Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Sina David at Batseba
11 Sa(A) tagsibol ng taon, ang panahon na ang mga hari ay lumalabas upang makipaglaban, sinugo ni David si Joab at ang kanyang mga lingkod na kasama niya, at ang buong Israel. Kanilang sinalanta ang mga Ammonita at kinubkob ang Rabba. Ngunit si David ay nanatili sa Jerusalem.
2 Isang dapit-hapon, nang si David ay bumangon sa kanyang higaan at naglalakad sa bubungan ng bahay ng hari, nakakita siya mula sa bubungan ng isang babaing naliligo; at ang babae ay napakaganda.
3 Nagsugo si David at nagtanong tungkol sa babae. At sinabi ng isa, “Hindi ba ito ay si Batseba na anak ni Eliam, na asawa ni Urias na Heteo?”
4 Kaya't si David ay nagpadala ng mga sugo at kinuha siya. Ang babae ay pumaroon sa kanya at siya'y kanyang sinipingan. (Siya ay katatapos pa lamang maglinis mula sa kanyang karumihan.) Pagkatapos, siya'y bumalik sa kanyang bahay.
5 Ang babae ay naglihi; at siya'y nagsugo at sinabi kay David, “Ako'y buntis.”
6 Kaya't nagpasabi si David kay Joab, “Papuntahin mo sa akin si Urias na Heteo.” Pinapunta ni Joab si Urias kay David.
7 Nang si Urias ay dumating sa kanya, tinanong siya ni David kung ano ang kalagayan ni Joab at ng mga tauhan, at kung ano ang nangyayari sa labanan.
8 Sinabi ni David kay Urias, “Bumaba ka sa iyong bahay at hugasan mo ang iyong mga paa.” At lumabas si Urias sa bahay ng hari at isinunod sa kanya ang isang regalo mula sa hari.
9 Ngunit natulog si Urias sa pintuan ng bahay ng hari, kasama ng lahat ng mga lingkod ng kanyang panginoon, at hindi bumaba sa kanyang bahay.
10 Nang kanilang sabihin kay David na, “Hindi bumaba si Urias sa kanyang bahay,” sinabi ni David kay Urias, “Hindi ba galing ka sa isang paglalakbay? Bakit hindi ka bumaba sa iyong bahay?”
11 Sinabi ni Urias kay David, “Ang kaban, ang Israel, at ang Juda ay naninirahan sa mga tolda at ang aking panginoong si Joab, at ang mga lingkod ng aking panginoon ay nagkakampo sa parang. Pupunta ba ako sa aking bahay upang kumain, uminom, at sumiping sa aking asawa? Habang buháy ka, at buháy ang iyong kaluluwa, hindi ko gagawin ang bagay na ito.”
12 Pagkatapos ay sinabi ni David kay Urias, “Manatili ka rin dito ngayon at bukas ay paaalisin na kita.” Kaya't tumigil si Urias sa Jerusalem ng araw na iyon at sa kinabukasan.
13 Inanyayahan siya ni David na siya'y kumain at uminom sa harap niya; at siya'y kanyang nilasing. Kinahapunan, siya'y lumabas upang mahiga sa kanyang higaan kasama ang mga lingkod ng kanyang panginoon, ngunit hindi siya bumaba sa kanyang bahay.
14 Kinaumagahan, sumulat si David kay Joab at ipinadala kay Urias.
15 Sa liham ay kanyang isinulat, “Ilagay mo si Urias sa unahan ng pinakamainit na labanan, pagkatapos kayo'y umurong mula sa kanya, upang siya'y masaktan, at mamatay.”
Sa Punong Mang-aawit. Mula kay David.
14 Sinasabi(A) ng hangal sa kanyang puso, “Walang Diyos.”
Sila'y masasama, sila'y gumagawa ng kasuklamsuklam na mga gawa;
walang gumagawa ng mabuti.
2 Ang Panginoon ay nakadungaw mula sa langit sa mga anak ng mga tao,
upang tingnan kung may sinumang kumikilos na may talino,
na hinahanap ang Diyos.
3 Silang lahat ay naligaw, sila ay pare-parehong naging masasama;
walang sinumang gumagawa ng mabuti,
wala kahit isa.
4 Hindi ba alam ng lahat ng gumagawa ng kasamaan,
na siyang kumakain sa aking bayan gaya ng kanilang pagkain ng tinapay,
at hindi tumatawag sa Panginoon?
5 Sa malaking pagkasindak sila'y malalagay,
sapagkat ang Diyos ay kasama ng salinlahi ng mga banal.
6 Ang panukala ng dukha sa kahihiyan ay ilalagay mo,
ngunit ang Panginoon ang kanyang saklolo.
7 Ang pagliligtas para sa Israel ay manggaling nawa mula sa Zion!
Kapag ang kayamanan ng kanyang bayan ay ibinalik ng Panginoon,
magagalak si Jacob, at matutuwa ang Israel.
Ang Pag-ibig ni Cristo
14 Dahil dito ay iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama,[a]
15 na sa kanya'y ipinangalan ang bawat sambahayan sa langit at sa lupa,
16 upang sa inyo'y ipagkaloob niya ayon sa kayamanan ng kanyang kaluwalhatian, na kayo'y palakasin ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kanyang Espiritu sa pagkataong-loob;
17 upang si Cristo ay manirahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya, kung paanong kayo'y nag-uugat at tumitibay sa pag-ibig.
18 Aking idinadalangin na magkaroon kayo ng kapangyarihang matarok, kasama ng lahat ng mga banal, ang luwang, haba, taas, at lalim,
19 at upang makilala ang pag-ibig ni Cristo na higit sa kaalaman upang kayo'y mapuno ng lahat ng kapuspusan ng Diyos.
20 Ngayon, sa kanya na makakagawa ng higit na sagana kaysa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kapangyarihang gumagawa sa atin,
21 sumakanya nawa ang kaluwalhatian sa iglesya at kay Cristo Jesus sa lahat ng mga salinlahi, magpakailanpaman. Amen.
Pinakain ni Jesus ang Limang Libo(A)
6 Pagkatapos ng mga bagay na ito, pumunta si Jesus sa kabilang pampang ng dagat ng Galilea, na siya ring Dagat ng Tiberias.
2 Sumusunod sa kanya ang napakaraming tao sapagkat nakita nila ang mga tanda na ginagawa niya sa mga maysakit.
3 Umakyat si Jesus sa bundok at doo'y naupo siya na kasama ng kanyang mga alagad.
4 Malapit na noon ang Paskuwa na pista ng mga Judio.
5 Itinanaw ni Jesus ang kanyang mga mata, at nang makita niya ang napakaraming taong lumalapit sa kanya ay sinabi niya kay Felipe, “Saan tayo makakabili ng tinapay, upang makakain ang mga taong ito?”
6 Ito'y sinabi niya upang siya'y subukin sapagkat nalalaman niya sa kanyang sarili kung ano ang gagawin niya.
7 Sumagot sa kanya si Felipe, “Hindi magkakasiya sa kanila ang dalawang daang denariong[a] tinapay, upang makakain ng kaunti ang bawat isa.”
8 Si Andres, na kapatid ni Simon Pedro, isa sa kanyang mga alagad ay nagsabi sa kanya,
9 “May isang batang lalaki rito na mayroong limang tinapay na sebada at dalawang isda, subalit gaano na ang mga ito sa ganito karaming mga tao?”
10 Sinabi ni Jesus, “Paupuin ninyo ang mga tao.” Madamo sa dakong iyon, kaya't umupo ang mga lalaki na may limang libo ang bilang.
11 Kinuha ni Jesus ang mga tinapay at nang makapagpasalamat ay ipinamahagi niya sa mga nakaupo. Binigyan din sila ng mga isda hanggang gusto nila.
12 Nang sila'y mabusog ay sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Tipunin ninyo ang mga pinagputul-putol na lumabis upang walang anumang masayang.”
13 Kaya't kanilang tinipon ang mga ito at nakapuno ng labindalawang kaing ng mga pinagputul-putol na limang tinapay na sebada na lumabis sa mga kumain.
14 Nang makita ng mga tao ang tandang ginawa niya ay kanilang sinabi, “Totoong ito nga ang propeta na darating sa sanlibutan.”
15 Nang mahalata ni Jesus na sila'y lalapit at pipilitin siyang gawing hari, siya'y muling umalis na nag-iisa patungo sa bundok.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(B)
16 Pagsapit ng gabi, lumusong ang kanyang mga alagad sa dagat.
17 Sumakay sila sa isang bangka at pinasimulan nilang tawirin ang dagat hanggang sa Capernaum. Madilim na noon at hindi pa dumarating sa kanila si Jesus.
18 Lumalaki ang mga alon sa dagat dahil sa malakas na hanging humihihip.
19 Nang sila'y makasagwan na ng may lima hanggang anim na kilometro[b] ay kanilang nakita si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng dagat at papalapit sa bangka. Sila'y natakot,
20 subalit sinabi niya sa kanila, “Ako ito; huwag kayong matakot.”
21 Kaya't malugod siyang tinanggap nila sa bangka at kaagad na dumating ang bangka sa lupang kanilang patutunguhan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001