Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 102:1-17

Panalangin ng Kabataang may Suliranin.

102 O Panginoon, pakinggan mo ang dalangin ko,
    dumating nawa ang daing ko sa iyo!
Huwag mong ikubli sa akin ang mukha mo
    sa araw ng kahirapan ko!
Ang iyong pandinig sa akin ay ikiling,
    sa araw na ako'y tumatawag, agad mo akong sagutin!
Sapagkat napapawi sa usok ang mga araw ko,
    at ang mga buto ko'y nagliliyab na parang hurno.
Ang puso ko'y nasaktan na parang damo, at natuyo;
    nalimutan kong kainin ang aking tinapay.
Dahil sa lakas ng daing ko,
    dumidikit sa aking laman ang mga buto ko.
Ako'y parang pelikano sa ilang;
    ako'y gaya ng isang kuwago sa kaparangan.
Ako'y gising,
    ako'y gaya ng malungkot na ibon sa bubungan.
Nililibak ako ng aking mga kaaway buong araw;
    silang nang-iinis sa akin ay gumagamit sa pagsumpa ng aking pangalan.
Sapagkat parang tinapay na kinakain ko ang abo,
    at ang luha sa aking inumin ay inihahalo ko,
10 dahil sa galit at poot mo;
    sapagkat itinaas at itinapon mo ako.
11 Gaya ng lilim sa hapon ang mga araw ko;
    ako'y natutuyo na parang damo.

12 Ngunit ikaw, O Panginoon, ay mamamalagi magpakailanman;
    namamalagi sa lahat ng salinlahi ang iyong pangalan.
13 Ikaw ay babangon at sa Zion ay maaawa,
    sapagkat panahon na upang maawa ka sa kanya;
    ang takdang panahon ay dumating na.
14 Sapagkat pinapahalagahan ng iyong mga lingkod ang kanyang mga bato,
    at nahahabag sa kanyang alabok.
15 Katatakutan ng mga bansa ang sa Panginoong pangalan,
    at ng lahat ng hari sa lupa ang iyong kaluwalhatian.
16 Sapagkat itatayo ng Panginoon ang Zion,
    siya'y magpapakita sa kanyang kaluwalhatian;
17 kanyang pahahalagahan ang sa hikahos na dalangin,
    at ang kanilang daing ay hindi hahamakin.

Exodo 13:17-22

17 Nang payagan ng Faraon na umalis ang bayan, hindi sila dinala ng Diyos sa daang patungo sa lupain ng mga Filisteo, bagaman malapit iyon sapagkat sinabi ng Diyos, “Baka ang bayan ay magsisi kapag nakakita ng digmaan at magbalikan sa Ehipto.”

18 Kundi pinatnubayan ng Diyos ang taong-bayan paikot sa daang patungo sa ilang sa tabi ng Dagat na Pula.[a] Ang mga anak ni Israel ay umahon mula sa lupain ng Ehipto na handa sa pakikipaglaban.

19 Dinala(A) ni Moises ang mga buto ni Jose sapagkat mahigpit niyang pinapanumpa ang mga anak ni Israel, na sinasabi, “Tiyak na bibigyang-pansin kayo ng Diyos, at inyong dadalhin ang aking mga buto mula rito na kasama ninyo.”

20 Sila'y naglakbay mula sa Sucot at humimpil sa Etam, sa hangganan ng ilang.

21 Ang Panginoon ay nangunguna sa kanila sa araw, sa isang haliging ulap upang patnubayan sila sa daan; at sa gabi ay sa isang haliging apoy upang tanglawan sila; upang sila'y makapaglakad sa araw at sa gabi.

22 Ang haliging ulap sa araw at ang haliging apoy sa gabi ay hindi umalis sa unahan ng taong-bayan.

Mga Gawa 7:17-40

17 “Ngunit(A) nang nalalapit na ang panahong ipinangako ng Diyos kay Abraham, ang ating sambayanan ay lumago at dumami sa Ehipto,

18 hanggang sa lumitaw ang isang hari sa Ehipto na hindi nakakakilala kay Jose.

19 Pinagsamantalahan(B) nito ang ating bansa at pinilit ang ating mga ninuno na itapon ang kanilang mga sanggol upang mamatay[a] ang mga iyon.

20 Nang(C) panahong ito, si Moises ay ipinanganak at siya'y kasiya-siya sa Diyos. Siya'y inalagaan ng tatlong buwan sa bahay ng kanyang ama.

21 Nang(D) siya'y itapon, inampon siya ng anak na babae ng Faraon, at siya'y inalagaang gaya ng sariling anak niya.

22 Tinuruan si Moises sa lahat ng karunungan ng mga Ehipcio, at siya ay makapangyarihan sa kanyang mga salita at mga gawa.

23 “Nang(E) siya'y apatnapung taong gulang na, naisipan niyang[b] dalawin ang kanyang mga kapatid, na mga anak ni Israel.

24 Nang makita niya na ang isa sa kanila ay pinahihirapan, kanyang ipinagtanggol at ipinaghiganti ang inaapi sa pamamagitan ng pagpatay sa Ehipcio.

25 Noon ay inisip niya na naunawaan ng kanyang mga kababayan[c] na ibinigay ng Diyos sa kanila ang kaligtasan sa pamamagitan niya,[d] ngunit hindi nila naunawaan.

26 Nang sumunod na araw, lumapit siya sa kanila samantalang sila'y nag-aaway, at ibig sana niyang sila'y pagkasunduin, na sinasabi, ‘Mga ginoo, kayo'y magkapatid; bakit kayo nag-aaway?’

27 Ngunit itinulak siya ng nanakit sa kanyang kapwa, na sinasabi, ‘Sino ang naglagay sa iyo na pinuno at hukom sa amin?

28 Ibig mo ba akong patayin, gaya ng pagpatay mo kahapon sa Ehipcio?’

29 Nang(F) marinig niya ito, tumakas si Moises at naging dayuhan sa lupain ng Midian, kung saan siya'y naging ama ng dalawang lalaki.

30 “Nang(G) lumipas ang apatnapung taon, nagpakita sa kanya ang isang anghel sa ilang ng bundok ng Sinai, sa ningas ng apoy sa isang mababang punungkahoy.

31 Nang makita ito ni Moises, namangha siya sa tanawin; at sa kanyang paglapit upang tingnan ay dumating ang tinig ng Panginoon:

32 ‘Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob.’ Nanginig si Moises at hindi nangahas tumingin.

33 At sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Alisin mo ang mga sandalyas sa iyong mga paa sapagkat ang dakong kinatatayuan mo ay lupang banal.

34 Totoong nakita ko ang kaapihan ng aking bayang nasa Ehipto, at narinig ko ang kanilang daing, at ako'y bumaba upang sila'y iligtas. Ngayo'y lumapit ka, susuguin kita sa Ehipto.’

35 “Ang(H) Moises na ito na kanilang itinakuwil, na sinasabi, ‘Sino ang sa iyo'y naglagay na pinuno at hukom?’ ang siyang sinugo ng Diyos na maging pinuno at tagapagligtas sa pamamagitan ng anghel na sa kanya'y nagpakita sa mababang punungkahoy.

36 Sila'y(I) pinangunahan ng taong ito nang siya'y gumawa ng mga kababalaghan at mga tanda sa Ehipto, at sa Dagat na Pula, at sa ilang sa loob ng apatnapung taon.

37 Ito(J) ang Moises, na nagsabi sa mga anak ni Israel, ‘Pipili para sa inyo ang Diyos ng isang propeta mula sa inyong mga kapatid, gaya ng pagpili niya sa akin.’

38 Ito'y(K) yaong naroon sa kapulungan sa ilang na kasama ang anghel na nagsalita sa kanya sa Bundok ng Sinai, at kasama ang ating mga ninuno. Tumanggap siya ng mga buháy na aral upang ibigay sa atin.

39 Ayaw sumunod sa kanya ng ating mga ninuno, kundi siya'y kanilang itinakuwil, at sa kanilang mga puso'y bumalik sila sa Ehipto,

40 na(L) sinasabi kay Aaron, ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat tungkol dito kay Moises na naglabas sa amin sa lupain ng Ehipto, ay hindi namin nalalaman kung ano ang nangyari sa kanya.’

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001