Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
IKALAWANG AKLAT
Panaghoy ng Isang Dinalang-bihag
Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit.
42 Kung paanong batis ang siyang hanap ng isang usa;
gayon hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa.
2 Nananabik ako sa Diyos, sa Diyos na buháy, walang iba;
kailan kaya maaaring sa presensya mo'y sumamba?
3 Araw-gabi'y tumataghoy, gabi't araw tumatangis;
naging tanging pagkain ko'y mga luha sa paghibik.
Itong mga kaaway ko, sa tuwina'y yaong sambit,
“Nasaan ba ang iyong Diyos? Hindi namin namamasid.”
4 Nagdurugo ang puso ko, kapag aking maalala
ang lumipas na kahapong lagi kaming sama-sama,
papunta sa templo ng Diyos na ako ang nangunguna;
pinupuri namin ang Diyos sa pag-awit na masaya!
5 Bakit ako nanlulumo, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako may tiwala, siyang aking aasahan;
Diyos na Tagapagligtas, muli ko siyang aawitan.
6 Siya ay gugunitain ng puso kong tigib-hirap,
habang ako'y nasa Jordan, sa Hermon, at sa Mizar
di ko siya malilimot, gugunitain oras-oras.
7 Ang dagat na kalaliman pakinggan at umuugong,
at doon ay maririnig, lagaslas ng mga talon;
ang katulad: nagagalit, malalaking mga alon,
na sa aking kaluluwa ay ganap na tumatabon.
8 Nawa ang pag-ibig ni Yahweh ay mahayag araw-araw,
gabi-gabi siya nawa'y purihin ko at awitan;
dadalangin ako sa Diyos, na sa aki'y bumubuhay.
9 Sa Diyos na sanggalang ko ganito ang aking wika,
“Bakit ako ay nilimot, nilimot mo akong kusa?
Bakit ako nagdurusa sa kamay ng masasama?”
10 Kalooban ko'y nanghihina sa pagkutya ng kalaban,
habang sila'y nagtatanong,
“Ang Diyos mo ba ay nasaan?”
11 Bakit ako nalulungkot, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako'y may tiwala, siyang aking aasahan;
magpupuri akong muli, pupurihing walang humpay,
ang aking Tagapagligtas, ang Diyos na walang hanggan.
Ipinangako ang Muling Pagsasaya sa Jerusalem
8 Sinabi sa akin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, 2 “Ganito ang sabihin mo: Sabik na sabik na akong ipadama sa Jerusalem ang aking pagmamahal; isang pagmamahal na naging dahilan upang mapoot ako sa kanyang mga kaaway. 3 Babalik ako sa Jerusalem upang muling manirahan doon. Tatawagin itong Tapat na Lunsod at Banal na Bundok ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. 4 Ganito ang sinabi ni Yahweh: “Muling makikita ang matatandang babae't lalaking nakatungkod na nakaupo sa mga liwasan ng lunsod. 5 Ang mga lansangan ay mapupuno ng mga batang naglalaro. 6 Aakalain ng mga naiwan sa lupain na mahirap itong mangyari. Ngunit para kay Yahweh ay walang imposible. 7 Ililigtas ko ang aking bayan mula sa mga lugar sa silangan at sa kanluran, 8 at muli ko silang ibabalik sa Jerusalem. Sila ay aking magiging bayan at ako ang kanilang magiging tapat at makatarungang Diyos.”
9 Ipinapasabi pa ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Lakasan ninyo ang inyong loob, kayo na nakarinig ng mensahe ng mga propeta noong inilalagay ang pundasyon ng aking templo. 10 Bago pa dumating ang panahong iyon, hindi nila kayang umupa ng tao o hayop, at mapanganib kahit saan sapagkat ang bawat isa'y ginawa kong kaaway ng kanyang kapwa. 11 Ngunit ngayon, hindi ko na pababayaang mangyari sa inyo ang nangyari noon. 12 Mapayapa na kayong makapaghahasik. Magbubunga na ang inyong mga ubasan. Papatak na ang ulan sa takdang panahon, ibibigay ko ang lahat ng ito sa mga naiwan sa lupain. 13 Bayan ng Juda at Israel, kayo ang naging sumpa sa mga bansa. Sinasabi nila, ‘Danasin sana ninyo ang kahirapang dinanas ng Juda at ng Israel.’ Ngunit ililigtas ko kayo at gagawing pagpapala para sa kanila. Kaya huwag kayong matakot at lakasan ninyo ang inyong loob.”
14 Ipinapasabi pa rin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Noong una, binalak kong parusahan ang inyong mga ninuno dahil sa kanilang kasamaan. Ginawa ko nga ito. 15 Ngunit ngayon, ipinasya ko namang pagpalain ang Jerusalem at ang Juda; kaya huwag kayong matakot. 16 Ganito(A) ang dapat ninyong gawin: Katotohanan lamang ang sasabihin ninyo sa isa't isa, paiiralin ninyo ang katarungan at pananatilihin ang kapayapaan. 17 Huwag kayong magbabalak ng masama laban sa inyong kapwa at huwag magsisinungaling, sapagkat nasusuklam ako sa mga ito.”
Maraming Pinagaling si Jesus(A)
14 Pumunta si Jesus sa bahay ni Pedro at nakita niya roon ang biyenan nito na nakaratay at nilalagnat. 15 Hinawakan ni Jesus ang kamay ng babae at nawala ang lagnat nito. Bumangon ang babae at naglingkod kay Jesus.
16 Nang gabing iyon, dinala kay Jesus ang maraming sinasapian ng mga demonyo. Sa isang salita lamang ay pinalayas niya ang masasamang espiritu at pinagaling ang lahat ng may karamdaman. 17 Sa(B) gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
“Inalis niya ang ating mga kahinaan,
pinagaling ang ating mga karamdaman.”
Mga Gadarenong Pinalaya sa Pang-aalipin ng mga Demonyo(A)
28 Nang dumating si Jesus sa kabilang ibayo, sa lupain ng mga Gadareno,[a] sinalubong siya ng dalawang lalaking sinasapian ng mga demonyo. Sila ay nakatira sa libingan. Napakababangis nila kaya't walang sinuman ang dumaraan doon. 29 Biglang nagsisigaw ang dalawang lalaki, “Ano ang pakialam mo sa amin, Anak ng Diyos? Naparito ka ba upang pahirapan kami kahit hindi pa panahon?” 30 Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng mga baboy na nagsisikain. 31 Nakiusap sa kanya ang mga demonyo, “Kung palalayasin mo kami, papasukin mo kami sa mga baboy na iyon.” 32 Sinabi ni Jesus, “Sige, lumayas kayo.” Lumabas nga sila sa dalawang lalaki at pumasok sa mga baboy. Ang buong kawan ay biglang tumakbo papunta sa bangin, nahulog sa lawa at nalunod.
33 Nagtakbuhan papuntang bayan ang mga tagapag-alaga ng mga baboy. Pagdating doon, ipinamalita nila ang buong pangyayari, pati ang naganap sa mga lalaking sinapian ng mga demonyo. 34 Kaya't lumabas ang buong bayan upang salubungin si Jesus. Pagkakita sa kanya, ipinakiusap nilang lisanin niya ang kanilang lupain.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.