Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Makaunawa
(He)
33 Ituro mo, O Yahweh, layunin ng kautusan,
at iyon ang susundin ko habang ako'y nabubuhay.
34 Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod,
buong pusong iingatan at susundin ko nang lubos.
35 Sa pagsunod sa utos mo, ako'y iyong pangunahan,
pagkat dito nakakamtan ang ligayang inaasam.
36 Itulot mong hangarin ko na sundin ang iyong utos,
higit pa sa paghahangad na yumaman akong lubos.
37 Ilayo mo ang pansin ko sa bagay na walang saysay;
at ayon sa pangako mo'y pagpalain akong tunay.
38 Tuparin mo ang pangakong ginawa sa iyong lingkod,
ang pangako sa lahat ng sa iyo ay natatakot.
39 Iligtas mo ang lingkod mo sa sinumang mapang-uyam,
sa mabuting tuntunin mo, humahanga akong tunay!
40 Ang lahat ng tuntunin mo, ang hangad ko'y aking sundin,
pagkat ikaw ay matuwid, kaya ako'y pagpalain.
Paglapastangan at Kaparusahan
10-11 Nang panahong iyon, may isang lalaking pumasok sa kampo ng Israel. Ang ama niya ay isang Egipcio at Israelita naman ang kanyang ina na ang pangala'y Selomit, isa sa mga anak ni Debri at mula sa lipi ni Dan. Ang anak ng mga ito ay napaaway sa isang tunay na Israelita. Sa kanilang pag-aaway, nagmura siya at nagsalita ng masama laban sa pangalan ni Yahweh, kaya dinala siya kay Moises. 12 Siya ay ipinakulong habang hinihintay ang pasya ni Yahweh.
13 At sinabi ni Yahweh kay Moises, 14 “Ilabas ninyo sa kampo ang nagmura. Ipatong sa ulo niya ang kamay ng lahat ng nakarinig sa kanya, at pagkatapos ay batuhin siya hanggang mamatay. 15 Sabihin mo sa bayang Israel na mananagot ang sinumang lumapastangan sa kanyang Diyos. 16 Ang lumapastangan sa pangalan ni Yahweh, maging katutubong Israelita o dayuhan, ay babatuhin ng taong-bayan hanggang sa mamatay.
17 “Ang(A) sinumang pumatay ng kapwa ay papatayin din. 18 Kung hayop naman ang pinatay niya, papalitan niya iyon; kapag buhay ang inutang buhay rin ang kabayaran.
19 “Ang makapinsala sa kapwa ay pipinsalain din, tulad ng kanyang ginawa. 20 Baling(B) buto sa baling buto, mata sa mata, ngipin sa ngipin. Kung ano ang ginawa niya, gayundin ang gagawin sa kanya. 21 Ang makapatay ng hayop ng kanyang kapwa ay kinakailangang magbabayad ng hayop din, ngunit ang pumatay ng kapwa tao ay dapat patayin din. 22 Iisa(C) ang batas na paiiralin sa mga katutubong Israelita at sa mga dayuhan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.”
23 Nang masabi na ito ni Moises, inilabas nila sa kampo ang lumapastangan at binato hanggang mamatay. Sinunod ng mga Israelita ang mga utos ni Yahweh na ibinigay niya kay Moises.
Paghatol sa Kapwa(A)
7 “Huwag kayong humatol, nang kayo'y di hatulan. 2 Sapagkat(B) hahatulan kayo ng Diyos ayon sa paghatol ninyo sa iba, at susukatin kayo ayon sa panukat na ginagamit ninyo sa iba. 3 Bakit mo pinapansin ang puwing sa mata ng iyong kapatid ngunit hindi mo pinapansin ang trosong nasa iyong mata? 4 Paano mong masasabi sa iyong kapatid, ‘Halika't aalisin ko ang puwing mo,’ gayong troso ang nasa mata mo? 5 Mapagkunwari! Alisin mo muna ang trosong nasa iyong mata at sa gayon, makakakita kang mabuti at maaalis mo ang puwing ng iyong kapatid.
6 “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang banal na bagay, baka pagkatapos ay kayo pa ang balingan at sakmalin nila. Huwag ninyong ihagis sa baboy ang inyong mga perlas sapagkat yuyurakan lamang nila ang mga iyon.”
Humingi, Humanap, Kumatok(C)
7 “Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. 8 Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan. 9 Bibigyan ba ninyo ng bato ang inyong anak kapag siya'y humihingi ng tinapay? 10 Bibigyan ba ninyo siya ng ahas kapag siya'y humihingi ng isda? 11 Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit? Bibigyan niya ng mabubuting bagay ang sinumang humihingi sa kanya!
12 “Gawin(D) ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo. Ito ang buod ng Kautusan at ng mga isinulat ng mga propeta.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.