Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 147:12-20

12 Purihin si Yahweh, mga taga-Jerusalem!
    Purihin mo ang iyong Diyos, kayong mga taga-Zion!
13 Pagkat mga pintuan mo ay siya ang nag-iingat,
    ang anak mo't mga lingkod, pinagpala niyang lahat.
14 Ginagawang mapayapa ang iyong hangganan,
    sa kaloob niyang trigo, bibigyan kang kasiyahan.

15 Kapag siya'y nag-uutos, agad itong natutupad,
    dumarating sa daigdig, na hindi na nagluluwat.
16 Singkapal ng damit-tupa mga yelong pumapatak,
    para itong alikabok na sa lupa'y nalalaglag.
17 Mga yelong buo-buo, sinlaki ng munting bato,
    lumalagpak, na ang lamig di matiis kahit sino.
18 Ang yelo ay natutunaw, sa isa lang niyang utos,
    umiihip ang hangin at ang tubig ay umaagos.

19 Kay Jacob niya ibinigay ang lahat ng tagubilin,
    ang tuntuni't mga aral, ibinigay sa Israel.
20 Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa,
    pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda.

Purihin si Yahweh!

Mga Kawikaan 1:1-7

Ang Kahalagahan ng mga Kawikaan

Ang(A) mga kawikaan ni Solomon na anak ni David, hari ng Israel.

Sa pamamagitan nito, ang tao'y magtatamo ng karunungan at pang-unawa sa mga salitang puno ng aral sa buhay. Itinuturo nito ang matuwid na paraan ng pamumuhay, katuwiran, katarungan, at katapatan. Mabibigyan nito ng talino ang mga walang karanasan, at ang mga kabataa'y matuturuang magpasya nang tama. Sa pamamagitan nito, lalong tatalino ang matalino at magiging dalubhasa ang kakaunti ang kaalaman. Sa gayon, lubos nilang mauunawaan ang mga kawikaan, gayon din ang palaisipan ng mga marurunong.

Payo sa mga Kabataan

Ang(B) paggalang at pagsunod kay Yahweh ay pasimula ng karunungan,
    ngunit walang halaga sa mga mangmang ang aral at mga saway.

Santiago 3:13-18

Ang Karunungang Mula sa Diyos

13 Sino(A) sa inyo ang marunong at nakakaunawa? Ipakita niya ito sa pamamagitan ng wastong pamumuhay na bunga ng kapakumbabaan at karunungan. 14 Ngunit kung ang naghahari sa inyong puso ay inggit at makasariling hangarin, huwag ninyo iyang ipagmalaki at huwag ninyong ikaila ang katotohanan. 15 Ang ganyang karunungan ay hindi galing sa langit, kundi makalupa, makalaman at mula sa demonyo. 16 Sapagkat saanman naghahari ang inggit at makasariling hangarin, naghahari din doon ang kaguluhan at lahat ng uri ng masamang gawa.

17 Ngunit ang karunungang mula sa langit, una sa lahat, ay malinis, mapayapa, maamo, mapagbigay, punô ng awa, masaganang namumunga ng mabubuting gawa, hindi nagtatangi at hindi nagkukunwari. 18 Namumunga ng katuwiran ang binhi ng kapayapaang itinatanim ng taong maibigin sa kapayapaan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.