Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
13 Sapagkat hinubog mo ang aking mga nasa loob na bahagi,
at sa bahay-bata ng aking ina ako'y iyong hinabi.
14 Ako'y magpapasalamat sa iyo sapagkat ang pagkagawa sa akin ay kakilakilabot at kamanghamangha.
Ang iyong mga gawa ay kahangahanga;
at iyon ay nalalamang mabuti ng aking kaluluwa.
15 Ang katawan ko'y hindi nakubli sa iyo,
nang ako'y lihim na ginagawa,
mahusay na binuo sa kalaliman ng lupa.
16 Nakita ng iyong mga mata ang aking wala pang anyong sangkap;
at sa iyong aklat bawat isa sa mga iyon ay nakasulat,
ang mga araw na sa akin ay itinakda,
nang wala pang anuman sa kanila.
17 Napakahalaga sa akin ng iyong mga pag-iisip, O Diyos!
Napakalawak ng kabuuan ng mga iyon!
18 Kung aking bibilangin, ang mga iyon ay marami pa kaysa buhangin.
Kapag ako'y nagigising, ako'y kasama mo pa rin.
Ang Kamatayan ni Raquel
16 Sila'y naglakbay mula sa Bethel. Nang sila ay may kalayuan pa mula sa Efrata, ay manganganak na si Raquel at siya'y naghihirap sa panganganak.
17 Nang siya'y naghihirap sa panganganak, sinabi sa kanya ng hilot, “Huwag kang matakot, sapagkat magkakaroon ka ng isa pang anak na lalaki.”
18 Habang siya'y naghihingalo (sapagkat namatay siya), kanyang pinangalanan siyang Benoni;[a] subalit tinawag siyang Benjamin[b] ng kanyang ama.
19 Kaya't namatay si Raquel at inilibing sa daang patungo sa Efrata, na siyang Bethlehem.
20 Nagtayo si Jacob ng isang haligi sa ibabaw ng kanyang libingan na siyang haligi ng libingan ni Raquel hanggang ngayon.
21 Naglakbay pa si Israel at itinayo ang kanyang tolda sa dako pa roon ng tore ng Eder.
Ang mga Anak ni Jacob(A)
22 Samantalang(B) naninirahan si Israel sa lupaing iyon, si Ruben ay humayo at sumiping kay Bilha na asawang-lingkod ng kanyang ama at ito'y nabalitaan ni Israel. Labindalawa nga ang anak na lalaki ni Jacob.
23 Ang mga anak ni Lea: si Ruben na panganay ni Jacob, at sina Simeon, Levi, Juda, Isacar, at si Zebulon.
24 Ang mga anak ni Raquel: sina Jose at si Benjamin;
25 at ang mga anak ni Bilha, na alila ni Raquel: sina Dan at Neftali;
26 at ang mga anak ni Zilpa na alilang babae ni Lea: sina Gad at Aser. Ito ang mga anak ni Jacob na ipinanganak sa kanya sa Padan-aram.
Ang Kamatayan ni Isaac
27 At(C) pumunta si Jacob kay Isaac na kanyang ama sa Mamre, sa Kiryat-arba (na siyang Hebron), kung saan tumira sina Abraham at Isaac.
28 Ang mga naging araw ni Isaac ay isandaan at walumpung taon.
29 Nalagot ang hininga ni Isaac at namatay; at siya'y naging kasama ng kanyang bayan, matanda na at puspos ng mga araw. Inilibing siya ng kanyang mga anak na sina Esau at Jacob.
Ang Lingkod na Hinirang
15 Nang malaman ito ni Jesus ay umalis siya roon. Sinundan siya ng marami at pinagaling niya silang lahat,
16 at ipinag-utos niya sa kanila, na siya'y huwag nilang ipamamalita.
17 Ito ay upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ni propeta Isaias, na sinasabi:
18 “Narito(A) ang lingkod ko na aking hinirang,
ang minamahal ko na kinalulugdan ng aking kaluluwa.
Ilalagay ko sa kanya ang aking Espiritu,
at ipahahayag niya ang katarungan sa mga Hentil.
19 Hindi siya makikipagtalo, o sisigaw,
o maririnig ng sinuman ang kanyang tinig sa mga lansangan.
20 Hindi niya babaliin ang tambong nasugatan,
o papatayin ang nagbabagang mitsa,
hanggang ang katarungan ay dalhin niya sa tagumpay;
21 at aasa ang mga Hentil sa kanyang pangalan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001