Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
8 Ang tinig ng aking giliw!
Narito, siya'y dumarating,
palukso-lukso sa mga bundok,
palundag-lundag sa mga burol.
9 Ang aking sinta ay gaya ng usa
o ng batang usa.
Tingnan mo, siya'y nakatayo
sa likod ng aming bakod,
sa mga bintana'y sumisilip,
sa mga durungawa'y nagmamasid.
10 Ang aking sinta ay nagsalita, at nagsabi sa akin,
“Bumangon ka, maganda kong sinta,
at tayo'y umalis;
11 Sapagkat, ang taglamig ay lumipas na;
ang ulan ay tapos na at wala na.
12 Ang mga bulaklak ay namumukadkad sa lupa;
ang panahon ng pag-aawitan ay dumating,
at ang tinig ng batu-bato
ay naririnig sa ating lupain.
13 Lumalabas na ang mga bunga ng puno ng igos,
at ang mga puno ng ubas ay namumulaklak,
ang kanilang bango'y humahalimuyak.
Bumangon ka, maganda kong sinta,
at tayo'y umalis.
Mga Naging Anak ni Jacob
31 Nang makita ng Panginoon na si Lea ay kinapootan, binuksan niya ang kanyang bahay-bata; subalit si Raquel ay baog.
32 Naglihi si Lea at nanganak ng isang lalaki, at tinawag niyang Ruben;[a] sapagkat kanyang sinabi, “Sapagkat tiningnan ng Panginoon ang aking kapighatian; kaya't ngayo'y mamahalin ako ng aking asawa.”
33 Muli siyang naglihi at nanganak ng isang lalaki at sinabi, “Sapagkat narinig ng Panginoon na ako'y kinapopootan, ibinigay rin niya sa akin ito”; at tinawag niyang Simeon.[b]
34 Muli siyang naglihi at nanganak ng isang lalaki, at nagsabi, “Ngayo'y makakasama ko na ang aking asawa, sapagkat nagkaanak ako sa kanya ng tatlong lalaki”; kaya't ang kanyang pangalan ay Levi.[c]
35 At muli siyang naglihi at nanganak ng isang lalaki, at nagsabi, “Ngayo'y pupurihin ko ang Panginoon.” Kaya't tinawag niyang Juda;[d] at hindi na siya nanganak.
Hinugasan ni Jesus ang mga Paa ng mga Alagad
13 Bago magpista ng Paskuwa, alam na ni Jesus na dumating na ang oras ng kanyang pagpanaw sa sanlibutang ito patungo sa Ama. Yamang minamahal niya ang sariling kanya na nasa sanlibutan, sila ay kanyang minahal hanggang sa katapusan.
2 Nang oras ng hapunan, inilagay na ng diyablo sa puso ni Judas Iscariote, na anak ni Simon, na ipagkanulo siya.
3 Alam ni Jesus na ibinigay na ng Ama ang lahat ng mga bagay sa kanyang mga kamay, at siya'y nanggaling sa Diyos at patungo sa Diyos.
4 Kaya tumindig siya pagkatapos maghapunan, itinabi ang kanyang damit, at siya'y kumuha ng isang tuwalya, at ibinigkis sa kanyang sarili.
5 Pagkatapos ay nagsalin siya ng tubig sa palanggana, at nagsimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad, at pagkatapos ay pinunasan ng tuwalya na nakabigkis sa kanya.
6 Lumapit siya kay Simon Pedro na nagtanong sa kanya, “Panginoon, huhugasan mo ba ang aking mga paa?”
7 Sumagot si Jesus sa kanya, “Ang ginagawa ko'y hindi mo pa nauunawaan ngayon, ngunit malalaman mo pagkatapos ng mga ito.”
8 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Hindi mo huhugasan ang aking mga paa kailanman.” Sinagot siya ni Jesus, “Kung hindi kita huhugasan, ay hindi ka magkakaroon ng bahagi sa akin.”
9 Sinabi sa kanya ni Simon Pedro, “Panginoon, hindi ang aking mga paa lamang, kundi pati ang aking mga kamay at ang aking ulo.”
10 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang napaliguan na ay hindi na kailangang hugasan maliban ang kanyang mga paa, sapagkat malinis nang lubos. Kayo'y malilinis na, ngunit hindi ang lahat.
11 Sapagkat nalalaman niya kung sino ang magkakanulo sa kanya, kaya't sinabi niya, “Hindi lahat sa inyo ay malilinis.”
12 Kaya(A) nang mahugasan niya ang kanilang mga paa, at makuha ang kanyang mga damit at muling maupo, ay sinabi niya sa kanila, “Nalalaman ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo?
13 Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon at tama kayo, sapagkat ako nga.
14 Kung ako nga, na Panginoon at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, kayo man ay dapat ding maghugas ng mga paa ng isa't isa.
15 Sapagkat kayo'y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin din ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo.
16 Katotohanang(B) sinasabi ko sa inyo, ang alipin ay hindi higit na dakila kaysa kanyang panginoon, o ang sinugo ay higit na dakila kaysa nagsugo sa kanya.
17 Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, mapapalad kayo kung inyong gagawin.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001