Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Kabutihan ni Yahweh sa Israel
106 Purihin(A) si Yahweh!
Pasalamatan siya sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
2 Sinong mangangahas upang magpahayag na siya'y dakila?
Sino ang pupuri at magpapahayag ng kanyang ginawa?
3 At dapat magalak ang sinumang tao na makatarungan,
na gawang matuwid ang adhika sa buo niyang buhay.
4 Tulungan mo ako, kapag ang bayan mo'y iyong nagunita,
sa pagliligtas mo, ang abâ mong lingkod isama mo sana;
5 upang makita ko ang pag-unlad nila na iyong hinirang,
kasama ng iyong bansang nagagalak, ako'y magdiriwang.
6 Nagkasala kami, tulad ng ginawa ng aming magulang,
ang aming ginawa'y tunay na di tama, pawang kasamaan.
7 Ang(B) magulang namin nang nasa Egipto, di nagpahalaga sa kahanga-hangang mga ginawa mong kanilang nakita;
ni hindi pinansin ang iyong pag-ibig na walang kagaya,
bagkus ang ginawa sa Dagat na Pula'y[a] nilabanan ka pa.
8 Sa kabila nito, gaya ng pangako, sila'y iniligtas,
upang ipadama na ang Panginoo'y dakila't malakas.
9 Nang(C) siya'y mag-utos, ang Dagat na Pula[b] ay natuyong bigla,
sila'y itinawid na ang dinaanan ay tuyo nang lupa.
10 Sila'y iniligtas sa pagpapahirap ng mga kaaway,
iniligtas sila sa kapangyariha't lakas ng kalaban.
11 Yaong nagsihabol, pawang nangalunod sa gitna ng dagat,
lahat sa kanila'y nilulon ng tubig, walang nakaligtas.
12 Nang(D) ito'y nakita, niyong mga lingkod mo na bayang hinirang,
sila'y naniwala sa iyong pangako at nagpuring tunay.
12 “Gumising ka, Debora, at ikaw ay tumayo!
Gumising ka't bumangon, umawit ng isang himig.
Barak, anak ni Abinoam,
kumilos ka't dalhin mong bihag ang mga kalaban.
13 Kumilos na ang mga dakila ng bayan;
alang-alang kay Yahweh malakas man ay lalabanan!
14 Sumalakay sa libis[a] ang hukbo ni Efraim,
kasunod sa paglusob ang lipi ni Benjamin.
Mga pinuno ng Maquir sa digmaa'y dumating,
gayundin ang mga pinuno na sa Zebulun nanggaling.
15 Ang mga pinuno ng Isacar sumama kay Debora,
gayundin kay Barak na tagapanguna,
at hanggang sa libis sumunod sa kanya.
Ngunit ang lipi ni Ruben ay di makapagpasya,
di nila malaman kung sila ay sasama.
16 Bakit ayaw ninyong iwan ang pastulan?
Hindi n'yo ba maiwan ang inyong mga kawan?
Ang lipi nga ni Ruben, sa pagpapasya'y nahirapan.
17 Ang Gilead ay nanatili sa silangan ng Jordan,
ang mga barko'y hindi iniwan ng lipi ni Dan.
Ang lipi ni Asher, sa tabing-dagat nagpaiwan,
sila'y nanatili sa mga daungan.
18 Itinaya ng Zebulun ang kanyang buhay,
gayundin ang Neftali na humarap sa digmaan.
19 “Ang mga hari'y dumating doon sa labanan,
silang mga hari ng lupang Canaan,
sa mga batis ng Megido doon sa Taanac,
ngunit wala silang nasamsam na pilak.
20 Pati mga bituin ay nakipaglaban,
nilabanan si Sisera buhat sa kalangitan.
21 At sa kanilang pagtawid sa ilog ng Kison,
tinangay sila ng agos, nilamon ng mga alon.
Gayunman kaluluwa ko, tumatag ka't magpatuloy!
Ang Buhay na Walang Hanggan
13 Isinusulat ko ito sa inyo upang malaman ninyo na kayong sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay may buhay na walang hanggan. 14 May lakas-loob tayong lumapit sa kanya dahil alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin kung ito'y naaayon sa kanyang kalooban. 15 At dahil alam nating pinapakinggan nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang bawat hinihiling natin sa kanya.
16 Kung makita ninuman na ang kanyang kapatid ay gumagawa ng kasalanang hindi hahantong sa kamatayan, ipanalangin niya ang kapatid na iyon sa Diyos na magbibigay sa taong iyon ng bagong buhay. Ito'y para sa mga kapatid na ang kasalanan ay hindi humahantong sa kamatayan. May kasalanang hahantong sa kamatayan, at hindi ko sinasabing idalangin ninyo ang sinumang gumagawa nito. 17 Ang lahat ng gawaing di matuwid ay kasalanan, ngunit may kasalanang hindi hahantong sa kamatayan.
18 Alam nating ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat iniingatan sila ng Anak ng Diyos, at hindi sila maaaring galawin ng diyablo.
19 Alam nating tayo'y sa Diyos, kahit na ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng diyablo.
20 At nalalaman nating naparito na ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Diyos, at tayo'y nasa tunay na Diyos, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Siya ang tunay na Diyos at buhay na walang hanggan.
21 Mga anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyosan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.