Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 130

Awit ng Pag-akyat.

130 Mula sa kalaliman, O Panginoon, ako sa iyo'y dumaing!
    Panginoon, tinig ko'y pakinggan!
    Mga pandinig mo'y makinig sa tinig ng aking mga karaingan!

Kung ikaw, Panginoon, ay magtatala ng mga kasamaan,
    O Panginoon, sino kayang makakatagal?
Ngunit sa iyo'y may kapatawaran,
    upang ikaw ay katakutan.
Ako'y naghihintay sa Panginoon, naghihintay ang aking kaluluwa,
    at sa kanyang salita ako ay umaasa;
sa Panginoon ay naghihintay ang aking kaluluwa,
    higit pa kaysa bantay sa umaga;
    tunay na higit pa kaysa bantay sa umaga.

O Israel, umasa ka sa Panginoon!
    Sapagkat sa Panginoon ay may tapat na pagmamahal,
    at sa kanya ay may saganang katubusan.
Ang(A) Israel ay tutubusin niya,
    mula sa lahat niyang pagkakasala.

Genesis 43

Bumabang Muli ang mga Kapatid ni Jose na Kasama si Benjamin

43 Noon ay matindi ang taggutom sa lupain.

Nang maubos na nilang kainin ang trigo na kanilang dinala mula sa Ehipto, sinabi sa kanila ng kanilang ama, “Bumalik kayo, bumili kayo ng kaunting pagkain para sa atin.”

Subalit sinabi ni Juda sa kanya, “Ang lalaking iyon ay mahigpit na nagbabala sa amin, na sinasabi, ‘Hindi ninyo makikita ang aking mukha malibang kasama ninyo ang inyong kapatid.’

Kung pasasamahin mo sa amin ang aming kapatid, bababa kami at ibibili ka namin ng pagkain.

Subalit kapag hindi mo siya pinasama ay hindi kami bababa; sapagkat sinabi sa amin ng lalaki, ‘Hindi ninyo ako makikita malibang kasama ninyo ang inyong kapatid.’”

Sinabi naman ni Israel, “Bakit ninyo ako ginawan ng ganitong kasamaan, na inyong sinabi sa lalaki na mayroon pa kayong ibang kapatid?”

Sila'y sumagot, “Ang lalaki ay masusing nagtanong tungkol sa amin at sa ating pamilya, na sinasabi, ‘Buháy pa ba ang inyong ama? May kapatid pa ba kayo?’ Sumagot kami sa kanyang mga tanong. Paano namin malalaman na kanyang sasabihin, ‘Dalhin ninyo rito ang inyong kapatid?’”

Sinabi ni Juda kay Israel na kanyang ama. “Pasamahin mo sa akin ang bata at hayaan mong kami ay makaalis na upang tayo'y mabuhay at huwag mamatay—kami, ikaw, at ang aming mga anak.

Ako mismo ang mananagot para sa kanya. Maaari mo akong panagutin para sa kanya. Kapag hindi ko siya naibalik sa iyo at naiharap sa iyo, ako ang magpapasan ng sisi magpakailanman.

10 Sapagkat kung hindi sana tayo naantala, dalawang ulit na sana kaming nakabalik.”

11 Sinabi naman sa kanila ng kanilang amang si Israel, “Kung talagang gayon, gawin ninyo ito: magdala kayo sa inyong sisidlan ng mga piling bunga ng lupain, at dalhan ninyo ng handog ang lalaki ng kaunting mabangong langis at kaunting pulot, pabango, mira, mga pili at almendras.

12 Magdala rin kayo ng dobleng dami ng salapi; dalhin ninyong pabalik ang salaping isinauli nila sa ibabaw ng inyong mga sako. Marahil iyon ay hindi napansin.

13 Dalhin din ninyo ang inyong kapatid, at muli kayong maglakbay pabalik sa lalaking iyon.

14 Pagkalooban nawa kayo ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat ng awa sa harapan ng lalaking iyon upang ibalik sa inyo ang inyong isa pang kapatid at si Benjamin. At ako, kung ako'y mangulila, ako'y mangungulila.”

15 Kaya't dinala ng mga lalaki ang handog at ang dobleng dami ng salapi at si Benjamin. Sila'y pumunta sa Ehipto, at humarap kay Jose.

16 Nang makita ni Jose si Benjamin na kasama nila, ay sinabi niya sa katiwala ng kanyang bahay, “Dalhin mo ang mga lalaking iyan sa bahay, magpatay ka ng hayop, at ihanda mo; sapagkat ang mga lalaking iyan ay manananghaliang kasalo ko.”

17 Dinala ng katiwala ang mga lalaking iyon sa bahay ni Jose.

18 Ang mga lalaki ay natakot sapagkat sila'y dinala sa bahay ni Jose, at sinabi nila, “Dinala tayo rito dahil sa salaping isinauli sa ating mga sako noon, upang magkaroon siya ng pagkakataong dakpin tayo, at tayo'y kunin bilang mga alipin, pati ang ating mga asno.”

19 Kaya't sila'y lumapit sa katiwala ng bahay ni Jose at kinausap nila sa pintuan ng bahay.

20 Sinabi nila, “O panginoon ko, talagang kami ay bumaba noong una upang bumili ng pagkain.

21 Nang dumating kami sa tuluyan, binuksan namin ang aming mga sako, at naroon ang salapi ng bawat isa na nasa ibabaw ng kanya-kanyang sako, ang salapi namin sa tunay nitong timbang; kaya't ito ay muli naming dinala.

22 Nagdala rin kami ng karagdagang salapi upang ibili ng pagkain. Hindi namin nalalaman kung sino ang naglagay ng aming salapi sa aming mga sako.”

23 Siya'y sumagot, “Huwag kayong mag-alala o matakot man. Ang Diyos ninyo at ang Diyos ng inyong ama ang nagbigay sa inyo ng kayamanang nasa inyong mga sako; tinanggap ko ang inyong salapi.” Pagkatapos ay dinala niya si Simeon sa kanila.

24 Nang dalhin ng katiwala[a] ang mga lalaki sa bahay ni Jose, at sila'y mabigyan ng tubig, at makapaghugas ng kanilang mga paa, at mabigyan ng pagkain ang kanilang mga asno,

25 ay inihanda nila ang regalo sa pagdating ni Jose sa tanghali, sapagkat kanilang narinig na doon sila magsisikain.

26 Nang dumating si Jose sa bahay, dinala nila sa kanya ang regalo na dinala nila sa loob ng bahay at sila'y nagpatirapa sa harapan niya.

27 Kanyang tinanong sila tungkol sa kanilang kalagayan, at sinabi, “Mayroon bang kapayapaan ang inyong ama, ang matanda na inyong sinabi? Buháy pa ba siya?”

28 Kanilang sinabi, “Mayroong kapayapaan sa iyong lingkod, sa aming ama, siya ay buháy pa.” Sila'y nagsiyuko at nagpatirapa.

29 Tumingin siya at nakita niya ang kanyang kapatid na si Benjamin, ang anak ng kanyang ina, at kanyang sinabi, “Ito ba ang inyong bunsong kapatid na inyong sinabi sa akin?” Kanyang sinabi, “Pagpalain ka nawa ng Diyos, anak ko.”

30 Pagkatapos ay nagmadaling lumabas si Jose sapagkat nanaig ang kanyang pagmamahal sa kanyang kapatid. Humanap siya ng lugar na maiiyakan, pumasok sa loob ng silid, at umiyak doon.

31 Pagkatapos ay naghilamos siya, lumabas, nagpigil sa sarili, at nagsabi, “Maghain kayo ng pagkain.”[b]

32 Kanilang hinainan siya nang bukod, at sila naman ay bukod din, at ang mga Ehipcio na kumakaing kasama niya ay bukod, sapagkat ang mga Ehipcio ay hindi kumakaing kasalo ng mga Hebreo; sapagkat ito ay kasuklamsuklam sa mga Ehipcio.

33 Sila'y umupo sa harapan niya, ang panganay ayon sa kanyang pagkapanganay, at ang bunso ayon sa kanyang pagkabunso. At ang mga lalaki ay nagtinginan sa isa't isa na may pagkamangha.

34 Mula sa hapag ni Jose ay dinalhan sila ng mga pagkain, subalit ang pagkain ni Benjamin ay limang ulit na mas marami kaysa alinman sa kanila. Kaya't sila'y nag-inuman at nagkatuwaang kasama niya.

Mga Gawa 15:1-21

Ang Pagpupulong sa Jerusalem

15 May(A) ilang tao ang dumating mula sa Judea na nagtuturo sa mga kapatid, “Maliban na kayo'y tuliin ayon sa kaugalian ni Moises, hindi kayo maliligtas.”

Pagkatapos na magkaroon sina Pablo at Bernabe ng hindi maliit na pakikipagtalo at pakikipagsalungatan sa kanila, sina Pablo at Bernabe, at ang ilan sa iba pa ay inatasang pumunta sa Jerusalem, upang talakayin ang suliraning ito sa mga apostol at sa matatanda.

Kaya't isinugo sila ng iglesya sa kanilang paglalakbay, at pagdaan nila sa Fenicia at Samaria, iniulat nila ang pagbabagong-loob ng mga Hentil at sila'y nakapagbigay ng malaking kagalakan sa lahat ng mga kapatid.

Nang sila'y makarating sa Jerusalem, tinanggap sila ng iglesya at ng mga apostol at ng matatanda, at iniulat nila ang lahat ng bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila.

Subalit ang ilang mananampalataya na kasapi sa sekta ng mga Fariseo ay tumayo at nagsabi, “Kailangang sila'y tuliin at utusang sundin ang kautusan ni Moises.”

Nagtipon ang mga apostol at ang matatanda upang pag-usapan ang bagay na ito.

Pagkatapos(B) ng maraming talakayan, tumindig si Pedro at sinabi sa kanila, “Mga ginoo, mga kapatid, nalalaman ninyo na noong mga unang araw ay pumili ang Diyos sa inyo, na sa pamamagitan ng aking bibig ay mapakinggan ng mga Hentil ang salita ng ebanghelyo, at sila'y manampalataya.

At(C) ang Diyos na nakakaalam ng puso ng tao ay nagpatotoo sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng Espiritu Santo tulad nang nangyari sa atin;

at tayo'y hindi niya itinangi sa kanila, kundi nilinis ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya.

10 Kaya ngayon, bakit ninyo sinusubok ang Diyos sa pamamagitan ng paglalagay ng pamatok sa batok ng mga alagad na kahit ang ating mga ninuno ni tayo ay hindi nakayang dalhin?

11 Ngunit naniniwala tayo na maliligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesus, na tulad naman nila.”

12 Tumahimik ang buong kapulungan at kanilang pinakinggan sina Bernabe at Pablo na isinasalaysay ang mga tanda at mga kababalaghang ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila sa gitna ng mga Hentil.

13 Nang matapos na silang magsalita ay sumagot si Santiago, “Mga kapatid, pakinggan ninyo ako.

14 Ipinaliwanag na ni Simeon kung paanong unang dinalaw ng Diyos ang mga Hentil, upang kumuha sa kanila ng isang bayan para sa kanyang pangalan.

15 At dito'y sumasang-ayon ang mga salita ng mga propeta, tulad ng nasusulat,

16 ‘Pagkatapos(D) ng mga bagay na ito, ako'y babalik,
at muli kong itatayo ang tolda ni David na bumagsak;
    muli kong itatatag ang guho nito,
    at ito'y aking itatayo:
17 upang hanapin ng nalabi sa mga tao ang Panginoon,
    at ng lahat ng mga Hentil na tinatawag sa aking pangalan,
18     sabi ng Panginoon na nagpakilala ng mga bagay na ito mula ng una.’

19 Kaya't ang hatol ko ay huwag nating gambalain ang mga Hentil na nagbabalik-loob sa Diyos.

20 Sa(E) halip ay sumulat tayo sa kanila, na sila'y lumayo sa mga bagay na pinarumi ng diyus-diyosan at pakikiapid, at sa anumang bagay na binigti, at sa dugo.

21 Sapagkat mula sa mga unang salinlahi si Moises ay mayroon sa bawat lunsod na nangangaral tungkol sa kanya, dahil binabasa siya nang malakas tuwing Sabbath sa mga sinagoga.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001