Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 72:1-7

Panalangin para sa Hari

Katha ni Solomon.

72 Turuan mo po ang haring humatol nang makat'wiran,
    sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya'y bahaginan;
nang matuwid na tuparin tungkulin sa iyong bayan,
    at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.
Ang lupain nawa niya'y umunlad at managana;
    maghari ang katarungan sa lupain nitong bansa.
Maging tapat itong hari sa paghatol sa mahirap,
    mga nangangailangan, pag-ukulan ng paglingap;
    at ang nang-aapi ay lupigin at ibagsak.
Nawa sila ay maglingkod, silang lahat mong hinirang,
    hangga't araw sumisikat, hangga't buwa'y sumisilang.

Ang hari sana'y matulad sa ulan ng kaparangan;
    bumubuhos, dumidilig sa lahat ng nabubuhay.
At ang buhay na matuwid sa kanyang kapanahunan,
    maghari sa bansa niya't umunlad kailanpaman.

Mga Awit 72:18-19

18 Si Yahweh, Diyos ng Israel, purihin ng taong madla;
ang kahanga-hangang bagay tanging siya ang may gawa.
19 Ang dakilang ngalan niya ay purihin kailanman,
at siya ay dakilain nitong buong sanlibutan!

    Amen! Amen!

Isaias 40:1-11

Mga Salita ng Pag-asa

40 “Aliwin ninyo ang aking bayan,” sabi ng Diyos.
    “Aliwin ninyo sila!
Inyong ibalita sa mga taga-Jerusalem,
tapos na ang kanilang pagdurusa
sapagkat nabayaran na nila ng lubos
    ang kasalanang ginawa nila sa akin.”

Ganito(A) (B) ang isinisigaw ng isang tinig:
“Ihanda ninyo ang daraanan ni Yahweh sa ilang;
    gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran sa ilang.
Tambakan ang mga libis,
    patagin ang mga burol at bundok,
at pantayin ang mga baku-bakong daan.
Mahahayag ang kaluwalhatian ni Yahweh,
    at makikita ito ng lahat ng tao.
Si Yahweh mismo ang nagsabi nito.”
“Magpahayag(C) ka!” ang sabi ng tinig.
“Ano ang ipahahayag ko?” tanong ko.
Sumagot siya, “Ipahayag mong ang lahat ng tao ay tulad ng damo,
    ang kanyang buhay ay tulad lamang ng bulaklak sa parang.
Natutuyo ang damo, kumukupas ang mga bulaklak,
    kapag sila'y mahipan ng hanging mula kay Yahweh.
    Tunay ngang ang tao ay tulad ng damo.
Oo, ang damo'y nalalanta, at kumukupas ang mga bulaklak,
    ngunit ang salita ng ating Diyos ay mananatili magpakailanman.”

Ang Diyos ay Narito Na

Umakyat ka sa tuktok ng bundok, O Zion,
    magandang balita ay iyong ipahayag, O Jerusalem!
Sumigaw ka at huwag matatakot,[a]
sabihin mo sa mga lunsod ng Juda,
    “Narito na ang inyong Diyos!”

10 Dumarating(D) ang Panginoong Yahweh na taglay ang kapangyarihan,
    dala ang gantimpala sa mga hinirang.
11 At(E) tulad ng pastol, pinapakain niya ang kanyang kawan;
    sa kanyang mga bisig, ang maliliit na tupa'y kanyang yayakapin.
    Sa kanyang kandungan ay pagyayamanin,
    at papatnubayan ang mga tupang may supling.

Juan 1:19-28

Ang Patotoo ni Juan na Tagapagbautismo(A)

19 Ang mga pinuno ng mga Judio sa Jerusalem ay nagsugo ng mga pari at Levita upang itanong kay Juan kung sino nga ba siya. 20 Hindi nagkaila si Juan; sa halip ay maliwanag niyang sinabi, “Hindi ako ang Cristo.”

21 “Sino(B) ka kung gayon?” tanong nila. “Ikaw ba si Elias?”

“Hindi ako si Elias,” tugon niya.

“Ikaw ba ang Propeta?”

Sumagot siya, “Hindi rin.”

22 “Sino ka kung gayon? Sabihin mo kung sino ka upang may masabi kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” tanong nilang muli.

23 Sumagot(C) si Juan ayon sa nasusulat sa aklat ni Propeta Isaias,

    “Ako ang tinig ng isang taong sumisigaw sa ilang,
    ‘Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon.’”

24 Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. 25 Muli nilang tinanong si Juan, “Bakit ka nagbabautismo, gayong hindi naman pala ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang Propeta?”

26 Sumagot si Juan, “Ako'y nagbabautismo sa tubig, ngunit nasa inyong kalagitnaan ang isang hindi ninyo nakikilala. 27 Dumarating siyang kasunod ko subalit hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng tali ng kanyang sandalyas.”

28 Ang mga ito'y nangyari sa Bethania, sa silangan ng Ilog Jordan na pinagbabautismuhan ni Juan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.