Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
12 Mapalad ang bansa na ang Diyos ay ang Panginoon;
ang bayan na kanyang pinili bilang kanyang mana!
13 Mula sa langit ang Panginoon ay nakatanaw,
lahat ng anak ng mga tao ay kanyang minamasdan.
14 Mula sa kanyang dakong tahanan ay nakatingin siya
sa lahat ng naninirahan sa lupa,
15 siya na sa mga puso nilang lahat ay humuhugis,
at sa lahat nilang mga gawa ay nagmamasid.
16 Ang isang hari ay hindi inililigtas ng kanyang napakaraming kawal;
ang isang mandirigma ay hindi inililigtas ng kanyang makapangyarihang lakas.
17 Ang kabayong pandigma ay walang kabuluhang pag-asa para sa tagumpay,
at hindi ito makapagliligtas sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang lakas.
18 Tunay na ang mata ng Panginoon ay nasa kanila na natatakot sa kanya,
sa kanila na umaasa sa tapat na pag-ibig niya,
19 upang kanyang mailigtas ang kaluluwa nila mula sa kamatayan,
at sa taggutom ay panatilihin silang buháy.
20 Naghihintay sa Panginoon ang aming kaluluwa;
siya ang aming saklolo at panangga.
21 Oo, ang aming puso ay nagagalak sa kanya,
sapagkat kami ay nagtitiwala sa banal na pangalan niya.
22 Sumaamin nawa ang iyong tapat na pag-ibig, O Panginoon,
kung paanong kami ay umaasa sa iyo.
Ang Israel sa Bundok ng Sinai
19 Sa ikatlong bagong buwan, pagkatapos na ang mga anak ni Israel ay makaalis sa lupain ng Ehipto, dumating sila nang araw ding iyon sa ilang ng Sinai.
2 Nang sila'y umalis sa Refidim at dumating sa ilang ng Sinai, humimpil sila sa ilang; at doo'y nagkampo ang Israel sa harap ng bundok.
3 Si Moises ay umakyat tungo sa Diyos, at tinawag siya ng Panginoon mula sa bundok, na sinasabi, “Ganito ang sasabihin mo sa sambahayan ni Jacob, at sasabihin mo sa mga anak ni Israel:
4 Inyong nakita ang aking ginawa sa mga Ehipcio, at kung paanong dinala ko kayo sa mga pakpak ng agila, at kayo'y inilapit ko sa akin.
5 Kaya't(A) (B) ngayon, kung tunay na inyong susundin ang aking tinig at tutuparin ang aking tipan, kayo ay magiging aking sariling pag-aari na higit sa lahat ng bayan; sapagkat ang buong daigdig ay akin.
6 Sa(C) akin kayo ay magiging isang kaharian ng mga pari at isang banal na bansa. Ito ang mga salitang sasabihin mo sa mga anak ni Israel.”
7 Kaya't dumating si Moises at ipinatawag ang matatanda sa bayan at ipinahayag sa harap nila ang lahat ng salitang ito na iniutos ng Panginoon sa kanya.
8 Ang buong bayan ay nagkaisang sumagot at nagsabi, “Ang lahat ng sinabi ng Panginoon ay aming gagawin.” At iniulat ni Moises ang mga salita ng bayan sa Panginoon.
9 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ako'y darating sa iyo sa isang makapal na ulap, upang marinig ng bayan kapag ako'y nakikipag-usap sa iyo, at paniwalaan ka rin nila magpakailanman.” At sinabi ni Moises ang mga salita ng bayan sa Panginoon.
Ang Pagdating ng Espiritu Santo
2 Nang(A) dumating ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nagkakatipon sa isang lugar.
2 Biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng isang humahagibis na hanging malakas, at pinuno nito ang buong bahay kung saan sila'y nakaupo.
3 Sa kanila'y may nagpakitang parang mga dilang apoy na nahahati at lumapag sa bawat isa sa kanila.
4 Silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo, at nagsimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu.
5 Noon ay may mga naninirahan sa Jerusalem na mga relihiyosong Judio, buhat sa bawat bansa sa ilalim ng langit.
6 Dahil sa ugong na ito ay nagkatipon ang maraming tao at nagkagulo sapagkat naririnig nila ang bawat isa na nagsasalita sa kani-kanilang sariling wika.
7 Sila ay nagtaka, namangha at nagsabi, “Tingnan ninyo, hindi ba mga taga-Galilea ang lahat ng mga nagsasalitang ito?
8 Paanong naririnig natin, ng bawat isa sa atin, ang ating sariling wikang kinagisnan?
9 Ang mga Parto, at mga Medo, at mga Elamita, at mga naninirahan sa Mesopotamia, sa Judea, at sa Capadocia, sa Ponto at sa Asia,
10 sa Frigia at Pamfilia, sa Ehipto at sa mga lupain ng Libya na sakop ng Cirene at mga panauhing taga-Roma, mga Judio, at gayundin ang mga naging Judio,
11 mga Creteo at mga Arabe, ay naririnig nating nagsasalita sa ating mga wika tungkol sa mga makapangyarihang gawa ng Diyos.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001