Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 57

57 Maawa ka sa akin, Oh Dios, maawa ka sa akin; sapagka't ang aking kaluluwa ay nanganganlong sa iyo. Oo, sa lilim ng iyong mga pakpak ay manganganlong ako, hanggang sa makaraan ang mga kasakunaang ito.

Ako'y dadaing sa Dios na Kataastaasan; sa Dios na nagsagawa ng lahat na mga bagay sa akin.

Siya'y magsusugo mula sa langit, at ililigtas ako, pagka yaong lulunok sa akin ay dumuduwahagi; (Selah) susuguin ng Dios ang kaniyang kagandahang-loob at ang kaniyang katotohanan.

Ang aking kaluluwa ay nasa gitna ng mga leon: ako'y nahihiga sa gitna niyaong mga pinaningasan ng apoy, sa mga anak ng tao, na ang mga ngipin ay sibat at mga pana, at ang kanilang dila ay matalas na tabak.

Mabunyi ka, Oh Dios, sa itaas ng mga langit; mataas ang iyong kaluwalhatian sa buong lupa.

Kanilang hinandaan ng silo ang aking mga hakbang. Ang aking kaluluwa ay nakayuko: sila'y nagsihukay ng isang lungaw sa harap ko. Sila'y nangahulog sa gitna niyaon. (Selah)

Ang aking puso ay matatag, Oh Dios, ang aking puso ay matatag: ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga pagpuri.

Gumising ka, kaluwalhatian ko; gumising ka, salterio at alpa: ako'y gigising na maaga.

Ako'y magpapasalamat sa iyo, Oh Panginoon, sa gitna ng mga bayan: ako'y aawit sa iyo ng mga pagpuri sa gitna ng mga bansa.

10 Sapagka't ang iyong kagandahang-loob ay dakila hanggang sa mga langit, at ang iyong katotohanan hanggang sa mga alapaap.

11 Mabunyi ka, Oh Dios, sa itaas ng mga langit; mataas ang iyong kaluwalhatian sa buong lupa.

2 Samuel 19:1-18

19 At nasaysay kay Joab; narito, ang hari ay tumatangis at namamanglaw dahil kay Absalom.

At ang pagtatagumpay sa araw na yaon ay naging kapanglawan sa buong bayan: sapagka't narinig ng bayan na sinasabi sa araw na yaon. Ang hari ay nahahapis dahil sa kaniyang anak.

At ang bayan ay pumasok sa bayan na patago sa araw na yaon, na gaya ng pagpasok ng bayang napapahiya pagka tumatakas sa pagbabaka.

At tinakpan ng hari ang kaniyang mukha, at ang hari ay sumigaw ng malakas. Oh anak kong Absalom, Oh Absalom, anak ko, anak ko!

At pumasok si Joab sa bahay, sa hari, at nagsabi, Iyong hiniya sa araw na ito ang mga mukha ng lahat na iyong lingkod na nagligtas sa araw na ito ng iyong buhay, at ng mga buhay ng iyong mga anak na lalake at babae, at ng mga buhay ng iyong mga asawa, at ng mga buhay ng iyong mga babae;

Sa iyong pagibig sa nangapopoot sa iyo, at pagkapoot sa nagsisiibig sa iyo. Sapagka't iyong inihayag sa araw na ito, na ang mga prinsipe at mga lingkod ay walang anoman sa iyo: sapagka't aking nagugunita sa araw na ito, na kung si Absalom ay nabuhay, at kaming lahat ay namatay sa araw na ito, ay disin nakapagpalugod na mabuti sa iyo.

Ngayon nga'y bumangon ka, ikaw ay lumabas, at magsalita na may kagandahang loob sa iyong mga lingkod: sapagka't aking isinusumpa sa pangalan ng Panginoon, na kung ikaw ay hindi lalabas, ay walang matitira sa iyong isang tao sa gabing ito: at yao'y magiging masama sa iyo kay sa lahat ng kasamaan na sumapit sa iyo mula sa iyong kabataan hanggang ngayon.

Nang magkagayo'y tumindig ang hari, at naupo sa pintuang-bayan. At kanilang isinaysay sa buong bayan, na sinasabi, Narito ang hari ay nakaupo sa pintuang-bayan: at ang buong bayan ay naparoon sa harap ng hari. Nakatakas nga ang Israel bawa't isa sa kaniyang tolda.

At ang buong bayan ay nagtatalo sa lahat ng mga lipi ng Israel, na sinasabi, Iniligtas tayo ng hari sa kamay ng ating mga kaaway; at iniligtas niya tayo sa kamay ng mga Filisteo; at ngayo'y kaniyang tinakasan si Absalom sa lupain.

10 At si Absalom na ating pinahiran ng langis, upang maging hari sa atin ay namatay sa pagbabaka. Ngayon nga'y bakit hindi kayo nagsasalita ng isang salita sa pagbabalik sa hari?

11 At nagsugo ang haring si David kay Sadoc at kay Abiathar na mga saserdote, na sinasabi, Magsipagsalita kayo sa mga matanda sa Juda, na magsipagsabi, Bakit kayo ang huli sa pagbabalik sa hari sa kaniyang bahay? dangang ang pananalita ng buong Israel ay dumating sa hari, upang ibalik siya sa kaniyang bahay.

12 Kayo'y aking mga kapatid, kayo'y aking buto at aking laman: bakit nga kayo ang huli sa pagbabalik sa hari?

13 At sabihin ninyo kay Amasa, Hindi ka ba aking buto at aking laman? Hatulan ng Dios ako, at lalo na, kung ikaw ay hindi maging palaging punong kawal ng mga hukbo sa harap ko na kahalili ni Joab.

14 At kaniyang ikiniling ang puso ng lahat ng mga lalake ng Juda na parang puso ng isang tao; na anopa't sila'y nagsipagsugo sa hari, na nagsisipagsabi, Ikaw ay bumalik, at ang lahat ng iyong lingkod.

15 Sa gayo'y bumalik ang hari, at naparoon sa Jordan. At ang Juda ay naparoon sa Gilgal, upang salubungin ang hari, na itawid ang hari sa Jordan.

16 At si Semei na anak ni Gera, na Benjamita, na taga Bahurim, ay nagmadali at lumusong na kasama ang mga lalake ng Juda upang salubungin ang haring si David.

17 At may isang libong lalake ng Benjamin na kasama siya, at si Siba, na alila sa sangbahayan ni Saul, at ang kaniyang labing limang anak at ang kaniyang dalawang pung alila na kasama niya; at sila'y nagsitawid sa Jordan sa harap ng hari.

18 At may tawiran naman upang tawiran ng sangbahayan ng hari, at gawin ang kaniyang inaakalang mabuti. At si Semei na anak ni Gera ay nagpatirapa sa harap ng hari, nang siya'y makatawid sa Jordan.

Juan 6:35-40

35 Sa kanila'y sinabi ni Jesus, Ako ang tinapay ng kabuhayan: ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin kailan ma'y hindi mauuhaw.

36 Datapuwa't sinabi ko sa inyo, na nakita ninyo ako, at gayon ma'y hindi kayo nagsisampalataya.

37 Ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama ay magsisilapit sa akin; at ang lumalapit sa akin sa anomang paraan ay hindi ko itataboy.

38 Sapagka't bumaba akong mula sa langit, hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.

39 At ito ang kalooban ng nagsugo sa akin, na sa lahat ng ibinigay niya sa akin ay huwag kong iwala ang anoman, kundi ibangon sa huling araw.

40 Sapagka't ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawa't nakakakita sa Anak, at sa kaniya'y sumampalataya, ay magkaroon ng walang hanggang buhay; at akin siyang ibabangon sa huling araw.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain