Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Levitico 19:1-2

Mga Tuntunin tungkol sa Kabanalan at Katarungan

19 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin(A) mo sa buong sambayanan ng Israel, ‘Magpakabanal kayo, sapagkat akong si Yahweh na inyong Diyos ay banal.

Levitico 19:9-18

“Kung(A) mag-aani kayo sa inyong bukirin, itira ninyo ang nasa gilid, at huwag na ninyong balikan ang inyong naanihan. 10 Huwag ninyong pipitasing lahat ang bunga ng ubasan ni pupulutin man ang mga nalaglag, bayaan na ninyo iyon para sa mahihirap at sa mga dayuhan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.

11 “Huwag(B) kayong magnanakaw, mandaraya, o magsisinungaling. 12 Huwag(C) kayong manunumpa sa aking pangalan kung ito ay walang katotohanan. Iyon ay paglapastangan sa pangalan ng inyong Diyos. Ako si Yahweh.

13 “Huwag(D) ninyong dadayain o pagnanakawan ang inyong kapwa. Huwag ninyong ipagpapabukas ang pagpapasweldo sa inyong mga manggagawa. 14 Huwag(E) ninyong mumurahin ang mga bingi at lalagyan ng katitisuran ang daraanan ng mga bulag. Matakot kayo sa Diyos. Ako si Yahweh.

15 “Huwag(F) kayong hahatol nang hindi makatarungan. Huwag ninyong kikilingan ang mahihirap o kaya'y katatakutan ang mayayaman. Humatol kayo batay sa katuwiran. 16 Huwag kayong magkakalat ng anumang nakakasira ng puri ng inyong kapwa, ni sasaksi laban sa inyong kapwa upang ipahamak lamang siya. Ako si Yahweh.

17 “Huwag(G) kayong magtatanim ng galit sa iyong kapwa. Sa halip, makipagkasundo ka sa kanya. Sa gayon, hindi ka magkakasala dahil sa kanya. 18 Huwag(H) kang maghihiganti o magtatanim ng galit sa iyong mga kababayan. Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Ako si Yahweh.

Mga Awit 119:33-40

Panalangin Upang Makaunawa

(He)

33 Ituro mo, O Yahweh, layunin ng kautusan,
    at iyon ang susundin ko habang ako'y nabubuhay.
34 Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod,
    buong pusong iingatan at susundin ko nang lubos.
35 Sa pagsunod sa utos mo, ako'y iyong pangunahan,
    pagkat dito nakakamtan ang ligayang inaasam.
36 Itulot mong hangarin ko na sundin ang iyong utos,
    higit pa sa paghahangad na yumaman akong lubos.
37 Ilayo mo ang pansin ko sa bagay na walang saysay;
    at ayon sa pangako mo'y pagpalain akong tunay.
38 Tuparin mo ang pangakong ginawa sa iyong lingkod,
    ang pangako sa lahat ng sa iyo ay natatakot.
39 Iligtas mo ang lingkod mo sa sinumang mapang-uyam,
    sa mabuting tuntunin mo, humahanga akong tunay!
40 Ang lahat ng tuntunin mo, ang hangad ko'y aking sundin,
    pagkat ikaw ay matuwid, kaya ako'y pagpalain.

1 Corinto 3:10-11

10 Ayon sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, inilagay ko ang pundasyon, tulad ng isang mahusay na tagapagtayo. Iba naman ang nagpapatuloy sa pagtatayo ng gusali. Ngunit dapat maging maingat ang bawat nagtatayo, 11 sapagkat wala nang ibang pundasyong maaaring ilagay maliban sa nailagay na, walang iba kundi si Jesu-Cristo.

1 Corinto 3:16-23

16 Hindi(A) ba ninyo alam na kayo'y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu? 17 Paparusahan ng Diyos ang sinumang magwasak ng templo niya. Sapagkat banal ang templo ng Diyos, at kayo ang templong iyan.

18 Huwag dayain ninuman ang kanyang sarili. Kung may nag-aakalang siya'y matalino ayon sa sanlibutang ito, aminin niyang siya'y mangmang upang maging tunay na marunong. 19 Sapagkat(B) ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa paningin ng Diyos. Gaya ng nasusulat, “Ginagamit niya ang katusuhan ng mga marurunong para mabitag sila.” 20 Gayundin,(C) “Batid ng Panginoon na ang iniisip ng marurunong ay walang kabuluhan.” 21 Kaya't huwag ipagmalaki ninuman na siya'y tagasunod ng sinuman, sapagkat ang lahat ay para sa inyo: 22 si Pablo, si Apolos, at si Pedro, ang sanlibutang ito, ang buhay, ang kamatayan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap; lahat ng ito'y para sa inyo. 23 At kayo'y para kay Cristo, at si Cristo nama'y para sa Diyos.

Mateo 5:38-48

Katuruan Laban sa Paghihiganti(A)

38 “Narinig(B) ninyong sinabi, ‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin.’ 39 Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag kayong gumanti sa masamang tao. Kung sinampal ka sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kaliwa. 40 Kung isakdal ka ninuman upang makuha ang iyong damit, ibigay mo ito sa kanya pati ang iyong balabal. 41 Kung pilitin ka ng isang kawal na pasanin ang kanyang dala ng isang milya,[a] pasanin mo iyon ng dalawang milya. 42 Bigyan mo ang nanghihingi sa iyo at huwag mong tanggihan ang nanghihiram sa iyo.”

Pagmamahal sa Kaaway(C)

43 “Narinig(D) ninyong sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa at kamuhian mo ang iyong kaaway.’ 44 Ngunit ito naman ang sinasabi ko, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, 45 upang(E) kayo'y maging tunay na mga anak ng inyong Ama na nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa mabubuti gayon din sa masasama, at nagpapaulan siya sa mga matuwid at sa mga di-matuwid.

46 “Kung ang mga nagmamahal sa inyo ang siya lamang ninyong mamahalin, anong gantimpala ang inyong maaasahan? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga maniningil ng buwis? 47 At kung ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong binabati, ano ang ginagawa ninyong higit kaysa iba? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga Hentil? 48 Kaya(F) maging ganap kayo, gaya ng inyong Ama na nasa langit.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.