Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagtupad sa Kautusan ni Yahweh
(Kheth)
57 Ikaw lamang, O Yahweh, ang lahat sa aking buhay,
kaya ako'y nangangakong susundin ang kautusan.
58 Taimtim sa aking puso, na ako ay humihiling,
sang-ayon sa pangako mo ay mahabag ka sa akin.
59 Tinanong ko ang sarili kung ano ang nararapat,
ang tugon sa katanunga'y sundin ko ang iyong batas.
60 Kaya ako'y nagdumali, upang hindi na mabalam,
sa hangad kong masunod na ang bigay mong kautusan.
61 Mga taong masasama kahit ako ay gapusin,
ang bigay mong mga utos ay di pa rin lilimutin.
62 Gumigising akong lagi pagsapit ng hatinggabi,
sa matuwid mong paghatol lagi kitang pinupuri.
63 Tapat akong kaibigan ng sa iyo'y naglilingkod,
mga taong buong pusong sa utos mo'y sumusunod.
64 Ang dakilang pag-ibig mo'y laganap sa daigdigan,
ituro sa akin, Yahweh, ang banal mong kautusan.
27 Ang(A) kagandahang-loob ay huwag ipagkait sa kapwa,
kung ika'y may kakayahan na ito ay magawâ.
28 Kung mayroon ka ngayon ng kanyang kailangan,
huwag nang sasabihing, “Bumalik ka't bukas ibibigay.”
29 Huwag gagawan ng masama ang iyong kaibigan
na sa iyo'y umaasa, at may tiwalang lubusan.
30 Huwag makikipag-away nang walang sapat na dahilan,
kung hindi ka ginagawan ng anumang kasamaan.
31 Huwag kang maiinggit sa taong marahas
ni lalakad man sa masama niyang landas.
32 Pagkat si Yahweh ay nasusuklam sa mga isipang baluktot,
ngunit nalulugod siya sa taong sa kanya ay may takot.
33 Ang sumpa ni Yahweh ay di lalayo sa masama,
ngunit ang mga banal ay kanyang pinagpapala.
34 Ang(B) mga palalo'y kanyang kinasusuklaman,
ngunit kinaluluguran niya ang may mababang kalooban.
35 Ang taong matalino'y magkakamit-karangalan,
ngunit puro kahihiyan ang aanihin ng mangmang.
Ang Lalaking Mayaman(A)
18 May isang pinuno ng bayan na nagtanong kay Jesus, “Mabuting Guro, ano po ba ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?”
19 Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Ang Diyos lamang ang mabuti! 20 Alam(B) mo ang mga utos, ‘Huwag kang mangangalunya; huwag kang papatay; huwag kang magnanakaw; huwag kang tatayong saksi para sa kasinungalingan; at igalang mo ang iyong ama at ina.’”
21 Sinabi ng lalaki, “Ang lahat pong iyan ay tinupad ko na mula pa sa pagkabata.”
22 Pagkarinig nito ay sinabi ni Jesus, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi ang pinagbilhan sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos ay bumalik ka, at sumunod ka sa akin.” 23 Nalungkot ang lalaki nang marinig iyon, sapagkat siya'y napakayaman.
24 Nakita ni Jesus na nalulungkot ang lalaki kaya't sinabi niya, “Napakahirap para sa mga mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos! 25 Mas madali pang makaraan sa butas ng karayom ang isang kamelyo kaysa makapasok sa kaharian ng Diyos ang isang mayaman.”
26 Nagtanong ang mga taong nakarinig nito, “Kung gayon, sino ang maliligtas?”
27 “Ang mga bagay na hindi kayang gawin ng tao ay kayang gawin ng Diyos,” tugon ni Jesus.
28 Sinabi naman ni Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan na namin ang aming mga tahanan at sumunod sa inyo.”
29 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: kapag iniwan ninuman ang kanyang tahanan, asawa, mga kapatid, mga magulang, o mga anak alang-alang sa kaharian ng Diyos, 30 tatanggap siya ng higit pa sa panahong ito. At sa panahong darating, tatanggap siya ng buhay na walang hanggan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.