Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 68:24-35

24 O Dios na aking Hari, nakita ng lahat ang inyong parada ng tagumpay papunta sa inyong templo.
25 Nasa unahan ang mga mang-aawit at nasa hulihan ang mga tumutugtog;
    at sa gitna naman ay ang mga babaeng tumutugtog ng tamburin.
26 Sumisigaw sila, “Purihin ang Dios sa inyong mga pagtitipon!
    Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mula sa lahi ng Israel.”
27 Nauuna ang maliit na lahi ni Benjamin,
    kasunod ang mga pinuno ng Juda kasama ang kanilang lahi,
    at sinusundan ng mga pinuno ng Zebulun at Naftali.
28 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan,[a]
    katulad ng ginawa nʼyo sa amin noon.
29 Dahil sa inyong templo sa Jerusalem magkakaloob ng mga regalo ang mga hari para sa inyo.
30 Sawayin nʼyo ang bansang kaaway na parang mabagsik na hayop sa talahiban.
    Pati na rin ang mga taong tila mga torong kasama ng mga guya
    hanggang sa silaʼy sumuko at maghandog ng kanilang mga pilak sa inyo.
    Ikalat nʼyo ang mga taong natutuwa kapag may digmaan.
31 Magpapasakop ang mga taga-Egipto sa inyo.
    Ang mga taga-Etiopia ay magmamadaling magbigay ng kaloob sa inyo.
32 Umawit kayo sa Dios, kayong mga mamamayan ng mga kaharian sa mundo.
    Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon,
33 na naglalakbay sa kalangitan mula pa nang pasimula.
    Pakinggan ninyo ang kanyang dumadagundong na tinig.
34 Ipahayag ninyo ang kapangyarihan ng Dios na naghahari sa buong Israel.
    Ang kalangitan ang nagpapakita ng kanyang kapangyarihan.
35 Kahanga-hanga ang Dios ng Israel habang siyaʼy lumalabas sa kanyang banal na tahanan.
    Binibigyan niya ng kapangyarihan at kalakasan ang kanyang mga mamamayan.
    Purihin ang Dios!

2 Samuel 6:16-23

16 Nang papasok na ng lungsod ang Kahon ng Panginoon, dumungaw sa bintana si Mical na anak ni Saul. Nakita niyang nagtatatalon at nagsasasayaw si Haring David sa presensya ng Panginoon, at ikinahiya niya ang ginawa nito. 17 Inilagay nila ang Kahon ng Panginoon sa loob ng toldang ipinatayo ni David para rito. Pagkatapos, nag-alay siya sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon.[a] 18 Pagkatapos niyang maghandog, binasbasan niya ang mga tao sa pangalan ng Panginoong Makapangyarihan. 19 Binigyan niya ng tinapay, karne[b] at pasas ang bawat isang Israelita, lalaki man o babae. Pagkatapos, umuwi sila sa kani-kanilang mga bahay.

20 Nang umuwi si David para basbasan ang sambahayan niya, sinalubong siya ni Mical na anak ni Saul at kinutya, “Napakadakila ng araw na ito para sa kagalang-galang na hari ng Israel! Sumasayaw kang halos hubad na, sa harap ng mga babaeng alipin ng mga opisyal mo, hindi ka man lang nahiya!” 21 Sinabi ni David kay Mical, “Ginawa ko iyon sa presensya ng Panginoon na pumili sa akin kapalit ng iyong ama o ng kahit sino pa sa angkan niya. Pinili niya akong mamahala sa mga mamamayan niyang Israelita kaya ipagpapatuloy ko ang pagsasaya sa presensya ng Panginoon. 22 At kahit na nakakahiya pa ang gagawin ko para sa pagdiriwang ng Panginoon, gagawin ko pa rin ito. Kahiya-hiya ako sa paningin mo[c] pero marangal ako sa paningin ng mga babaeng alipin na sinasabi mo.”

23 Dahil dito, hindi nagkaanak si Mical hanggang sa mamatay siya.

Lucas 7:31-35

31 Sinabi pa ni Jesus, “Sa anong bagay ko maihahambing ang mga tao ngayon? Kanino ko sila maihahalintulad? 32 Katulad sila ng mga batang nakaupo sa plasa at sinasabi sa kanilang kalaro, ‘Tinugtugan namin kayo ng tugtuging pangkasal, pero hindi kayo sumayaw! Umawit kami ng awit para sa patay pero hindi kayo umiyak!’ 33 Katulad nila kayo, dahil pagdating dito ni Juan na nakita ninyong nag-aayuno at hindi umiinom ng alak, sinabi ninyo, ‘Sinasaniban siya ng masamang espiritu.’ 34 At nang dumating naman ako na Anak ng Tao, nakita ninyong kumakain ako at umiinom, ang sabi naman ninyo, ‘Ang taong iyan ay matakaw at lasenggo, at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang makasalanan.’ 35 Ganoon pa man, ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Dios ay sumasang-ayon sa ipinapagawa ng Dios sa amin.”[a]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®