Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 22:25-31

25 Panginoon, bigyan nʼyo ako ng kasiglahan na magpuri sa inyo sa gitna ng buong sambayanan.
    Sa gitna ng mga taong may takot sa inyo,
    tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo.
26 Kakain ang mga dukha hanggang sa mabusog.
    Pupurihin kayo ng mga lumalapit sa inyo.
    Sanaʼy sumakanila ang mabuti at mahabang buhay magpakailanman.
27 Panginoon, maaalala kayo ng tao sa buong mundo,
    at sila ay manunumbalik at sasamba sa inyo,
28 sapagkat kayo ang naghahari,
    at namumuno sa lahat ng bansa.
29 Kaya magdiriwang at sasamba sa inyo ang lahat ng mayayaman sa buong mundo.
    Luluhod sa inyo ang lahat ng mga mortal, ang mga babalik sa alikabok.
30 Ang susunod na salinlahi ay maglilingkod sa inyo.
    At tuturuan nila ang kanilang mga anak ng tungkol sa inyo, Panginoon.
31 Balang araw, silang hindi pa ipinapanganak ay malalaman ang mga ginawa nʼyo,
    at maging ang pagliligtas nʼyo sa inyong mga mamamayan.

Amos 8:1-7

Ang Pangitain ni Amos tungkol sa Basket ng mga Prutas

Ito ang ipinakita sa akin ng Panginoong Dios: Nakita ko ang isang basket na may mga hinog na prutas. Tinanong niya ako, “Amos, ano ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Isang basket po ng mga hinog na prutas.” Sinabi sa akin ng Panginoon, “Dumating na ang katapusan[a] ng mga mamamayan kong Israelita. Hindi ko na sila kaaawaan. Sa araw na iyon, ang masasayang awitan sa templo[b] ay magiging iyakan dahil kakalat ang patay kahit saan. At wala nang maririnig na ingay.[c] Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Ang Kasalanan ng mga Mayayamang Israelita

Makinig kayo, kayong mga nanggigipit sa mga mahihirap at nagtatangkang lipulin sila. Inip na inip kayong matapos ang Pista ng Pagsisimula ng Buwan[d] o Araw ng Pamamahinga para makapagbenta na kayo ng mga inaning butil at makapandaya sa mga mamimili sa pamamagitan ng inyong madayang timbangan at pantakal ng trigo. Nagmamadali kayong makapagbenta ng mga butil na hinaluan ng ipa, para makabili kayo ng taong dukha na ipinagbibiling alipin dahil hindi siya makabayad ng kanyang utang, kahit ang utang niya ay kasinghalaga lamang ng isang pares ng sandalyas. Kaya sumumpa ang Panginoon, ang Dios na ipinagmamalaki ng mga lahi ni Jacob, “Hindi ko makakalimutan ang lahat ng kasamaan na ginawa ninyo.

Gawa 8:1-8

1-2 Inilibing si Esteban ng mga taong may takot sa Dios, at labis nila siyang iniyakan.

Pinag-uusig ni Saulo ang mga Mananampalataya

Mula noon, nagsimula na ang matinding pag-uusig sa mga mananampalataya sa Jerusalem. Kaya nagkawatak-watak ang mga mananampalataya sa buong lalawigan ng Judea at Samaria. Ang mga apostol lang ang hindi umalis sa Jerusalem. Si Saulo na sumang-ayon sa pagpatay kay Esteban ay nagsumikap na wasakin ang iglesya. Kaya pinasok niya ang mga bahay-bahay at dinakip ang mga mananampalataya, lalaki man o babae, at dinala sa bilangguan.

Ipinangaral ang Magandang Balita sa Samaria

Ang mga mananampalatayang nangalat sa ibaʼt ibang lugar ay nangaral ng Magandang Balita. Isa sa mga mananampalataya ay si Felipe. Pumunta siya sa isang lungsod ng Samaria at nangaral sa mga tao tungkol kay Cristo. Nang marinig ng mga tao ang mga sinabi ni Felipe at makita ang mga himalang ginawa niya, nakinig sila nang mabuti sa kanya. Maraming taong may masasamang espiritu ang pinagaling niya. Sumisigaw nang malakas ang masasamang espiritu habang lumalabas sa mga tao. Marami ring paralitiko at mga pilay ang gumaling. Kaya masayang-masaya ang mga tao sa lungsod na iyon.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®