Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Zion ang Bayan ng Dios
48 Dakila ang Panginoon na ating Dios,
at karapat-dapat na papurihan sa kanyang bayan,
ang kanyang banal na bundok.
2 Itoʼy mataas at maganda,
at nagbibigay kagalakan sa buong mundo.
Ang banal na bundok ng Zion ay ang bayan ng Makapangyarihang Hari.
3 Ang Dios ay nasa mga muog ng Jerusalem,
at ipinakita niyang siya ang Tagapagligtas ng mga taga-Jerusalem.
4 Nagtipon-tipon ang mga hari upang sumalakay sa Jerusalem.
5 Ngunit noong nakita ng mga hari ang bayan,
nagulat, natakot at nagsitakas sila.
6 Dahil sa takot, nanginig sila
gaya ng babaeng nanganganak na namimilipit sa sakit.
7 Winasak sila ng Dios tulad ng mga barkong panglayag[a]
na sinisira ng hanging amihan.
8 Noon, nabalitaan natin ang ginawa ng ating Dios,
pero ngayon, tayo mismo ang nakakita sa ginawa niya sa kanyang bayan.
Siya ang Panginoon ng hukbo ng kalangitan,
at patatatagin niya ang kanyang bayan magpakailanman.
9 Sa loob ng inyong templo, O Dios,
iniisip namin ang pag-ibig nʼyong matapat.
10 O Dios, dakila ang pangalan nʼyo,
at pinupuri kayo ng mga tao sa buong mundo.
Ang kapangyarihan nʼyo ay laging makatarungan.
11 Nagagalak ang mga mamamayan ng Zion,[b]
at ng mga bayan ng Juda,
dahil sa inyong makatarungang paghatol.
12 Mga mamamayan ng Dios,
libutin ninyo ang Zion at bilangin ninyo ang mga tore nito.
13 Tingnan ninyong mabuti ang mga pader at ang mga tanggulan ng bayan na ito,
upang masabi ninyo sa susunod na salinlahi,
14 “Siya ang Dios, ang Dios natin magpakailanman.
Siya ang gagabay sa atin habang buhay.”
3 Iyon ang simula ng mahabang labanan sa pagitan ng mga matatapat na tauhan ni Saul at ni David. Lumakas nang lumakas ang grupo ni David. Pero ang kay Saul naman ay humina nang humina.
2 Ito ang mga anak na lalaki ni David na isinilang sa Hebron: Si Amnon ang panganay, na anak niya kay Ahinoam na taga-Jezreel. 3 Si Kileab ang pangalawa, na anak niya kay Abigail, ang biyuda ni Nabal na taga-Carmel. Si Absalom ang pangatlo, na anak niya kay Maaca, ang anak ni Haring Talmai ng Geshur. 4 Si Adonia ang pang-apat, na anak niya kay Hagit. Si Shefatia ang panglima, na anak niya kay Abital. 5 Si Itream ang pang-anim, na anak niya kay Egla. Sila ang mga anak ni David na isinilang sa Hebron.
Kumampi si Abner kay David
6 Habang patuloy ang labanan sa pagitan ng mga tauhan ni Saul at ni David, naging makapangyarihang pinuno si Abner sa mga tauhan ni Saul. 7 Isang araw, inakusahan ni Ishboshet si Abner, “Bakit mo sinipingan ang isa sa mga asawa ng ama kong si Saul?” Ang tinutukoy ni Ishboshet ay si Rizpa na anak ni Aya. 8 Nagalit si Abner sa sinabi ni Ishboshet, kaya sumagot siya, “Iniisip mo bang pinagtaksilan ko ang iyong ama, at kumakampi ako sa Juda? Mula pa noon, matapat na ako sa iyong ama, sa pamilya niya at mga kaibigan, at hindi kita ibinigay kay David. Pero ngayon, inaakusahan mo akong nagkasala dahil sa isang babae! 9 Kung ganyan din lang, mabuti pang tulungan ko na lang si David na matupad ang ipinangako ng Panginoon sa kanya, at parusahan sana ako nang matindi ng Dios kapag hindi ko siya tinulungan. 10 Ipinangako ng Panginoon na hindi na niya paghahariin ang sinumang kalahi ni Saul kundi si David ang paghahariin niya sa Israel at Juda, mula Dan hanggang sa Beersheba.”[a] 11 Hindi na nangahas pang magsalita si Ishboshet dahil natatakot siya kay Abner.
12 Pagkatapos, nagsugo si Abner ng mga mensahero kay David na sinasabi, “Kayo ang dapat na maghari sa buong lupain ng Israel. Gumawa po tayo ng kasunduan at tutulungan ko kayong masakop ang buong bayan ng Israel.”
7 Ang problema sa inyo ay tumitingin lamang kayo sa panlabas na anyo. Isipin nga ninyong mabuti! Kung may nagtitiwalang siyaʼy kay Cristo, dapat niyang isipin na kami man ay kay Cristo rin. 8 Kahit sabihing labis na ang pagmamalaki ko sa kapangyarihang ibinigay ng Panginoon sa akin, hindi ako nahihiya. Sapagkat ang kapangyarihang ito ay ginagamit ko sa pagpapalago sa inyong pananampalataya at hindi sa pagsira nito. 9 Ayaw kong isipin ninyo na tinatakot ko kayo sa aking mga sulat. 10 Sapagkat may mga nagsasabi riyan na matapang ako sa aking mga sulat, pero kapag harapan na ay mahina at nagsasalita ng walang kabuluhan. 11 Dapat malaman ng mga taong iyan na kung ano ang sinasabi namin sa aming sulat, ito rin ang gagawin namin kapag dumating na kami riyan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®