Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
130 Mula sa mga kalaliman ay dumaing ako sa iyo, Oh Panginoon.
2 Panginoon, dinggin mo ang aking tinig: pakinggan ng iyong mga pakinig ang tinig ng aking mga pamanhik.
3 Kung ikaw, Panginoon, magtatanda ng mga kasamaan, Oh Panginoon, sinong tatayo?
4 Nguni't may kapatawarang taglay ka, upang ikaw ay katakutan.
5 Aking hinihintay ang Panginoon, hinihintay ng aking kaluluwa, at sa kaniyang salita ay umaasa ako.
6 Hinihintay ng aking kaluluwa ang Panginoon, ng higit kay sa paghihintay ng bantay sa umaga; Oo, higit kay sa bantay sa umaga.
7 Oh Israel, umasa ka sa Panginoon; sapagka't sa Panginoon ay may kagandahang-loob.
8 At kaniyang tutubusin ang Israel sa lahat niyang kasamaan.
25 Sa buong Israel nga'y walang gaya ni Absalom na pinakakapuri dahil sa kagandahan: mula sa talampakan ng kaniyang paa hanggang sa tuktok ng kaniyang ulo, ay walang ipipintas sa kaniya.
26 At pagka kaniyang ipinagugupit ang kaniyang buhok (sa bawa't katapusan nga ng bawa't taon siya ay nagpapagupit: sapagka't mabigat sa kaniya ang buhok kaya't kaniyang ipinagugupit:) kaniyang tinitimbang ang buhok ng kaniyang ulo na may dalawang daang siklo, ayon sa timbangan ng hari.
27 At ipinanganak kay Absalom ay tatlong lalake, at isang babae, na ang pangala'y Thamar: siya'y isang babae na may magandang mukha.
28 At tumahan si Absalom na dalawang buong taon sa Jerusalem; at hindi niya nakita ang mukha ng hari.
29 Nang magkagayo'y pinasuguan ni Absalom si Joab, upang suguin sa hari: nguni't hindi siya naparoon sa kaniya: at siya'y nagsugo na ikalawa, nguni't siya'y ayaw paroon.
30 Kaya't kaniyang sinabi sa kaniyang mga alipin: Tingnan ninyo, ang bukid ni Joab ay malapit sa akin, at siya'y may sebada roon; yumaon kayo, at silaban ninyo. At sinilaban ng mga alipin ni Absalom ang bukid.
31 Nang magkagayo'y bumangon si Joab, at naparoon kay Absalom sa kaniyang bahay, at nagsabi sa kaniya, Bakit sinilaban ng iyong alipin ang aking bukid?
32 At sinagot ni Absalom si Joab, Narito, ako'y nagpasugo sa iyo, na nagpasabi, Parito ka, upang aking masugo ka sa hari, na magsabi, Sa anong kapararakan naparoon ako mula sa Gessur? lalong mabuti sa akin na tumigil doon. Ngayon nga'y ipakita mo sa akin ang mukha ng hari; at kung may kasamaan sa akin, patayin niya ako.
33 Sa gayo'y naparoon si Joab sa hari at isinaysay sa kaniya: at nang kaniyang matawag na si Absalom, siya'y naparoon sa hari, at nagpatirapa sa lupa sa harap ng hari; at hinagkan ng hari si Absalom.
6 Mga kapatid, kung ang sinoman ay masumpungan sa anomang pagsuway, kayong mga sa espiritu, ay inyong papanumbalikin ang gayon sa espiritu ng kahinhinan; na iyong pagwariin ang iyong sarili, baka ikaw naman ay matukso.
2 Mangagdalahan kayo ng mga pasanin ng isa't isa, at tuparin ninyong gayon ang kautusan ni Cristo.
3 Sapagka't kung ang sinoman ay nagaakala na siya'y may kabuluhan bagaman siya ay walang kabuluhan, ang kaniyang sarili ang dinadaya niya.
4 Nguni't siyasatin ng bawa't isa ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng kaniyang kapurihan tungkol sa kaniyang sarili lamang, at hindi tungkol sa kapuwa.
5 Sapagka't ang bawa't tao ay magpapasan ng kaniyang sariling pasan.
6 Datapuwa't ang tinuturuan sa aral ng Dios ay makidamay doon sa nagtuturo sa lahat ng mga bagay na mabuti.
7 Huwag kayong padaya; ang Dios ay hindi napabibiro: sapagka't ang lahat na ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya.
8 Sapagka't ang naghahasik ng sa kaniyang sariling laman ay sa laman magaani ng kasiraan; datapuwa't ang naghahasik ng sa Espiritu ay sa Espiritu magaani ng buhay na walang hanggan.
9 At huwag tayong mangapagod sa paggawa ng mabuti: sapagka't sa kapanahunan ay magsisipagani tayo, kung hindi tayo manganghihimagod.
10 Kaya nga, samantalang tayo'y may pagkakataon, ay magsigawa tayo ng mabuti sa lahat, at lalong lalo na sa mga kasangbahay sa pananampalataya.
Public Domain