Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
8 At(A) may bumangong isang bagong hari sa Ehipto na hindi kilala si Jose.
9 Sinabi niya sa kanyang bayan, “Tingnan ninyo, ang sambayanan ng mga anak ni Israel ay mas marami at higit na malakas kaysa atin.
10 Halikayo,(B) pakitunguhan natin sila nang may katusuhan, baka sila'y dumami at mangyari na kapag nagkaroon ng digmaan ay umanib sila sa ating mga kaaway, lumaban sa atin, at umalis sa lupain.”
11 Kaya't naglagay sila ng mga tagapangasiwa upang pahirapan sila sa kanilang mga sapilitang paggawa. Kanilang ipinagtayo si Faraon ng mga lunsod imbakan, ang Pitom at Rameses.
12 Subalit habang kanilang pinahihirapan sila, lalo silang dumarami at lalong lumalaganap. At kinasuklaman[a] nila ang mga anak ni Israel.
13 Malupit na pinapaglingkod ng mga Ehipcio ang mga anak ni Israel;
14 at kanilang pinapait ang kanilang buhay sa pamamagitan ng mahirap na paglilingkod, sa luwad at sa tisa, at sa lahat ng uri ng gawain sa bukid; at sa lahat ng kanilang gawain ay malupit silang pinapaglingkod.
Ipinapatay ang mga Batang Lalaki
15 Ang hari ng Ehipto ay nagsalita sa mga hilot na mga Hebrea, na ang pangalan ng isa ay Sifra, at ang pangalan ng ikalawa ay Pua.
16 Kanyang sinabi, “Paghilot ninyo sa mga babaing Hebrea at pagtingin ninyo sa kanila sa upuang panganganakan, kung lalaki ay papatayin ninyo; ngunit kung babae ay mabubuhay ito.”
17 Subalit ang mga hilot ay natakot sa Diyos at hindi nila ginawa ang gaya nang iniutos sa kanila ng hari ng Ehipto, kundi hinayaan nilang mabuhay ang mga batang lalaki.
18 Ipinatawag ng hari ng Ehipto ang mga hilot at sinabi sa kanila, “Bakit ninyo ginawa ang bagay na ito at hinayaan ninyong mabuhay ang mga batang lalaki?”
19 Sinabi ng mga hilot sa Faraon, “Sapagkat ang mga babaing Hebrea ay hindi gaya ng mga babaing Ehipcia. Sila'y malalakas at nakapanganak na bago dumating ang hilot sa kanila.”
20 Kaya't ang Diyos ay naging mabuti sa mga hilot; at ang taong-bayan ay dumami at naging napakalakas.
21 Dahil ang mga hilot ay natakot sa Diyos, kanyang binigyan sila ng mga sambahayan.
22 Pagkatapos,(C) iniutos ni Faraon sa kanyang buong bayan, “Itatapon ninyo sa ilog ang bawat lalaking ipanganak ngunit bawat babae ay hayaan ninyong mabuhay.”
Isinilang si Moises
2 May isang lalaki sa lipi ni Levi na humayo at nag-asawa ng isang anak na babae ni Levi.
2 Ang(D) babae ay naglihi at nanganak ng isang lalaki. Nang kanyang makita na ito ay maganda, kanyang itinago ito ng tatlong buwan.
3 Nang hindi na niya ito maitago pa, ikinuha niya ito ng isang basket na yari sa papiro, at pinahiran niya ng betun at alkitran. Kanyang isinilid ang bata roon at inilagay sa talahiban sa tabi ng ilog.
4 Tumayo sa malayo ang kanyang kapatid na babae upang malaman ang mangyayari sa bata.
5 Noon, ang anak na babae ni Faraon ay lumusong upang maligo sa ilog, at naglakad ang kanyang mga alalay na babae sa tabi ng ilog. Kanyang nakita ang basket sa talahiban at ipinakuha sa kanyang alalay.
6 Nang kanyang buksan ito, nakita niya ang bata; at narito, ang sanggol ay umiyak. At kanyang kinaawaan siya at sinabi, “Ito'y isa sa mga anak ng mga Hebreo.”
7 Nang magkagayo'y sinabi ng kanyang kapatid na babae sa anak ng Faraon, “Aalis ba ako upang itawag kita ng isang tagapag-alaga mula sa mga babaing Hebrea na mag-aalaga ng bata para sa iyo?”
8 Sinabi sa kanya ng anak ng Faraon, “Umalis ka.” Ang batang babae ay umalis at tinawag ang ina ng bata.
9 Sinabi ng anak ng Faraon sa kanya, “Dalhin mo ang batang ito at alagaan mo para sa akin at uupahan kita.” Kaya't kinuha ng babae ang bata at inalagaan ito.
10 Ang(E) bata ay lumaki at kanyang dinala ito sa anak ng Faraon, at ito'y naging kanyang anak. Kanyang pinangalanan siyang Moises,[b] dahil sinabi niya, “Sapagkat aking iniahon siya sa tubig.”
Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.
124 Kung hindi ang Panginoon ang naging nasa ating panig,
sabihin ngayon ng Israel—
2 kung hindi ang Panginoon ang naging nasa panig natin,
nang ang mga tao ay magsibangon laban sa atin,
3 nilamon na sana nila tayong buháy,
nang ang kanilang galit ay mag-alab laban sa atin;
4 tinabunan na sana tayo ng baha,
dinaanan na sana ng agos ang ating kaluluwa;
5 dinaanan na sana ng nagngangalit na mga tubig
ang ating kaluluwa.
6 Purihin ang Panginoon,
na hindi tayo ibinigay
bilang biktima sa kanilang mga ngipin!
7 Parang ibon sa bitag ng mga manghuhuli
na ang ating kaluluwa ay nakatakas,
ang bitag ay nasira,
at tayo ay nakatakas!
8 Ang saklolo natin ay nasa pangalan ng Panginoon,
na siyang lumikha ng langit at lupa.
Pamumuhay Cristiano
12 Kaya nga, mga kapatid, isinasamo ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na inyong ialay ang inyong mga katawan na isang handog na buháy, banal, na kasiya-siya sa Diyos, na siya ninyong makatuwirang paglilingkod.[a]
2 Huwag ninyong tularan ang sanlibutang ito; kundi magbago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti, kasiya-siya, at lubos na kalooban ng Diyos.
3 Sapagkat sinasabi ko, sa pamamagitan ng biyaya na ibinigay sa akin, na ang bawat isa sa inyo ay huwag mag-isip sa kanyang sarili nang higit kaysa nararapat niyang isipin; kundi mag-isip nang may katinuan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinamahagi ng Diyos sa bawat isa.
4 Sapagkat(A) kung paanong sa isang katawan ay mayroon tayong maraming mga bahagi, at ang mga bahagi ay hindi magkakatulad ang gawain;
5 kaya't tayo na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga bahagi na sama-sama sa isa't isa.
6 Tayo(B) ay may mga kaloob na magkakaiba ayon sa biyaya na ibinigay sa atin: kung propesiya ay gamitin ito ayon sa sukat ng pananampalataya;
7 kung paglilingkod ay sa paglilingkod, o ang nagtuturo ay sa pagtuturo;
8 o ang nangangaral ay sa pangangaral; ang nagbibigay ay magbigay na may magandang-loob; ang namumuno ay may pagsisikap; ang mahabagin ay may kasiglahan.
Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(A)
13 Nang dumating si Jesus sa nasasakupan ng Cesarea Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, na sinasabi, “Ano ba ang sinasabi ng mga tao kung sino ang Anak ng Tao?”
14 At(B) sinabi nila, “Ang sabi ng iba ay si Juan na Tagapagbautismo, ang iba ay si Elias; at ang iba ay si Jeremias, o isa sa mga propeta.”
15 Sinabi niya sa kanila, “Ngunit ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?”
16 Sumagot(C) si Simon Pedro at sinabi, “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy.”
17 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanya, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat hindi laman at dugo ang nagpahayag nito sa iyo kundi ang aking Ama na nasa langit.
18 At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro,[a] at sa ibabaw ng batong[b] ito ay itatayo ko ang aking iglesya; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magwawagi laban sa kanya.
19 Ibibigay(D) ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit, at anumang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anumang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.”
20 Pagkatapos ay mahigpit niyang ipinagbilin sa mga alagad na huwag sasabihin kaninuman na siya ang Cristo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001