Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Isaias 35

Ang Landas ng Kabanalan

35 Muling sasaya ang ulilang lupain na matagal nang tigang;
    mamumulaklak ang mga halaman sa disyerto.
Ang disyerto ay aawit sa tuwa,
    ito'y muling gaganda tulad ng mga Bundok ng Lebanon
    at mamumunga nang sagana tulad ng Carmel at Sharon.
Mamamasdan ng lahat ang kaluwalhatian
    at kapangyarihan ni Yahweh.

Inyong(A) palakasin ang mahinang kamay,
    at patatagin ang mga tuhod na lupaypay.
Ito ang sabihin sa pinanghihinaan ng loob:
    “Huwag kang matakot, lakasan mo ang iyong loob!
    Darating na ang Diyos,
    at ililigtas ka sa mga kaaway.”

Ang(B) mga bulag ay makakakita,
    at makakarinig ang mga bingi.
Ang mga pilay ay lulundag na parang usa,
    aawit sa galak ang mga pipi.
Mula sa kaparangan ay aagos ang tubig,
    at dadaloy sa disyerto ang mga batis.
Ang nakakapasong buhanginan ay magiging isang lawa,
    sa tigang na lupa ay bubukal ang tubig.
Ang dating tirahan ng mga asong-gubat,
    ay tutubuan ng tambo at talahib.

Magkakaroon ng isang maluwang na lansangan,
    na tatawaging Landas ng Kabanalan.
Sa landas na ito ay hindi makakaraan,
    ang mga makasalanan at mga hangal.
Walang leon o mabangis na hayop
    na makakapasok doon;
ito'y para lamang sa mga tinubos.
10 Babalik sa Jerusalem ang mga tinubos ni Yahweh
    na masiglang umaawit ng pagpupuri.
Paghaharian sila ng kaligayahan.
    Ang lungkot at dalamhati ay mapapalitan ng tuwa at galak magpakailanman.

Mga Awit 146:5-10

Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob;
    sa Diyos na si Yahweh, umaasang lubos,
    sa(A) Diyos na lumikha niyong kalangitan,
    ng lupa at dagat, at lahat ng bagay.
Ang kanyang pangako ay maaasahan.
    Panig sa naaapi, kung siya'y humatol,
    may pagkaing handa, sa nangagugutom.

Pinalaya niya ang mga nabihag;
    isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
    ang mga hinirang niya'y nililingap.
Isinasanggalang ang mga dayuhang sa lupain nila'y doon tumatahan;
    tumutulong siya sa balo't ulila,
    ngunit sa masama'y parusa'ng hatid niya.
10 Walang hanggang Hari, ang Diyos na si Yahweh!
    Ang Diyos mo, Zion, ay mananatili!

Purihin si Yahweh!

Lucas 1:46-55

Ang Awit ng Pagpupuri ni Maria

46 At(A) sinabi ni Maria,

“Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon,
47     at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas,
48     sapagkat(B) nilingap niya akong kanyang abang alipin!
Mula ngayon, ang lahat ng tao'y tatawagin akong pinagpala;
49     dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan.
Banal ang kanyang pangalan!
50 Ang kanyang kahabagan ay para sa lahat ng salinlahing may takot sa kanya.
51 Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
    nilito niya ang mga may palalong isip.
52 Tinanggal(C) sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan,
    at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.
53 Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad,
    at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman.
54 Tinulungan niya ang Israel na kanyang lingkod,
    at hindi niya kinalimutang kahabagan ito.
55 Tulad(D) ng kanyang ipinangako sa ating mga ninuno,
    kay Abraham at sa lahi nito, magpakailanman!”

Santiago 5:7-10

Pagtitiyaga at Pananalangin

Kaya nga, mga kapatid, magtiyaga kayo hanggang sa pagdating ng Panginoon. Tingnan ninyo ang magsasaka. Buong tiyaga niyang hinihintay ang mahalagang ani ng kanyang bukirin, at inaabangan ang pagdating ng tag-ulan. Dapat din kayong magtiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob sapagkat nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.

Mga kapatid, huwag kayong magreklamo sa isa't isa upang hindi kayo hatulan ng Diyos, sapagkat malapit nang dumating ang Hukom. 10 Mga kapatid, tularan ninyo ang mga propetang nagsalita sa pangalan ng Panginoon. Buong tiyaga silang nagtiis ng kahirapan.

Mateo 11:2-11

Nakabilanggo na noon si Juan na Tagapagbautismo. Nabalitaan niya ang mga ginagawa ni Cristo kaya't nagsugo siya ng ilang mga alagad upang itanong, “Kayo po ba ang ipinangakong darating, o maghihintay pa kami ng iba?” Sumagot si Jesus, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong naririnig at nakikita. Nakakakita(A) ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling[a] ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Pinagpala ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”

Nang paalis na ang mga alagad ni Juan, nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Bakit kayo nagpunta sa ilang? Ano ang nais ninyong makita? Isa bang tambo na hinihipan ng hangin? Bakit kayo pumunta sa ilang? Para makita ang isang taong may mamahaling kasuotan? Ang mga nagdaramit ng ganyan ay nasa palasyo ng mga hari! Ano nga ba ang nais ninyong makita? Isang propeta?[b] Oo, siya'y propeta. At sinasabi ko sa inyo, siya'y higit pa sa isang propeta. 10 Sapagkat(B) si Juan ang tinutukoy ng kasulatan, ‘Ipadadala ko ang aking sugo na mauuna sa iyo; ihahanda niya ang iyong daraanan.’ 11 Tandaan ninyo: higit na dakila si Juan na Tagapagbautismo kaysa sinumang isinilang sa daigdig, ngunit ang pinakahamak sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa kanya.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.