Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 61

Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Awit ni David.

61 Pakinggan mo, O Diyos, ang aking daing,
    dinggin mo ang aking dalangin.
Mula sa dulo ng lupa ay tumatawag ako sa iyo,
    kapag nanlulupaypay ang aking puso.

Ihatid mo ako sa bato
    na higit na mataas kaysa akin;
sapagkat ikaw ay aking kanlungan,
    isang matibay na muog laban sa kaaway.

Patirahin mo ako sa iyong tolda magpakailanman!
    Ako'y manganganlong sa lilim ng iyong mga pakpak! (Selah)
Sapagkat ang aking mga panata, O Diyos, ay iyong pinakinggan,
    ibinigay mo sa akin ang pamana ng mga may takot sa iyong pangalan.

Pahabain mo ang buhay ng hari;
    tumagal nawa ang kanyang mga taon hanggang sa lahat ng mga salinlahi!
Siya nawa'y maluklok sa trono sa harapan ng Diyos magpakailanman;
    italaga mong bantayan siya ng wagas na pag-ibig at katapatan!

Sa gayon ako'y aawit ng mga papuri sa iyong pangalan magpakailanman,
    habang tinutupad ko ang aking mga panata araw-araw.

2 Samuel 7:18-29

Panalangin ng Pagpapasalamat ni David(A)

18 Nang magkagayo'y pumasok si Haring David at umupo sa harap ng Panginoon, at kanyang sinabi, “Sino ako, O Panginoong Diyos, at ano ang aking sambahayan na ako'y iyong dinala sa ganito kalayo?

19 Ito'y munting bagay pa sa iyong paningin, O Panginoong Diyos; at ikaw ay nagsalita rin tungkol sa sambahayan ng iyong lingkod hanggang sa matagal na panahong darating; at ipinakita mo sa akin ang hinaharap na salinlahi, O Panginoong Diyos!

20 At ano pa ang masasabi ni David sa iyo? Sapagkat kilala mo ang iyong lingkod, O Panginoong Diyos.

21 Dahil sa iyong pangako at ayon sa iyong sariling puso, iyong ginawa ang lahat ng kadakilaang ito upang malaman ng iyong lingkod.

22 Kaya't ikaw ay dakila, O Panginoong Diyos; sapagkat walang gaya mo, o may ibang Diyos pa bukod sa iyo, ayon sa lahat nang naririnig ng aming mga tainga.

23 Anong(B) bansa sa lupa ang gaya ng iyong bayang Israel? Mayroon bang ibang bansa sa lupa na tinubos ng Diyos upang maging kanyang bayan, at gumawa para sa kanya ng isang pangalan, na gumagawa para sa kanila ng mga dakila at mga kakilakilabot na mga bagay, sa pamamagitan ng pagpapalayas sa harap ng iyong bayan ng mga bansa at ng kanilang mga diyos?

24 At itinatag mo sa iyong sarili ang iyong bayang Israel upang maging iyong bayan magpakailanman; at ikaw, Panginoon, ay naging kanilang Diyos.

25 At ngayon, O Panginoong Diyos, pagtibayin mo magpakailanman ang salita na iyong sinalita tungkol sa iyong lingkod, at tungkol sa kanyang sambahayan, at iyong gawin gaya ng iyong sinalita,

26 at ang iyong pangalan ay dadakilain magpakailanman, na sinasabi, ‘Ang Panginoon ng mga hukbo ay Diyos sa Israel’ at ang sambahayan ng iyong lingkod na si David ay matatatag sa harap mo.

27 Sapagkat ikaw, O Panginoon ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel ang gumawa ng ganitong pahayag sa iyong lingkod, na sinasabi, ‘Ipagtatayo kita ng isang bahay’; kaya't ang iyong lingkod ay nagkaroon ng tapang na manalangin ng ganito sa iyo.

28 At ngayon, O Panginoong Diyos, ikaw ay Diyos at ang iyong mga salita ay katotohanan, at iyong ipinangako ang mabuting bagay na ito sa iyong lingkod;

29 kaya't ngayon nga'y kalugdan mong pagpalain ang sambahayan ng iyong lingkod, upang ito'y magpatuloy magpakailanman sa harap mo. Sapagkat ikaw, O Panginoong Diyos ay nagsalita, at sa pamamagitan ng iyong pagpapala ay maging mapalad nawa ang sambahayan ng iyong lingkod magpakailanman.”

Mga Hebreo 13:17-25

17 Sumunod kayo at pasakop sa mga namumuno sa inyo, sapagkat sila'y matamang nagbabantay alang-alang sa inyong mga kaluluwa bilang mga mananagot. Hayaang gampanan nila ito na may kagalakan at hindi nang may hapis, sapagkat kung ganito'y hindi ito magiging kapaki-pakinabang sa inyo.

18 Idalangin ninyo kami, sapagkat kami'y naniniwalang kami ay may mabuting budhi, na nagnanais na mabuhay na marangal sa lahat ng mga bagay.

19 At ako'y lalo pang nakikiusap sa inyo na inyong gawin ito, upang ako'y madaling maibalik sa inyo.

Basbas

20 Ngayon, ang Diyos ng kapayapaan na bumuhay mula sa mga patay sa ating Panginoong Jesus, ang dakilang pastol ng mga tupa, sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan,

21 nawa'y gawin niya kayong ganap sa bawat mabuting bagay upang magawa ninyo ang kanyang kalooban, at gawin sa atin ang nakakalugod sa paningin niya, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na sa kanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

Pangaral at Pagbati

22 Mga kapatid, ngayon ay nananawagan ako sa inyo na inyong pagtiisan ang aking salita ng pangaral, sapagkat sa pamamagitan ng iilang mga salita ay sumulat ako sa inyo.

23 Nais kong malaman ninyo na ang ating kapatid na si Timoteo ay pinalaya na; at kung siya'y dumating agad, kasama ko siyang makikita kayo.

24 Batiin ninyo ang lahat ng mga namumuno sa inyo at ang lahat ng mga banal. Kayo'y binabati ng mga nasa Italia.

25 Ang biyaya'y sumainyo nawang lahat. Amen.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001