Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pag-akyat.
130 Mula sa kalaliman, O Panginoon, ako sa iyo'y dumaing!
2 Panginoon, tinig ko'y pakinggan!
Mga pandinig mo'y makinig sa tinig ng aking mga karaingan!
3 Kung ikaw, Panginoon, ay magtatala ng mga kasamaan,
O Panginoon, sino kayang makakatagal?
4 Ngunit sa iyo'y may kapatawaran,
upang ikaw ay katakutan.
5 Ako'y naghihintay sa Panginoon, naghihintay ang aking kaluluwa,
at sa kanyang salita ako ay umaasa;
6 sa Panginoon ay naghihintay ang aking kaluluwa,
higit pa kaysa bantay sa umaga;
tunay na higit pa kaysa bantay sa umaga.
7 O Israel, umasa ka sa Panginoon!
Sapagkat sa Panginoon ay may tapat na pagmamahal,
at sa kanya ay may saganang katubusan.
8 Ang(A) Israel ay tutubusin niya,
mula sa lahat niyang pagkakasala.
Ang Nawawalang Kopa
44 Iniutos niya sa katiwala ng kanyang bahay, “Punuin mo ng mga pagkain ang mga sako ng mga lalaking ito, hangga't madadala nila, at ilagay ang salapi ng bawat isa sa ibabaw ng kanyang sako.
2 Ilagay mo ang aking kopang pilak sa ibabaw ng sako ng bunso, at ang kanyang salapi para sa trigo.” Ginawa niya ang ayon sa sinabi ni Jose.
3 Nang nagliliwanag na ang umaga, isinugo na ang mga lalaki, kasama ang kanilang mga asno.
4 Nang sila'y makalabas na sa bayan, at hindi pa sila nakakalayo, sinabi ni Jose sa katiwala ng kanyang bahay, “Bumangon ka, habulin mo ang mga lalaki, at kapag sila'y inabutan mo, ay sabihin mo sa kanila, ‘Bakit ginantihan ninyo ng kasamaan ang kabutihan? Bakit ninyo ninakaw ang aking kopang pilak?[a]
5 Hindi ba ito ang kopang iniinuman ng aking panginoon, at sa pamamagitan nito siya ay nanghuhula? Kayo'y gumawa ng masama sa paggawa ng ganyan.’”
6 Nang kanyang abutan sila, kanyang sinabi sa kanila ang mga salitang ito.
7 Kanilang sinabi sa kanya, “Bakit sinabi ng aking panginoon ang mga salitang ito? Malayong gagawa ang iyong mga lingkod ng ganyang bagay.
8 Tingnan mo, ang salapi na aming natagpuan sa ibabaw ng aming mga sako ay aming isinauli sa iyo mula sa lupain ng Canaan. Paano naming mananakaw ang pilak at ginto sa bahay ng iyong panginoon?
9 Maging kanino man ito matagpuan sa iyong mga lingkod, siya ay mamatay, at pati kami ay magiging alipin ng aming panginoon.”
10 Kanyang sinabi, “Mangyari ayon sa inyong mga salita; maging kanino man ito matagpuan ay magiging aking alipin; at kayo'y pawawalang-sala.”
11 Nang magkagayo'y nagmadali sila, ibinaba ng bawat isa ang kanyang sako sa lupa, at binuksan ng bawat isa ang kanyang sako.
12 Kanyang sinaliksik, simula sa panganay hanggang sa bunso, at natagpuan ang kopa sa sako ni Benjamin.
13 Kaya't kanilang pinunit ang kanilang mga suot, at kinargahan ng bawat isa ang kanyang asno, at bumalik sa bayan.
14 Nang si Juda at ang kanyang mga kapatid ay dumating sa bahay ni Jose, siya'y nandoon pa, at sila'y nagpatirapa sa lupa sa harapan niya.
15 Sinabi ni Jose sa kanila, “Ano itong ginawa ninyo? Hindi ba ninyo nalalaman na ang isang taong gaya ko ay makapanghuhula?”
16 Sinabi ni Juda, “Anong aming sasabihin sa aming panginoon? Anong aming sasalitain? O paanong kami ay makakapangatuwiran? Natagpuan ng Diyos ang kasamaan ng iyong mga lingkod. Narito, kami ay mga alipin ng aming panginoon, kami pati na ang kinatagpuan ng kopa.”
17 At kanyang sinabi, “Malayo nawa sa akin ang gumawa nito; ang taong kinatagpuan ng kopa ay siyang magiging aking alipin, at kayo ay umuwing may kapayapaan sa inyong ama.”
Nakiusap si Juda para kay Benjamin
18 Nang magkagayo'y lumapit si Juda sa kanya, at sinabi, “O panginoon ko, pahintulutan mo ang iyong lingkod na magsalita sa pandinig ng aking panginoon, at huwag nawang magningas ang iyong galit laban sa iyong lingkod, sapagkat ikaw ay kagaya ng Faraon.
19 Tinanong ng aking panginoon ang kanyang mga lingkod, na sinasabi, ‘Kayo ba'y mayroong ama o kapatid?’
20 At aming sinabi sa aking panginoon, ‘Kami ay may ama, isang matanda, at isang anak sa kanyang katandaan, at ang kanyang kapatid ay patay na, at siya lamang ang naiwan ng kanyang ina, at minamahal siya ng kanyang ama.’
21 Sinabi mo sa iyong mga lingkod, ‘Dalhin ninyo siya sa akin, upang makita ko siya.’
22 Aming sinabi sa aking panginoon, ‘Hindi maiiwan ng bata ang kanyang ama, at kung iiwan niya ang kanyang ama, ang kanyang ama ay mamamatay.’
23 At sinabi mo sa iyong mga lingkod, ‘Kapag ang bunso ninyong kapatid ay hindi bumabang kasama ninyo, hindi na ninyo ako makikitang muli.’
24 Nang kami'y bumalik sa iyong lingkod na aking ama, aming sinabi sa kanya ang mga salita ng aking panginoon.
25 Nang sinabi ng aming ama, ‘Pumaroon kayong muli; bumili kayo ng kaunting pagkain para sa atin,’
26 ay aming sinabi, ‘Hindi kami makakababa. Kung ang aming bunsong kapatid ay kasama namin, ay bababa kami. Sapagkat hindi namin makikita ang mukha ng lalaking iyon, malibang ang aming bunsong kapatid ay kasama namin.’
27 Sinabi ng iyong lingkod na aming ama sa amin, ‘Nalalaman ninyo na ang aking asawa ay nagkaanak sa akin ng dalawang lalaki;
28 ang isa'y umalis sa akin, at aking sinabi, tiyak na siya'y nilapa; at hindi ko na siya nakita mula noon.
29 Kung inyong kukunin pa ang isang ito sa akin, at may mangyaring sakuna sa kanya, ay inyong ibababa ang aking uban sa Sheol na may kapanglawan.’
30 Kaya't ngayon, kung ako'y dumating sa iyong lingkod na aking ama, at ang bata ay hindi namin kasama, yamang ang kanyang buhay ay nakatali sa buhay ng batang iyan;
31 kapag kanyang nakitang ang bata ay di kasama, siya ay mamamatay at ibababa ng inyong mga lingkod ang mga uban ng iyong lingkod na aming ama sa Sheol na may kapanglawan.
32 Sapagkat ang iyong lingkod ang siyang naging panagot sa bata sa aking ama, na nagsasabi, ‘Kapag hindi ko siya dinala sa iyo, papasanin ko ang sisi ng aking ama magpakailanman.’
33 Kaya't ngayon, hinihiling ko na ipahintulot mo na ang iyong lingkod ang maiwan bilang isang alipin sa aking panginoon sa halip na ang bata at iyong ipahintulot na ang bata ay umahong kasama ng kanyang mga kapatid.
34 Sapagkat paano ako makakapunta sa aking ama kung ang bata'y hindi kasama? Takot akong makita ang kasamaang darating sa aking ama.”
Ang Kaligtasan ng mga Hentil
13 Ngayo'y nagsasalita ako sa inyong mga Hentil. Palibhasa ako nga'y isang apostol sa mga Hentil, niluluwalhati ko ang aking ministeryo
14 baka sakaling mapukaw ko sa panibugho ang aking mga kapwa Judio at mailigtas ang ilan sa kanila.
15 Sapagkat kung ang pagkatakuwil sa kanila ay siyang pakikipagkasundo ng sanlibutan, ano kaya ang pagtanggap sa kanila, kundi buhay mula sa mga patay?
16 Kung ang masang inialay bilang unang bunga ay banal, ay gayundin ang buong limpak; at kung ang ugat ay banal, gayundin ang mga sanga.
17 Subalit kung ang ilang mga sanga ay nabali, at ikaw, na isang olibong ligaw ay isinanib sa kanila, at ikaw ay naging kabahagi nila sa ugat ng katabaan ng punong olibo,
18 huwag kang magmalaki sa mga sanga. Ngunit kung magmalaki ka, alalahanin mong hindi ikaw ang nagdadala sa ugat, kundi ang ugat ang nagdadala sa iyo.
19 Sasabihin mo nga, “Ang mga sanga ay nabali upang ako ay maisanib.”
20 Tama; sa kawalan nila ng pananampalataya ay nabali sila, at sa iyong pananampalataya'y nakatayo ka. Huwag kang magmalaki kundi matakot ka.
21 Sapagkat kung hindi pinanghinayangan ng Diyos ang mga likas na sanga, ikaw man ay hindi panghihinayangan.
22 Tingnan mo nga ang kabaitan at ang kabagsikan ng Diyos: sa mga nahulog ay kabagsikan, ngunit sa iyo ay ang kabaitan ng Diyos kung mananatili ka sa kanyang kabaitan; kung hindi, ikaw man ay puputulin.
23 At sila man, kung hindi sila magpapatuloy sa di-pagsampalataya, sila ay mapapasanib, sapagkat makapangyarihan ang Diyos upang sila'y isanib na muli.
24 Sapagkat kung ikaw nga na pinutol mula sa likas na olibong ligaw, at salungat sa kalikasan, ay isinanib ka sa pinayabong na punong olibo; gaano pa nga ang mga ito, na mga likas na sanga na maisasanib sa kanilang sariling punong olibo?
Nahahabag ang Diyos sa Lahat
25 Upang kayo'y huwag magmarunong sa inyong sarili, mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang hiwagang ito, na ang pagmamatigas ay nangyari sa isang bahagi ng Israel hanggang makapasok ang buong bilang ng mga Hentil.
26 Sa(A) ganoon ang buong Israel ay maliligtas; gaya ng nasusulat,
“Lalabas mula sa Zion ang Tagapagligtas;
ihihiwalay niya ang kasamaan mula sa Jacob.”
27 “At(B) ito ang aking tipan sa kanila,
kapag inalis ko ang kanilang mga kasalanan.”
28 Tungkol sa ebanghelyo, sila'y mga kaaway alang-alang sa inyo; subalit tungkol sa paghirang, sila'y mga minamahal alang-alang sa mga ninuno.
29 Sapagkat ang mga kaloob at ang pagtawag ng Diyos ay hindi mababago.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001