Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 150

Purihin ang Panginoon

150 Purihin ang Panginoon!
    Purihin ninyo ang Dios sa kanyang templo.
    Purihin nʼyo siya sa langit, ang kanyang matibay na tirahan.
Purihin nʼyo siya dahil sa kanyang dakilang mga ginagawa.
    Purihin nʼyo siya dahil sa kanyang kapangyarihang walang kapantay.
Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng pagpapatunog ng mga trumpeta!
    Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga alpa at lira!
Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga tamburin at mga sayaw.
    Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga instrumentong may kwerdas at mga plauta.
Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga matutunog na mga pompyang.
Ang lahat ng may buhay ay magpuri sa Panginoon.

    Purihin ninyo ang Panginoon!

Jeremias 30:1-11

Ang mga Pangako ng Panginoon sa mga Mamamayan Niya

30 1-2 Sinabi ng Panginoon kay Jeremias, “Ako, ang Panginoon, ang Dios ng Israel ay nagsasabing, isulat mo sa aklat ang lahat ng sinabi ko sa iyo. Sapagkat darating ang araw na ibabalik kong muli ang mga mamamayan kong taga-Israel at taga-Juda mula sa pagkabihag.[a] Ibabalik ko sila sa lupaing ibinigay ko sa mga ninuno nila na magiging pag-aari nila.”

4-5 Ito pa ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Israel at Juda: “Maririnig ang hiyawan ng mga tao hindi dahil sa tuwa kundi sa matinding takot. May itatanong ako sa inyo. Maaari bang manganak ang lalaki? Bakit nakikita ko ang mga lalaking namumutla at hawak-hawak ang tiyan na parang babaeng manganganak na? Lubhang nakakatakot kapag dumating na ang araw na iyon, at wala itong katulad. Panahon iyon ng paghihirap ng mga lahi ni Jacob, pero maliligtas sila sa bandang huli sa kalagayang iyon. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabing sa panahong iyon, hindi na sila aalipinin ng mga taga-ibang bansa. Babaliin ko na ang pamatok sa mga leeg nila at tatanggalin ko na ang mga kadena nila. Maglilingkod na sila sa akin, ang Panginoon nilang Dios, at hihirang ako ng hari nila mula sa angkan ni David.

10 “Kaya huwag kayong matatakot, o manlulupaypay man, kayong mga lahi ni Jacob na lingkod ko. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing kukunin ko kayo mula riyan sa malayong lugar kung saan kayo binihag. Sa pagbabalik ninyo, mamumuhay na kayo nang payapa, tahimik, at walang kinatatakutan. 11 Kasama ninyo ako at ililigtas ko kayo. Lubusan kong wawasakin ang mga bansang pinangalatan ko sa inyo pero hindi ko ito gagawin sa inyo. Ngunit hindi rin ito nangangahulugang hindi ko kayo parurusahan. Didisiplinahin ko kayo nang nararapat.”

1 Juan 3:10-16

10 At dito makikilala kung sino ang mga anak ng Dios at kung sino ang mga anak ng diyablo: ang lahat ng hindi gumagawa ng matuwid o hindi nagmamahal sa kanyang kapatid ay hindi anak ng Dios.

Magmahalan Tayo

11 Ito ang aral na narinig ninyo nang sumampalataya kayo: Dapat tayong magmahalan. 12 Huwag nating tularan si Cain, na kampon ng diyablo kaya pinatay niya ang kanyang kapatid. At bakit niya pinatay ang kanyang kapatid? Sapagkat masama ang mga gawa niya, at matuwid naman ang mga gawa ng kanyang kapatid. 13 Kaya huwag kayong magtaka, mga kapatid, kung galit sa inyo ang mga makamundo. 14 Alam nating inilipat na tayo sa buhay na walang hanggan mula sa kamatayan dahil minamahal natin ang ating mga kapatid. Ang sinumang hindi nagmamahal sa kanyang kapwa ay nananatili sa kamatayan. 15 Ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay isang mamamatay-tao, at alam ninyo na walang mamamatay-tao ang may buhay na walang hanggan. 16 Sa ganitong paraan natin nalalaman ang tunay na pag-ibig: ibinigay ni Jesu-Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya dapat din nating ialay ang ating buhay para sa ating mga kapatid.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®