Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Diyos at ang Kanyang Bayan(A)
105 O magpasalamat kayo sa Panginoon, kayo'y magsitawag sa kanyang pangalan;
ipabatid ninyo ang kanyang mga gawa sa mga bayan!
2 Umawit kayo sa kanya, umawit kayo sa kanya ng mga papuri;
sabihin ninyo ang lahat niyang kahanga-hangang mga gawa!
3 Lumuwalhati kayo sa kanyang banal na pangalan;
magagalak ang puso nila na nagsisihanap sa Panginoon.
4 Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kanyang kalakasan;
patuloy ninyong hanapin ang kanyang mukha!
5 Alalahanin ninyo ang mga kahanga-hangang gawa na kanyang ginawa;
ang kanyang mga kababalaghan at ang mga kahatulan ng kanyang bibig,
6 O kayong binhi ni Abraham na lingkod niya,
mga anak ni Jacob, na mga pinili niya!
7 Siya ang Panginoon nating Diyos;
ang kanyang mga kahatulan ay nasa buong lupa.
8 Kanyang inaalala ang kanyang tipan magpakailanman,
ang salita na kanyang iniutos sa libong salinlahi,
9 ang(B) tipan na kanyang ginawa kay Abraham,
ang kanyang sinumpaang pangako kay Isaac,
10 na(C) kanyang pinagtibay kay Jacob bilang isang tuntunin,
sa Israel bilang isang walang hanggang tipan,
11 na sinasabi, “Sa iyo'y ibibigay ko ang lupain ng Canaan,
bilang iyong bahaging pinakamana.”
12 Nang sila'y iilan lamang sa bilang;
at totoong kakaunti, at doon ay mga dayuhan;
13 na gumagala mula sa isang bansa tungo sa isang bansa,
mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan.
14 Hindi(D) niya pinahintulutan ang sinuman na sila ay pagmalupitan;
sinaway niya ang mga hari alang-alang sa kanilang sarili:
15 “Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran;
ang aking mga propeta ay huwag ninyong sasaktan.”
16 At(A) siya'y nagdala ng taggutom sa lupain;
binali niya ang bawat tungkod ng tinapay,
17 siya'y(B) nagsugo ng isang lalaki sa unahan nila,
si Jose na ipinagbili bilang alipin.
18 Ang(C) kanyang mga paa ay sinaktan ng mga tanikala,
siya'y nilagyan ng kuwelyo na bakal;
19 hanggang sa ang kanyang salita ay maganap;
siya ay sinubok ng salita ng Panginoon.
20 Ang(D) hari ay nagsugo at pinakawalan siya;
ang pinuno ng mga bayan, at siya'y pinalaya niya,
21 kanyang(E) ginawa siyang panginoon ng kanyang tahanan,
at pinuno ng lahat niyang ari-arian,
22 upang talian ang kanyang mga pinuno ayon sa kanyang nais,
at turuan ng karunungan ang kanyang matatanda.
23 At(F) ang Israel ay dumating sa Ehipto;
si Jacob ay nakipanirahan sa lupain ng Ham.
24 At(G) ginawang napakabunga ng Panginoon ang kanyang bayan,
at ginawa silang higit na malakas kaysa kanilang mga kaaway.
25 Kanyang ibinaling ang kanilang puso upang mapoot sa kanyang bayan,
upang makitungong may katusuhan sa kanyang mga lingkod.
26 Kanyang(H) sinugo si Moises na kanyang lingkod,
at si Aaron na kanyang pinili.
27 Kanilang isinagawa ang kanyang kahanga-hangang gawa sa gitna nila,
at mga kababalaghan sa lupain ng Ham.
28 Siya'y(I) nagsugo ng mga kadiliman, at nagpadilim,
sila'y hindi naghimagsik laban sa kanyang mga salita.
29 Kanyang(J) ginawang dugo ang kanilang tubig,
at pinatay ang kanilang mga isda.
30 Ang(K) kanilang lupain ay napuno ng mga palaka,
maging sa mga silid-tulugan ng kanilang mga hari.
31 Siya'y(L) nagsalita, at dumating ang mga pulutong na mga langaw,
at mga niknik sa buong bayan.
32 Binigyan(M) niya sila ng yelo bilang ulan,
at liyab ng apoy sa kanilang lupain.
33 Pinatay niya ang kanilang mga puno ng ubas at mga puno ng igos,
at winasak ang mga punungkahoy sa kanilang lupain.
34 Siya'y(N) nagsalita at ang mga balang ay nagsidating,
ang mga batang balang na di kayang bilangin,
35 na kinain ang lahat ng pananim sa kanilang lupain,
at kinain ang bunga ng kanilang lupain.
36 Pinagpapatay(O) din niya ang lahat ng panganay sa kanilang lupain,
ang unang bunga ng lahat nilang kalakasan.
37 At(P) kanyang inilabas sila na may pilak at ginto;
at walang sinuman sa kanyang mga lipi ang natisod.
38 Natuwa ang Ehipto nang sila'y magsialis;
sapagkat ang pagkatakot nila ay dumating sa kanila.
39 Kanyang(Q) inilatag ang ulap bilang panakip,
at apoy upang magbigay liwanag sa gabi.
40 Sila'y(R) humingi, at dinalhan niya ng mga pugo,
at binigyan niya sila ng saganang tinapay mula sa langit.
41 Kanyang(S) binuksan ang bato at dumaloy ang tubig;
ito'y umagos sa ilang na gaya ng ilog.
42 Sapagkat naalala niya ang kanyang banal na salita,
at si Abraham na kanyang lingkod.
Digmaan Laban sa Edom
20 Pagkatapos nito, ang mga Moabita at mga Ammonita, at pati ang ilan sa mga Meunita[a] ay dumating laban kay Jehoshafat upang makipaglaban.
2 Ilang katao ang dumating at nagsabi kay Jehoshafat, “Napakaraming tao ang dumarating laban sa iyo mula sa Edom,[b] mula sa kabila ng dagat; sila'y naroon na sa Hazazon-tamar” (na siya ring En-gedi).
3 Si Jehoshafat ay natakot, at nagpasiyang hanapin ang Panginoon, at nagpahayag ng pag-aayuno sa buong Juda.
4 Kaya't ang Juda'y nagtipun-tipon upang humingi ng tulong sa Panginoon; mula sa lahat ng bayan ng Juda ay dumating sila upang hanapin ang Panginoon.
5 Si Jehoshafat ay tumayo sa kapulungan ng Juda at Jerusalem, sa bahay ng Panginoon, sa harapan ng bagong bulwagan,
6 at kanyang sinabi, “O Panginoon, Diyos ng aming mga ninuno, di ba ikaw ay Diyos sa langit? Di ba ikaw ay namumuno sa lahat ng kaharian ng mga bansa? Sa iyong kamay ay kapangyarihan at lakas, anupa't walang makakaharap sa iyo.
7 Hindi(A) ba't ikaw, O aming Diyos, ang nagpalayas sa mga naninirahan sa lupaing ito sa harapan ng iyong bayang Israel, at iyong ibinigay sa binhi ni Abraham na iyong kaibigan magpakailanman?
8 Sila'y nanirahan doon at ipinagtayo ka ng santuwaryo para sa iyong pangalan, na sinasabi,
9 ‘Kung ang kasamaan ay dumating sa amin, ang tabak, kahatulan,[c] salot, o taggutom, kami ay tatayo sa harapan ng bahay na ito at sa iyong harapan, sapagkat ang iyong pangalan ay nasa bahay na ito; at kami ay dadaing sa iyo sa aming kahirapan, at ikaw ay makikinig at magliligtas?’
10 Tingnan(B) mo ngayon, ang mga tao mula sa Ammon at Moab, at sa Bundok ng Seir, na hindi mo ipinalusob sa Israel nang sila'y lumabas sa lupain ng Ehipto, kundi kanilang iniwasan at hindi nila pinuksa—
11 kanilang ginagantihan kami sa pamamagitan ng pagparito upang palayasin kami sa pag-aari na ibinigay mo sa amin upang manahin.
12 O Diyos namin, hindi mo ba sila hahatulan? Sapagkat kami ay walang magagawa laban sa napakaraming taong ito na dumarating laban sa amin. Hindi namin alam kung ano ang gagawin, ngunit ang aming mga mata ay nakatuon sa iyo.”
13 Samantala, ang buong Juda ay nakatayo sa harapan ng Panginoon, kasama ang kanilang mga bata, kanilang mga asawa, at ang kanilang mga anak.
14 Ang Espiritu ng Panginoon ay dumating kay Jahaziel na anak ni Zacarias, na anak ni Benaya, na anak ni Jeiel, na anak ni Matanias, isang Levita sa mga anak ni Asaf, sa gitna ng kapulungan.
15 At(C) kanyang sinabi, “Makinig kayo, buong Juda at mga mamamayan ng Jerusalem, at Haring Jehoshafat: Ganito ang sabi ng Panginoon sa inyo, ‘Huwag kayong matakot, at huwag kayong panghinaan ng loob sa napakaraming taong ito, sapagkat ang pakikipaglaban ay hindi sa inyo, kundi sa Diyos.
16 Bukas ay harapin ninyo sila. Sila'y aahon sa ahunan ng Sis; inyong matatagpuan sila sa dulo ng libis, sa silangan ng ilang ng Jeruel.
17 Hindi(D) ninyo kailangang lumaban sa digmaang ito. Manatili kayo sa inyong puwesto, tumayo kayong panatag, at tingnan ninyo ang pagtatagumpay ng Panginoon alang-alang sa inyo, O Juda at Jerusalem.’ Huwag kayong matakot o panghinaan ng loob; bukas ay harapin ninyo sila sapagkat ang Panginoon ay sasama sa inyo.”
18 Pagkatapos ay itinungo ni Jehoshafat ang kanyang ulo sa lupa, at ang buong Juda at ang mga mamamayan ng Jerusalem ay nagpatirapa sa Panginoon, na sumasamba sa Panginoon.
19 At ang mga Levita, sa mga anak ng mga Kohatita at sa mga anak ng mga Korahita ay tumayo upang purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, nang napakalakas na tinig.
20 Kinaumagahan, sila'y maagang bumangon at lumabas sa ilang ng Tekoa. Habang sila'y lumalabas, si Jehoshafat ay tumayo at nagsabi, “Pakinggan ninyo ako, O Juda at mga mamamayan ng Jerusalem! Manalig kayo sa Panginoon ninyong Diyos, at kayo'y magiging matatag. Maniwala kayo sa kanyang mga propeta, at kayo'y magtatagumpay.”
21 Pagkatapos niyang sumangguni sa mga tao, kanyang hinirang ang mga aawit sa Panginoon at magpupuri sa kanya sa banal na kaayusan, habang sila'y nangunguna sa hukbo at nagsasabi, “Magpasalamat kayo sa Panginoon; sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.”
22 Nang sila'y magpasimulang umawit at magpuri, ang Panginoon ay naglagay ng pagtambang laban sa mga taga-Ammon, Moab, at Bundok ng Seir na dumating laban sa Juda kaya't sila'y nagapi.
Ang Makipot na Pintuan(A)
22 Si Jesus[a] ay nagpatuloy sa kanyang lakad sa mga bayan at mga nayon na nagtuturo habang naglalakbay patungo sa Jerusalem.
23 At may nagsabi sa kanya, “Panginoon, kakaunti ba ang maliligtas?” At sinabi niya sa kanila,
24 “Magsikap kayong pumasok sa makipot na pintuan, sapagkat sinasabi ko sa inyo na marami ang magsisikap na pumasok at hindi makakapasok.
25 Kapag tumayo na ang may-ari ng bahay at maisara na ang pinto, magsisimula kayong tumayo sa labas at tutuktok sa pintuan, na magsasabi, ‘Panginoon, pagbuksan mo kami.’ At siya'y sasagot sa inyo, ‘Hindi ko alam kung saan kayo nanggaling.’
26 Kaya't magsisimula kayong magsabi, ‘Kami ay kasama mong kumain at uminom at nagturo ka sa aming mga lansangan.’
27 Subalit(B) sasabihin niya, ‘Hindi ko alam kung saan kayo nanggaling. Lumayas kayo, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!’
28 Magkakaroon(C) ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin kapag nakita na ninyo sina Abraham, Isaac, Jacob at ang lahat ng mga propeta sa kaharian ng Diyos, at kayo mismo'y inihahagis sa labas.
29 At(D) may mga taong manggagaling sa silangan at kanluran, sa timog at hilaga, at uupo sa hapag sa kaharian ng Diyos.
30 Sa(E) katunayan, may mga huling magiging una at may mga unang magiging huli.”
Ang Pag-ibig ni Jesus para sa Jerusalem(F)
31 Dumating nang oras ding iyon ang ilang Fariseo na nagsabi sa kanya, “Lumabas ka na at umalis dito, sapagkat ibig kang patayin ni Herodes.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001