Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pananampalataya sa Kautusan ni Yahweh
(Lamedh)
89 Ang salita mo, O Yahweh, di kukupas, walang hanggan,
matatag at di makilos sa rurok ng kalangitan.
90 Ang taglay mong katapatan ay hindi na magbabago;
ang nilikha mong daigdig, matatag sa kanyang dako.
91 Hanggang ngayon ay matatag, pagkat ikaw ang nag-utos,
alipin mo silang lahat at sa iyo'y naglilingkod.
92 Kung ang iyong kautusa'y di bukal ng aking galak,
namatay na sana ako sa dinanas na paghihirap.
93 Ang utos mo'y susundin ko, di ito tatalikuran,
pagkat dahil sa utos mo, ako ngayo'y nabubuhay.
94 Ang lingkod mo'y iyong-iyo, kaya ako ay iligtas,
ang pagsunod sa utos mo ay siya kong sinisikap.
95 Nag-aabang ang masama, upang ako ay mapatay,
ngunit ako'y magbubulay sa bigay mong kautusan.
96 Nabatid kong sa daigdig, walang ganap na anuman,
ngunit ang iyong mga utos walang hanggan yaong saklaw.
Muling Isinulat ang Nilalaman ng Sinunog na Kasulatan
27 Matapos sunugin ng hari ang kasulatang ipinasulat ni Jeremias kay Baruc, sinabi ni Yahweh kay Jeremias 28 na ipasulat uli ang lahat ng nasa kasulatang sinunog ni Haring Jehoiakim. 29 Iniutos rin sa kanya ni Yahweh na sabihin kay Haring Jehoiakim, “Sinunog mo ang kasulatan, at itinatanong mo kung bakit sinulat ni Jeremias na darating ang hari ng Babilonia, sisirain ang lupaing ito, at papatayin ang mga tao at hayop. 30 Kaya ngayon, akong si Yahweh ang nagsasabi sa iyo, Haring Jehoiakim, na sinuman sa mga anak mo'y walang maghahari sa trono ni David. Itatapon sa labas ang iyong bangkay at mabibilad sa init ng araw at lamig ng gabi. 31 Paparusahan kita, at ang iyong mga salinlahi, pati ang iyong mga pinuno, dahil sa mga kasalanan ninyo. Ang mga babala ko'y hindi mo pinansin, gayon din ang mga taga-Jerusalem at taga-Juda, kaya pababagsakin ko na sa inyong lahat ang mga kapahamakang ibinabanta ko.”
32 Kumuha nga si Jeremias ng isa pang kasulatan, at ipinasulat muli kay Baruc ang lahat ng nasa kasulatang sinunog ni Haring Jehoiakim. Marami pang bagay na tulad ng ipinasulat niya kay Baruc ang nadagdag dito.
Pinagaling ni Jesus ang Maraming Tao(A)
38 Si Jesus ay umalis sa sinagoga at nagpunta sa bahay ni Simon. Nagkataong ang biyenan ni Simon ay may mataas na lagnat kaya't nakiusap sila kay Jesus na ito'y pagalingin. 39 Tumayo si Jesus sa tabi ng higaan ng babae at iniutos na mawala ang lagnat, at ito'y nawala nga. Kaagad namang tumayo ang babae at naglingkod sa kanila.
40 Pagkalubog ng araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng mga kasamahan nilang maysakit, anuman ang karamdaman ng mga ito. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa bawat isa, at silang lahat ay gumaling. 41 Lumabas sa marami ang mga demonyo, na sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit sinaway sila ni Jesus at hindi pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila na siya ang Cristo.
Nangaral si Jesus sa Judea(B)
42 Nang mag-uumaga na, umalis si Jesus at nagpunta sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao, at nang matagpuan ay pinakiusapang huwag muna siyang umalis. 43 Subalit sinabi niya, “Dapat ko ring ipangaral sa ibang mga bayan ang Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos, sapagkat ito ang dahilan kaya ako isinugo.” 44 At nagpatuloy siya ng pangangaral sa mga sinagoga sa buong Judea.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.