Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
9 At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sa araw na ito ay iginulong ko palayo sa inyo ang kahihiyan ng Ehipto.” Kaya't ang pangalan ng lugar na iyon ay tinawag na Gilgal[a] hanggang sa araw na ito.
10 Habang(A) ang mga anak ni Israel ay nagkakampo sa Gilgal ay kanilang isinagawa ang paskuwa nang ikalabing-apat na araw ng buwan sa kinahapunan sa mga kapatagan ng Jerico.
11 Kinabukasan, pagkatapos ng paskuwa, nang araw ding iyon, kanilang kinain ang bunga ng lupain, ang mga tinapay na walang pampaalsa at ang sinangag na trigo.
12 At(B) ang manna ay huminto kinabukasan, pagkatapos na sila'y makakain ng bunga ng lupain; at hindi na nagkaroon pa ng manna ang mga anak ni Israel kundi kanilang kinain ang bunga ng lupain ng Canaan ng taong iyon.
Awit ni David. Isang Maskil.
32 Mapalad(A) siya na pinatawad ang pagsuway,
na ang kasalanan ay tinakpan.
2 Mapalad ang tao na hindi pinaparatangan ng kasamaan ng Panginoon,
at sa kanyang espiritu ay walang pandaraya.
3 Nang hindi ko ipinahayag ang aking kasalanan, nanghina ang aking katawan
sa pamamagitan ng aking pagdaing sa buong araw.
4 Sa araw at gabi ay mabigat sa akin ang iyong kamay,
ang aking lakas ay natuyong gaya ng sa init ng tag-araw. (Selah)
5 Kinilala ko ang aking kasalanan sa iyo,
at hindi ko ikinubli ang aking kasamaan;
aking sinabi, “Ipahahayag ko ang aking paglabag sa Panginoon;”
at iyong ipinatawad ang bigat ng aking kasalanan. (Selah)
6 Kaya't ang bawat isang banal
ay manalangin sa iyo;
sa panahong matatagpuan ka, tunay na sa pagragasa ng malaking tubig,
siya'y hindi nila aabutan.
7 Ikaw ay aking dakong kublihan;
iniingatan mo ako sa kaguluhan;
pinalibutan mo ako ng mga awit ng kaligtasan. (Selah)
8 Aking ipapaalam at ituturo sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.
Papayuhan kita na ang aking mga mata ay nakatitig sa iyo.
9 Huwag kayong maging gaya ng kabayo o ng mola na walang unawa,
na ang gayak ay may busal at pamingkaw upang sila'y pigilin
na kung wala ito, sila'y hindi lalapit sa iyo.
10 Marami ang paghihirap ng masasama;
ngunit tapat na pag-ibig ay nakapalibot sa kanya na sa Panginoon ay nagtitiwala.
11 Magsaya kayo sa Panginoon, at magalak kayong matutuwid,
at sumigaw sa kagalakan, kayong lahat na matutuwid sa puso!
16 Kaya't mula ngayon ay hindi namin kinikilala ang sinuman ayon sa pananaw ng laman, bagaman kinikilala namin si Cristo ayon sa pananaw ng laman, ngunit ngayon ay hindi na gayon ang aming pagkakilala.
17 Kaya't kung ang sinuman ay na kay Cristo, siya'y bagong nilalang; ang mga lumang bagay ay lumipas na, tingnan ninyo, ang lahat ay naging bago.
18 Lahat ng ito ay mula sa Diyos, na tayo'y pinagkasundo niya sa kanyang sarili sa pamamagitan ni Cristo, at ibinigay niya sa amin ang ministeryo[a] ng pakikipagkasundo.
19 Samakatuwid, kay Cristo ay pinagkasundo ng Diyos ang sanlibutan at ang kanyang sarili,[b] na hindi ibinibilang sa kanila ang kanilang mga kasalanan, at ipinagkatiwala sa amin ang salita ng pakikipagkasundo.
20 Kaya't kami ay mga sugo para kay Cristo, yamang ang Diyos ay nananawagan sa pamamagitan namin. Kami'y nananawagan sa pangalan ni Cristo, na kayo'y makipagkasundo sa Diyos.
21 Para sa ating kapakanan, ginawa niyang may kasalanan siya na hindi nakakilala ng kasalanan, upang sa kanya tayo'y maging katuwiran ng Diyos.
Ang Nawalang Tupa(A)
15 Noon,(B) ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ay lumalapit sa kanya upang makinig.
2 Ang mga Fariseo at mga eskriba ay nagbulung-bulungan, na nagsasabi, “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan at kumakaing kasalo nila.”
3 Kaya't isinalaysay niya sa kanila ang talinghagang ito:
Ang Alibughang Anak
11 Sinabi ni Jesus,[a] “May isang tao na may dalawang anak na lalaki:
12 Sinabi ng nakababata sa kanila sa kanyang ama, ‘Ama, ibigay mo sa akin ang bahagi ng kayamanang nauukol sa akin.’ At hinati niya sa kanila ang kanyang pag-aari.
13 Makaraan ang ilang araw, tinipon ng nakababatang anak ang lahat ng kanya, at naglakbay patungo sa isang malayong lupain at doo'y nilustay ang kanyang kabuhayan sa maaksayang pamumuhay.
14 Nang magugol na niyang lahat ay nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, at siya'y nagsimulang mangailangan.
15 Kaya't pumaroon siya at sumama sa isa sa mga mamamayan sa lupaing iyon na nagpapunta sa kanya sa kanyang mga bukid upang magpakain ng mga baboy.
16 At siya'y nasasabik na makakain ng mga pinagbalatan na kinakain ng mga baboy at walang sinumang nagbibigay sa kanya ng anuman.
17 Subalit nang siya'y matauhan ay sinabi niya, ‘Ilan sa mga upahang lingkod ng aking ama ang may sapat at lumalabis na pagkain, ngunit ako rito'y namamatay sa gutom?
18 Titindig ako at pupunta sa aking ama, at aking sasabihin sa kanya, “Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa iyo.
19 Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo. Ituring mo ako na isa sa iyong mga upahang lingkod.”’
20 Siya'y tumindig at pumunta sa kanyang ama. Subalit habang nasa malayo pa siya, natanaw siya ng kanyang ama at ito'y awang-awa sa kanya. Ang ama'y[b] tumakbo, niyakap siya at hinagkan.
21 At sinabi ng anak sa kanya, ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa iyo; hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo.’
22 Subalit sinabi ng ama sa kanyang mga alipin, ‘Dali, dalhin ninyo rito ang pinakamagandang kasuotan at isuot ninyo sa kanya. Lagyan ninyo ng singsing ang kanyang daliri, at mga sandalyas ang kanyang mga paa.
23 At kunin ninyo ang pinatabang guya at patayin ito, at tayo'y kumain at magdiwang.
24 Sapagkat ang anak kong ito ay patay na, at muling nabuhay; siya'y nawala, at natagpuan.’ At sila'y nagsimulang magdiwang.
25 Samantala, nasa bukid ang anak niyang panganay at nang siya'y dumating at papalapit sa bahay, nakarinig siya ng tugtugan at sayawan.
26 Tinawag niya ang isa sa mga alipin at itinanong kung ano ang kahulugan nito.
27 At sinabi niya sa kanya, ‘Dumating ang kapatid mo at pinatay ng iyong ama ang pinatabang guya, dahil sa siya'y tinanggap niyang ligtas at malusog.’
28 Subalit nagalit siya at ayaw pumasok. Lumabas ang kanyang ama, at siya'y pinakiusapan.
29 Subalit sumagot siya sa kanyang ama, ‘Tingnan mo, maraming taon nang ako'y naglingkod sa iyo, at kailanma'y hindi ako sumuway sa iyong utos. Gayunman ay hindi mo ako binigyan kailanman ng kahit isang batang kambing upang makipagsaya sa aking mga kaibigan.
30 Subalit nang dumating ang anak mong ito na lumustay ng iyong kabuhayan sa masasamang babae ay ipinagpatay mo pa siya ng pinatabang guya.’
31 At sinabi niya sa kanya, ‘Anak, ikaw ay palagi kong kasama, ang lahat ng sa akin ay sa iyo.
32 Ngunit nararapat lamang na magsaya at magalak, sapagkat ang kapatid mong ito ay patay at muling nabuhay; siya'y nawala at natagpuan.’”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001