Hingin mo kung ano ang ibibigay ko sa iyo.
6 At sinabi ni Salomon, Ikaw ay nagpakita sa iyong lingkod na aking amang kay David ng malaking kagandahang loob, ayon sa kaniyang inilakad sa harap mo sa katotohanan, at sa katuwiran, at sa katapatan ng puso sa iyo; at iyong iningatan sa kaniya itong dakilang kagandahang loob, na iyong binigyan siya ng isang anak na makauupo sa kaniyang luklukan, gaya sa araw na ito.
7 At ngayon, Oh Panginoon kong Dios, iyong ginawang hari ang iyong lingkod na kahalili ni David na aking ama; at ako'y isang munting bata lamang; hindi ko nalalaman ang paglulumabas at pumasok.
8 At ang iyong lingkod ay nasa gitna ng iyong bayan na iyong pinili, isang malaking bayan na hindi mabibilang o matuturingan dahil sa karamihan.
9 Bigyan mo nga ang iyong lingkod ng isang matalinong puso upang humatol sa iyong bayan, upang aking makilala ang mabuti at ang masama; sapagka't sino ang makahahatol dito sa iyong malaking bayan?
10 At ang pangungusap ay nakalugod sa Panginoon, na hiningi ni Salomon ang bagay na ito.
11 At sinabi ng Dios sa kaniya, Sapagka't iyong hiningi ang bagay na ito, at hindi mo hiningi sa iyo ang mahabang buhay; o hiningi mo man sa iyo ang mga kayamanan, o hiningi mo man ang buhay ng iyong mga kaaway; kundi hiningi mo sa iyo'y katalinuhan upang kumilala ng kahatulan;
12 Narito, aking ginawa ayon sa iyong salita: narito, aking binigyan ka ng isang pantas at matalinong puso; na anopa't walang naging gaya mo na una sa iyo, o may babangon mang sinoman pagkamatay mo.
13 At akin namang ibinigay sa iyo ang hindi mo hinihingi, ang kayamanan at gayon din ang karangalan, na anopa't walang magiging gaya mo sa mga hari, sa lahat ng iyong mga kaarawan.
14 At kung ikaw ay lalakad sa aking mga daan, upang ingatan ang aking mga palatuntunan, at ang aking mga utos, gaya ng inilakad ng iyong amang si David, ay akin ngang palalaunin ang iyong mga kaarawan.
111 Purihin ninyo ang Panginoon. Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng aking buong puso, sa kapulungan ng matuwid, at sa kapisanan.
2 Ang mga gawa ng Panginoon ay dakila, siyasat ng lahat na nagtatamo ng kaligayahan diyan.
3 Ang kaniyang gawa ay karangalan at kamahalan: at ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailan man.
4 Kaniyang ginawa ang kaniyang mga kababalaghang gawa upang alalahanin: ang Panginoon ay mapagbiyaya at puspos ng kahabagan.
5 Siya'y nagbigay ng pagkain sa nangatatakot sa kaniya: kaniyang aalalahaning lagi ang kaniyang tipan.
6 Kaniyang ipinakilala sa kaniyang bayan ang kapangyarihan ng kaniyang mga gawa, sa pagbibigay niya sa kanila ng mana ng mga bansa.
7 Ang mga gawa ng kaniyang mga kamay ay katotohanan at kahatulan: lahat niyang mga tuntunin ay tunay.
8 Nangatatatag magpakailan-kailan man, mga yari sa katotohanan at katuwiran.
9 Siya'y nagsugo ng katubusan sa kaniyang bayan; kaniyang iniutos ang kaniyang tipan magpakailan man: banal at kagalanggalang ang kaniyang pangalan.
10 Ang pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan; may mabuting pagkaunawa ang lahat na nagsisisunod ng kaniyang mga utos. Ang kaniyang kapurihan ay nananatili magpakailan man.
15 Mangagingat nga kayong lubos kung paano kayo lumalakad, huwag gaya ng mga mangmang, kundi gaya ng marurunong;
16 Na inyong samantalahin ang panahon, sapagka't ang mga araw ay masasama.
17 Kaya huwag kayong maging mga mangmang, kundi unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.
18 At huwag kayong magsipaglasing ng alak na kinaroroonan ng kaguluhan, kundi kayo'y mangapuspos ng Espiritu;
19 Na kayo'y mangagusapan ng mga salmo at mga himno at mga awit na ukol sa espiritu, na nangagaawitan at nangagpupuri sa inyong mga puso sa Panginoon;
20 Na kayo'y laging magpasalamat sa lahat ng mga bagay sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo sa Dios na ating Ama;
51 Ako ang tinapay na buhay na bumabang galing sa langit: kung ang sinoman ay kumain ng tinapay na ito, siya'y mabubuhay magpakailan man: oo at ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, sa ikabubuhay ng sanglibutan.
52 Ang mga Judio nga'y nangagtatalo, na nangagsasabi, Paanong maipakakain sa atin ng taong ito ang kaniyang laman?
53 Sinabi nga sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maliban nang inyong kanin ang laman ng Anak ng tao at inumin ang kaniyang dugo, ay wala kayong buhay sa inyong sarili.
54 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan; at siya'y aking ibabangon sa huling araw.
55 Sapagka't ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin.
56 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako'y sa kaniya.
57 Kung paanong sinugo ako ng Amang buhay, at ako'y nabubuhay dahil sa Ama; gayon din naman ang kumakain sa akin, siya nama'y mabubuhay dahil sa akin.
58 Ito ang tinapay na bumabang galing sa langit: hindi gaya ng mga magulang na nagsikain, at nangamatay; ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailan man.
Public Domain