Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Kasamaan ng Tao
(Salmo 53)
14 “Walang Dios!”
Iyan ang sinasabi ng mga hangal sa kanilang sarili.
Masasama sila at kasuklam-suklam ang kanilang mga gawa.
Ni isa sa kanila ay walang gumagawa ng mabuti.
2 Mula sa langit, tinitingnan ng Panginoon ang lahat ng tao,
kung may nakakaunawa ng katotohanan at naghahanap sa kanya.
3 Ngunit ang lahat ay naligaw ng landas at pare-parehong nabulok ang pagkatao.
Wala kahit isa man ang gumagawa ng mabuti.
4 Kailan kaya matututo ang masasamang tao?
Sinasamantala nila ang aking mga kababayan para sa kanilang pansariling kapakanan.
At hindi sila nananalangin sa Panginoon.
5 Ngunit darating ang araw na manginginig sila sa takot,
dahil kakampihan ng Dios ang mga matuwid.
6 Sinisira ng masasamang tao ang mga plano ng mga dukha,
ngunit ang Panginoon ang magiging kanlungan nila.
7 Dumating na sana ang Tagapagligtas ng Israel mula sa Zion!
Magsasaya ang mga Israelita, ang mga mamamayan ng Panginoon,
kapag naibalik na niya ang kanilang kasaganaan.
6 Napag-isip-isip ng mga Ammonita na ginalit nila si David, kaya umupa sila ng 20,000 sundalong Arameo[a] mula sa Bet Rehob at Zoba, 1,000 sundalo mula sa hari ng Maaca, at 12,000 sundalo mula sa Tob. 7 Nang marinig ito ni David, ipinadala niya si Joab at ang lahat ng sundalo niya sa pakikipaglaban. 8 Pumwesto ang mga Ammonita sa bungad ng kanilang lungsod, habang ang mga Arameo naman na galing sa Rehob at Zoba at ang mga sundalong galing sa Tob at Maaca ay naroon sa kapatagan.
9 Nang makita ni Joab na may mga kalaban sa harap nila at likuran, pumili siya ng pinakamahuhusay na sundalo ng Israel, at pinamunuan niya ang mga ito sa pakikipaglaban sa mga Arameo. 10 Si Abishai naman na kanyang kapatid ang pinamuno niya sa mga natitirang sundalo sa pakikipaglaban sa mga Ammonita. 11 Sinabi ni Joab kay Abishai, “Kapag nakita mo na parang natatalo kami ng mga Arameo, tulungan nʼyo kami, pero kapag kayo ang parang natatalo ng mga Ammonita, tutulungan namin kayo. 12 Magpakatatag tayo at buong tapang na makipaglaban para sa ating mga mamamayan at mga lungsod ng ating Dios. Gagawin ng Panginoon kung ano ang mabuti para sa kanya.”
12 Kaya bilang mga banal at minamahal na mga pinili ng Dios, dapat kayong maging mapagmalasakit, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at mapagtiis. 13 Magpasensiyahan kayo sa isaʼt isa at magpatawaran kayo kung may hinanakit kayo kaninuman, dahil pinatawad din kayo ng Panginoon. 14 At higit sa lahat, magmahalan kayo, dahil ito ang magdudulot ng tunay na pagkakaisa. 15 Paghariin ninyo sa mga puso nʼyo ang kapayapaan ni Cristo. Sapagkat bilang mga bahagi ng iisang katawan, tinawag kayo ng Dios upang mamuhay nang mapayapa. Dapat din kayong maging mapagpasalamat.
16 Itanim ninyong mabuti sa mga puso nʼyo ang mga aral ni Cristo. Paalalahanan at turuan nʼyo ang isaʼt isa ayon sa karunungang kaloob ng Dios. Umawit kayo ng mga salmo, himno, at iba pang mga awiting espiritwal na may pasasalamat sa Dios sa mga puso ninyo. 17 At anuman ang ginagawa nʼyo, sa salita man o sa gawa, gawin nʼyo ang lahat bilang mananampalataya sa Panginoong Jesus,[a] at magpasalamat kayo sa Dios Ama sa pamamagitan niya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®