Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ni David. Isang Maskil.
32 Mapalad(A) siya na pinatawad ang pagsuway,
na ang kasalanan ay tinakpan.
2 Mapalad ang tao na hindi pinaparatangan ng kasamaan ng Panginoon,
at sa kanyang espiritu ay walang pandaraya.
3 Nang hindi ko ipinahayag ang aking kasalanan, nanghina ang aking katawan
sa pamamagitan ng aking pagdaing sa buong araw.
4 Sa araw at gabi ay mabigat sa akin ang iyong kamay,
ang aking lakas ay natuyong gaya ng sa init ng tag-araw. (Selah)
5 Kinilala ko ang aking kasalanan sa iyo,
at hindi ko ikinubli ang aking kasamaan;
aking sinabi, “Ipahahayag ko ang aking paglabag sa Panginoon;”
at iyong ipinatawad ang bigat ng aking kasalanan. (Selah)
6 Kaya't ang bawat isang banal
ay manalangin sa iyo;
sa panahong matatagpuan ka, tunay na sa pagragasa ng malaking tubig,
siya'y hindi nila aabutan.
7 Ikaw ay aking dakong kublihan;
iniingatan mo ako sa kaguluhan;
pinalibutan mo ako ng mga awit ng kaligtasan. (Selah)
8 Aking ipapaalam at ituturo sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.
Papayuhan kita na ang aking mga mata ay nakatitig sa iyo.
9 Huwag kayong maging gaya ng kabayo o ng mola na walang unawa,
na ang gayak ay may busal at pamingkaw upang sila'y pigilin
na kung wala ito, sila'y hindi lalapit sa iyo.
10 Marami ang paghihirap ng masasama;
ngunit tapat na pag-ibig ay nakapalibot sa kanya na sa Panginoon ay nagtitiwala.
11 Magsaya kayo sa Panginoon, at magalak kayong matutuwid,
at sumigaw sa kagalakan, kayong lahat na matutuwid sa puso!
Inilagay ang mga Batong Alaala
4 At nangyari, nang ganap nang nakatawid sa Jordan ang buong bansa, sinabi ng Panginoon kay Josue,
2 “Kumuha ka ng labindalawang lalaki sa bayan, isa sa bawat lipi,
3 at iutos ninyo sa kanila, ‘Kumuha kayo ng labindalawang bato mula rito sa gitna ng Jordan, mula sa dakong matatag na tinatayuan ng mga paa ng mga pari at dalhin ninyo at ilapag sa dakong tinigilan ninyo sa gabing ito.’”
4 Kaya't tinawag ni Josue ang labindalawang lalaki na kanyang inihanda sa mga anak ni Israel, isang lalaki sa bawat lipi.
5 At sinabi ni Josue sa kanila, “Dumaan kayo sa harapan ng kaban ng Panginoon ninyong Diyos sa gitna ng Jordan. Pasanin ng bawat isa sa inyo ang isang bato sa kanyang balikat, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Israel;
6 upang ito'y maging isang tanda sa gitna ninyo, na kapag itinanong ng inyong mga anak sa panahong darating, ‘Anong kahulugan sa inyo ng mga batong ito?’
7 Inyo ngang sasabihin sa kanila, sapagkat ang tubig ng Jordan ay nahawi sa harapan ng kaban ng tipan ng Panginoon; nang iyon ay dumaan sa Jordan ay nahawi ang tubig ng Jordan; at ang mga batong ito ay magiging alaala sa mga anak ni Israel magpakailanman.”
8 Ginawa ng mga anak ni Israel ang ayon sa iniutos ni Josue, at pumasan ng labindalawang bato mula sa gitna ng Jordan, gaya ng sinabi ng Panginoon kay Josue, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Israel; at kanilang dinala sa dakong kanilang tutuluyan, at inilapag ang mga iyon doon.
9 At si Josue ay nagpasalansan ng labindalawang bato sa gitna ng Jordan, sa dakong tinayuan ng mga paa ng mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan, at ang mga iyon ay naroon hanggang sa araw na ito.
10 Ang mga pari na nagdadala ng kaban ay tumayo sa gitna ng Jordan, hanggang sa natapos sabihin ni Josue sa bayan ang bawat bagay na iniutos ng Panginoon ayon sa lahat ng iniutos ni Moises kay Josue; at ang bayan ay tumawid na nagmamadali.
11 Nang ganap nang nakatawid ang buong bayan, ang kaban ng Panginoon at ang mga pari ay itinawid sa harapan ng bayan.
12 Ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad, at ang kalahating lipi ni Manases, ay tumawid na may sandata sa harapan ng mga anak ni Israel, gaya ng sinabi ni Moises sa kanila.
13 May apatnapung libo na may sandata sa pakikidigma ang tumawid sa harapan ng Panginoon na patungo sa pakikibaka sa mga kapatagan ng Jerico.
Pamumuhay sa Pananampalataya
16 Kaya't kami ay hindi pinanghihinaan ng loob, bagamat ang aming panlabas na pagkatao ay nabubulok, ang aming panloob na pagkatao ay binabago sa araw-araw.
17 Sapagkat inihahanda tayo nitong magaan at panandaliang kapighatian para sa walang hanggan at di-masukat na kaluwalhatian,
18 sapagkat hindi kami tumitingin sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na hindi nakikita, sapagkat ang mga bagay na nakikita ay may katapusan, subalit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.
5 Sapagkat nalalaman namin na kung mawasak ang aming tolda sa lupa, mayroon kaming isang gusaling mula sa Diyos, bahay na hindi gawa ng mga kamay, walang hanggan sa sangkalangitan.
2 Sapagkat dito kami ay dumaraing, na nasasabik mabihisan ng aming makalangit na tahanan,
3 upang kung mabihisan[a] na niyon ay hindi kami matagpuang hubad.
4 Sapagkat habang kami ay nasa toldang ito, kami ay dumaraing na nabibigatan, hindi sa nais naming maging hubad, kundi nais naming kami'y mabihisan pa upang ang may kamatayan ay lunukin ng buhay.
5 Ngayon, ang naghanda sa amin para sa bagay na ito ay Diyos, na nagbigay sa amin ng Espiritu bilang paunang bayad.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001