Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 69:1-3

Panalangin Upang Tulungan

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo”.

69 O Diyos! Iligtas mo, iahon sa tubig
    sa pagkalubog kong abot na sa leeg;
lumulubog ako sa burak at putik,
    at sa malalaking along nagngangalit.
Ako ay malat na sa aking pagtawag,
    ang lalamunan ko, damdam ko'y may sugat;
pati ang mata ko'y di na maidilat,
    sa paghihintay ko sa iyong paglingap.

Mga Awit 69:13-16

13 Ngunit sa ganang akin, ako'y dadalangin,
    sa iyo, O Yahweh, sana'y iyong dinggin sa mga panahon na iyong ibigin.
Dahil sa dakilang pag-ibig sa akin,
    ang iyong pangakong pagtubos ay gawin.
14 Iligtas mo ako, ako ay sagipin,
    sa putik na ito't tubig na malalim;
    sa mga kaaway, ako'y iligtas din.
15 Huwag mong tulutang ako ay maanod,
    o dalhin sa malalim at baka malunod;
    hahantong sa libing, ako pagkatapos.

16 Yahweh, sa buti mo't pag-ibig sa akin, sa aking pagtawag ako sana'y dinggin,
    sa pagkahabag mo, ako ay lingapin.

Mga Awit 69:30-36

30 Pupurihin ang Diyos, aking aawitan,
    dadakilain ko't pasasalamatan.
31 Sa ganitong diwa ika'y nalulugod, higit pa sa haing torong ihahandog,
    higit pa sa bakang ipagkakaloob.
32 Kung makita ito nitong mga dukha,
    sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
33 Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
    lingkod na bilanggo'y di nalilimutan.

34 Ang Diyos ay purihin ng langit at lupa,
    maging karagata't naroong nilikha!
35 Ang Lunsod ng Zion, kanyang ililigtas,
    bayang nasa Juda'y muling itatatag;
doon mananahan ang mga hinirang, ang lupain doo'y aariing tunay.
36     Magmamana nito'y yaong lahi nila,
    may pag-ibig sa Diyos ang doo'y titira.

Genesis 11:1-9

Ang Tore ng Babel

11 Sa simula'y iisa ang wika at magkakapareho ang mga salitang ginagamit ng lahat ng tao sa daigdig. Sa kanilang pagpapalipat-lipat sa silangan,[a] nakarating sila sa isang kapatagan sa Shinar at doon na nanirahan. Nagkaisa silang gumawa ng maraming tisa at lutuin itong mabuti para tumibay. Tisa ang ginagamit nilang bato at alkitran ang kanilang semento. Ang sabi nila, “Halikayo at magtayo tayo ng isang lunsod na may toreng abot sa langit upang maging tanyag tayo at huwag nang magkawatak-watak sa daigdig.”

Bumabâ si Yahweh upang tingnan ang lunsod at ang toreng itinayo ng mga tao. Sinabi niya, “Ngayon ay nagkakaisa silang lahat at iisa ang kanilang wika. Pasimula pa lamang ito ng mga binabalak nilang gawin. Hindi magtatagal at gagawin nila ang anumang kanilang magustuhan. Ang mabuti'y bumabâ tayo at guluhin ang kanilang wika upang hindi sila magkaintindihan.” At ginawa ni Yahweh na ang mga tao ay magkawatak-watak sa buong daigdig, kaya natigil ang pagtatayo ng lunsod. Babel[b] ang itinawag nila sa lunsod na iyon, sapagkat doo'y ginulo ni Yahweh ang wika ng mga tao. At mula roon, nagkawatak-watak ang mga tao sa buong daigdig dahil sa ginawa ni Yahweh.

Mateo 7:13-20

Ang Makipot na Pintuan(A)

13 “Pumasok(B) kayo sa makipot na pintuan. Sapagkat maluwang ang pintuan at malapad ang daang papunta sa kapahamakan, at ito ang dinaraanan ng marami. 14 Ngunit makipot ang pintuan at makitid ang daang papunta sa buhay, at kakaunti ang nakakatagpo niyon.”

Sa Gawa Makikilala(C)

15 “Mag-ingat kayo sa mga huwad na propeta. Lumalapit sila sa inyo na parang tupa, ngunit ang totoo'y mababangis na asong-gubat. 16 Makikilala(D) ninyo sila sa kanilang mga gawa. Mapipitas ba ang ubas sa puno ng dawag, o ang igos sa matitinik na halaman? 17 Mabuti ang bunga ng mabuting puno, subalit masama ang bunga ng masamang puno. 18 Hindi maaaring mamunga ng masama ang mabuting puno at hindi maaaring mamunga ng mabuti ang masamang puno. 19 Ang(E) bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy. 20 Kaya't(F) makikilala ninyo ang mga huwad na propeta sa pamamagitan ng kanilang mga gawa.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.