Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 66:8-20

O purihin ninyo ang aming Diyos, kayong mga bayan,
    ang tinig ng pagpupuri sa kanya ay hayaang mapakinggan,
na umaalalay sa amin kasama ng mga buháy,
    at hindi hinayaang madulas ang aming mga paa.
10 Sapagkat ikaw, O Diyos, ang sumubok sa amin;
    sinubok mo kami na gaya ng pagsubok sa pilak.
11 Iyong inilagay kami sa lambat;
    nilagyan mo ng malupit na pasan ang aming mga balikat.
12 Hinayaan mong sakyan ng mga tao ang aming mga ulo;
    kami ay dumaan sa apoy at sa tubig;
at dinala mo kami sa kasaganaan.

13 Ako'y papasok sa iyong bahay na may dalang mga handog na susunugin,
    ang mga panata ko sa iyo ay aking tutuparin,
14 na sinambit ng aking mga labi,
    at ipinangako ng aking bibig, nang ako ay nasa pagkaligalig.
15 Hahandugan kita ng mga handog na sinusunog na mga pinataba,
    na may usok ng handog na tupa;
ako'y maghahandog ng mga toro at mga kambing. (Selah)

16 Kayo'y magsiparito at inyong dinggin, kayong lahat na natatakot sa Diyos,
    at ipahahayag ko kung ano ang kanyang ginawa para sa aking kaluluwa.
17 Ako'y dumaing sa kanya ng aking bibig,
    at siya'y pinuri ng aking dila.
18 Kung iningatan ko ang kasamaan sa aking puso,
    ang Panginoon ay hindi makikinig.
19 Ngunit tunay na nakinig ang Diyos;
    kanyang dininig ang tinig ng aking panalangin.

20 Purihin ang Diyos,
    sapagkat hindi niya tinanggihan ang aking panalangin
    ni inalis ang kanyang tapat na pag-ibig sa akin!

Genesis 7

Ang Baha

At sinabi ng Panginoon kay Noe, “Ikaw at ang iyong buong sambahayan ay sumakay sa daong sapagkat nakita kong ikaw lamang ang matuwid sa harap ko sa lahing ito.

Kumuha ka ng tigpipito sa bawat malinis na hayop, lalaki at babae; at dalawa sa mga hayop na hindi malinis, lalaki at babae.

Kumuha ka ng tigpipito sa mga ibon sa himpapawid, lalaki at babae; upang panatilihing buháy ang kanilang uri sa ibabaw ng lupa.

Sapagkat pagkaraan ng pitong araw, magpapaulan ako sa ibabaw ng lupa ng apatnapung araw at apatnapung gabi. Aking pupuksain ang lahat ng may buhay na aking nilikha sa balat ng lupa.”

At ginawa ni Noe ang ayon sa lahat ng iniutos sa kanya ng Panginoon.

Si Noe ay animnaraang taon nang ang baha ng tubig ay dumating sa lupa.

At(A) sumakay sa daong si Noe at ang kanyang mga anak, ang kanyang asawa, at ang mga asawa ng kanyang mga anak upang umiwas sa tubig ng baha.

Sa mga hayop na malinis, at sa mga hayop na hindi malinis, at sa mga ibon at sa bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa,

ay dala-dalawa, lalaki at babae, pumasok sa daong kasama ni Noe, ayon sa iniutos ng Diyos kay Noe.

Pagbuhos ng Baha

10 Pagkaraan ng pitong araw, ang tubig ng baha ay umapaw sa lupa.

11 Sa(B) ikaanimnaraang taon ng buhay ni Noe, sa ikalabimpitong araw ng ikalawang buwan, nang araw na iyon, umapaw ang lahat ng bukal mula sa malaking kalaliman, at ang mga bintana ng langit ay nabuksan.

12 Umulan sa ibabaw ng lupa sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi.

13 Nang araw ding iyon, pumasok sa daong si Noe, sina Sem, Ham, at Jafet na mga anak ni Noe, ang asawa ni Noe, at ang tatlong asawa ng kanyang mga anak na kasama nila,

14 sila, at bawat mailap na hayop ayon sa kani-kanilang uri, bawat maamong hayop ayon sa kani-kanilang uri, bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa ayon sa kanilang uri, at bawat ibon ayon sa kanilang uri, lahat ng sari-saring ibon.

15 Sila'y sumakay sa daong, kasama ni Noe, dala-dalawa ang lahat ng hayop na may hininga ng buhay.

16 Ang mga sumakay ay lalaki at babae ng lahat ng laman, pumasok sila gaya ng iniutos sa kanya ng Diyos. At siya'y ikinulong ng Panginoon sa loob.

17 Tumagal ang baha ng apatnapung araw sa ibabaw ng lupa. Lumaki ang tubig at lumutang ang daong, at ito'y tumaas sa ibabaw ng lupa.

18 Dumagsa ang tubig at lumaki nang husto sa ibabaw ng lupa, at lumutang ang daong sa ibabaw ng tubig.

19 At dumagsa ang tubig sa ibabaw ng lupa at inapawan ang lahat ng matataas na mga bundok na nasa silong ng langit.

20 Ang tubig ay umapaw sa mga bundok sa taas na labinlimang siko.

21 At namatay ang lahat ng laman na gumagalaw sa ibabaw ng lupa: ang mga ibon, mga maamong hayop, mga mailap na hayop, bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa, at lahat ng tao.

22 Ang bawat may hininga ng buhay sa kanilang ilong na nasa lupang tuyo ay namatay.

23 Namatay ang bawat may buhay na nasa ibabaw ng lupa: ang tao, hayop, ang mga gumagapang, at ang mga ibon sa himpapawid. Sila'y nalipol sa lupa. Tanging si Noe at ang mga kasama niya sa daong ang nalabi.

24 Tumagal ang tubig sa ibabaw ng lupa ng isandaan at limampung araw.

Mga Gawa 27:13-38

Bumagyo sa Dagat

13 Nang marahang humihip ang hanging habagat, na inakala nilang maisasagawa nila ang kanilang layunin; kaya itinaas nila ang angkla at namaybay sa baybayin ng Creta.

14 Subalit hindi nagtagal at bumulusok ang isang maunos na hangin na tinatawag na Euraclidon.

15 Yamang inabutan ang barko at hindi makasalungat sa hangin, nagpadala na lamang kami at kami'y ipinadpad.

16 Sa paglalayag na nanganganlong sa isang maliit na pulo na tinatawag na Cauda, ay bahagya naming napatakbo ang bangka.

17 Nang maitaas na ito, gumawa sila ng paraan upang matalian ng lubid ang barko. Dahil sa takot na baka sila mapapadpad sa Sirte, ibinaba nila ang mga layag at sa gayo'y naanod sila.

18 Kami ay binabayo ng malakas na bagyo, kaya't nang sumunod na araw ay nagsimula silang magtapon ng mga kargamento sa dagat.

19 Nang ikatlong araw ay kanilang ipinagtatapon ang mga kasangkapan ng barko.

20 Nang hindi sumikat sa amin ang araw ni ang mga bituin man nang maraming araw, at humahampas pa rin sa amin ang isang malakas na bagyo, nawala ang buong pag-asa naming makakaligtas.

21 Sapagkat matagal na silang hindi kumakain, tumayo si Pablo sa gitna nila, at sinabi, “Mga ginoo, nakinig sana kayo sa akin, at hindi naglayag mula sa Creta, at naiwasan ang kapinsalaan at kapahamakang ito.

22 Ngayon ay ipinapakiusap ko sa inyo na inyong lakasan ang inyong loob sapagkat walang buhay na mapapahamak sa inyo, kundi ang barko lamang.

23 Sapagkat sa gabing ito ay tumayo sa tabi ko ang isang anghel ng Diyos na nagmamay-ari sa akin, at siya ko namang pinaglilingkuran,

24 na nagsasabi, ‘Huwag kang matakot, Pablo. Kailangan mong humarap kay Cesar. At tunay na ipinagkaloob ng Diyos ang kaligtasan sa lahat ng kasama mo sa paglalayag.’

25 Kaya, mga ginoo, lakasan ninyo ang inyong loob, sapagkat ako'y sumasampalataya sa Diyos na mangyayari ito ayon sa sinabi sa akin.

26 Subalit tayo'y kailangang mapadpad sa isang pulo.”

27 Nang dumating ang ikalabing-apat na gabi, samantalang kami'y ipinapadpad ng hangin sa kabila ng Dagat ng Adriatico, nang maghahating-gabi na ay inakala ng mga mandaragat na sila'y papalapit na sa lupa.

28 Nang kanilang tarukin ay nalamang dalawampung dipa; at pagkasulong ng kaunti ay tinarok nilang muli at nalamang may labinlimang dipa.

29 Sa takot naming mapapadpad sa batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan at nanalanging mag-umaga na.

30 Subalit nang magtangka ang mga mandaragat na makaalis sa barko at ibinaba ang bangka sa dagat, na ang idinadahilan ay maghuhulog sila ng mga angkla sa unahan,

31 ay sinabi ni Pablo sa senturion at sa mga kawal, “Malibang manatili ang mga taong ito sa barko, kayo'y hindi makakaligtas.”

32 Nang magkagayo'y pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangka, at pinabayaang mahulog.

33 Nang mag-uumaga na, hinimok silang lahat ni Pablo na kumain, na sinasabi, “Ang araw na ito ang ikalabing-apat na araw na kayo'y naghihintay na walang kinakaing anuman.

34 Kaya't ipinapakiusap ko sa inyo na kayo'y kumain; ito ay para sa inyong kaligtasan, sapagkat hindi malalaglag kahit ang isang buhok sa ulo ng sinuman sa inyo.”

35 Nang masabi na niya ito, at makakuha ng tinapay, ay nagpasalamat siya sa Diyos sa harapan ng lahat. Ito'y kanyang pinagputul-putol at nagsimulang kumain.

36 Nang magkagayo'y lumakas ang loob ng lahat, at sila nama'y kumain din.

37 Kaming lahat na nasa barko ay dalawandaan at pitumpu't anim na kaluluwa.

38 Nang makakain na sila nang sapat, pinagaan nila ang barko sa pamamagitan ng pagtatapon ng trigo sa dagat.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001