Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
139 O Panginoon, siniyasat mo ako at nakilala mo ako.
2 Iyong nalalaman kapag ako'y umuupo at kapag ako'y tumatayo;
nababatid mo ang aking pag-iisip mula sa malayo.
3 Iyong sinisiyasat ang aking landas at ang paghiga ko,
at ang lahat kong mga lakad ay nalalaman mo.
4 Bago pa man magkaroon ng salita sa dila ko,
O Panginoon, lahat ng iyon ay alam mo.
5 Iyong pinaligiran ako sa likuran at sa harapan,
at ipinatong mo sa akin ang iyong kamay.
6 Ang gayong kaalaman ay lubhang kahanga-hanga para sa akin;
ito ay matayog, hindi ko kayang abutin.
7 Saan ako pupunta mula sa iyong Espiritu?
O saan ako tatakas mula sa harapan mo?
8 Kung ako'y umakyat sa langit, ikaw ay naroon!
Kung gawin ko ang aking higaan sa Sheol, ikaw ay naroon!
9 Kung aking kunin ang mga pakpak ng umaga,
at sa mga pinakadulong bahagi ng dagat ako'y tumira,
10 doon ma'y papatnubayan ako ng iyong kamay,
at hahawakan ako ng iyong kanang kamay.
11 Kung aking sabihin, “Takpan nawa ako ng dilim,
at maging gabi ang liwanag na nakapalibot sa akin,”
12 kahit ang kadiliman ay hindi madilim sa iyo,
at ang gabi ay kasinliwanag ng araw;
ang kadiliman at kaliwanagan ay magkatulad sa iyo.
23 Siyasatin mo ako, O Diyos, at alamin mo ang aking puso;
subukin mo ako, at alamin mo ang mga pag-iisip ko!
24 At tingnan mo kung may anumang lakad ng kasamaan sa akin,
at patnubayan mo ako sa daang walang hanggan.
Ibinalik sa Dati ang Israel
21 “Ipapakita ko ang aking kaluwalhatian sa mga bansa; at makikita ng lahat ng bansa ang aking kahatulan na aking inilapat, at ang aking kamay na ipinatong ko sa kanila.
22 Malalaman ng sambahayan ni Israel na ako ang Panginoon na kanilang Diyos, mula sa araw na iyon hanggang sa haharapin.
23 At malalaman ng mga bansa na ang sambahayan ni Israel ay pumasok sa pagkabihag dahil sa kanilang kasamaan, sapagkat sila'y nagtaksil laban sa akin at ikinubli ko ang aking mukha sa kanila. Sa gayo'y ibinigay ko sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, at silang lahat ay nabuwal sa pamamagitan ng tabak.
24 Hinarap ko sila ayon sa kanilang karumihan at mga pagsuway; at ikinubli ko ang aking mukha sa kanila.
Ang Israel ay Muling Itatayo
25 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ngayo'y aking ibabalik ang kapalaran ng Jacob at maaawa ako sa buong sambahayan ni Israel; at ako'y magiging mapanibughuin dahil sa aking banal na pangalan.
26 Malilimutan nila ang kanilang kahihiyan, at ang lahat ng kataksilan na kanilang ginawa laban sa akin, kapag sila'y naninirahang tiwasay sa kanilang lupain, at walang tatakot sa kanila;
27 kapag sila'y aking ibinalik mula sa mga bayan, at tipunin sila mula sa mga lupain ng kanilang mga kaaway, at sa pamamagitan nila ay ipakita ang aking kabanalan sa paningin ng maraming bansa.
28 At kanilang malalaman na ako ang Panginoon nilang Diyos sapagkat dinala ko sila sa pagkabihag sa gitna ng mga bansa, at saka tinipon sila sa kanilang sariling lupain. Hindi ako mag-iiwan ng sinuman sa kanila sa gitna ng mga bansa;
29 at hindi ko na ikukubli pa ang aking mukha sa kanila kapag ibinuhos ko ang aking Espiritu sa sambahayan ni Israel, sabi ng Panginoong Diyos.”
Ang Katiyakan ng Pangako ng Diyos
13 Nang mangako ang Diyos kay Abraham, palibhasa'y walang sinumang higit na dakila na kanyang panunumpaan, siya ay nanumpa sa kanyang sarili,
14 na(A) sinasabi, “Tiyak na pagpapalain at pararamihin kita.”
15 Kaya't si Abraham,[a] nang makapaghintay na may pagtitiis, ay tumanggap ng pangako.
16 Nanunumpa ang mga tao sa harap ng higit na mataas sa kanila, at ang sumpang binitawan bilang katibayan ay nagwawakas ng bawat usapin.
17 Gayundin naman, sa pagnanais ng Diyos na maipakita sa mga tagapagmana ng pangako na hindi maaaring mabago ang kanyang pasiya, pinagtibay niya ito sa pamamagitan ng isang sumpa;
18 upang sa pamamagitan ng dalawang bagay na di-mababago, na dito'y hindi maaaring magsinungaling ang Diyos, tayong nagtungo sa kanlungan ay magkaroon ng higit na katiyakang panghawakan ang pag-asang nakalagay sa harapan natin.
19 Taglay(B) natin ito bilang isang tiyak at matibay na angkla ng kaluluwa, isang pag-asa na pumapasok sa loob ng santuwaryo, sa kabila ng tabing,
20 na(C) doo'y naunang pumasok para sa atin si Jesus, na naging pinakapunong pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquizedek.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001