Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 6:9-22

Si Noe

Ito(A) ang kasaysayan ni Noe. Matuwid at mabuting tao si Noe noong kanyang kapanahunan. Namuhay siya ayon sa kalooban ng Diyos. 10 Siya'y may tatlong anak na lalaki, sina Shem, Ham at Jafet. 11 Maliban kay Noe, masasama ang lahat ng tao sa paningin ng Diyos at laganap ang karahasan sa lahat ng dako. 12 Ito ang kalagayang nakita ng Diyos sa buong daigdig; namumuhay sa kasamaan ang lahat ng tao.

Pinagawa ng Malaking Barko si Noe

13 Sinabi ng Diyos kay Noe, “Napagpasyahan ko nang lipulin ang lahat ng tao sa daigdig. Umabot na sa sukdulan ang kanilang kasamaan. Gugunawin ko sila kasama ng daigdig. 14 Kaya gumawa ka ng isang malaking barko na yari sa kahoy na sipres. Lagyan mo ito ng mga silid at pahiran mo ng alkitran ang loob at labas nito. 15 Ang barkong gagawin mo ay 135 metro ang haba, 22 metro ang luwang, at 13.5 metro ang taas. 16 Bubungan mo ito at lagyan ng kalahating metrong pagitan mula sa bubong[a] hanggang sa tagiliran. Gawin mong tatlong palapag ang barko at lagyan mo ng pintuan sa tagiliran. 17 Palulubugin ko sa tubig ang buong daigdig at malilipol ang lahat ng may buhay sa balat ng lupa. 18 Ngunit ako'y gagawa ng kasunduan natin: Isama mo ang iyong asawa at mga anak na lalaki, pati mga asawa nila, at pumasok kayo sa barko. 19 Magsakay ka ng isang lalaki at isang babae ng bawat uri ng hayop at ibon upang magpatuloy ang lahi nila. 20 Magsakay ka rin ng tig-iisang pares sa bawat uri ng ibon at hayop at mga gumagapang sa lupa upang magpatuloy rin ang lahi ng mga ito. 21 Maglaan ka ng lahat ng uri ng pagkain para sa inyo at sa kanila.” 22 At(B) ginawa nga ni Noe ang lahat ng iniutos sa kanya ng Diyos.

Genesis 7:24

24 Nagsimulang bumabâ ang tubig pagkatapos ng 150 araw.

Genesis 8:14-19

14 Nang ikadalawampu't pitong araw ng ikalawang buwan, tuyung-tuyo na ang lupa.

15 Sinabi ng Diyos kay Noe, 16 “Lumabas ka na sa barko kasama ng iyong asawa, mga anak at mga manugang. 17 Palabasin mo na rin ang lahat ng mga hayop na kasama mo—maamo at mailap, gumagapang at lumalakad sa lupa, at pati ang mga ibon. Hayaan mo silang dumami at manirahan sa buong daigdig.” 18 At lumabas na nga si Noe at ang kanyang asawa, mga anak at mga manugang. 19 Gayundin, sunud-sunod na lumabas ang lahat ng hayop, mailap at maamo, lahat ng gumagapang at lumalakad, pati ang mga ibon ayon sa kani-kanilang uri.

Mga Awit 46

Ang Diyos ay Sumasaatin

Katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Alamot[a]

46 Ang Diyos ang ating lakas at kanlungan,
    at handang saklolo kung may kaguluhan.
Di dapat matakot, mundo'y mayanig man,
    kahit na sa dagat ang bundok matangay;
kahit na magngalit yaong karagatan,
    at ang mga burol mayanig, magimbal. (Selah)[b]

May ilog ng galak sa bayan ng Diyos,
    sa banal na templo'y ligaya ang dulot.
Ang tahanang-lunsod ay di masisira;
    ito ang tahanan ng Diyos na Dakila,
    mula sa umaga ay kanyang alaga.
Nangingilabot din bansa't kaharian,
    sa tinig ng Diyos lupa'y napaparam.

Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan,
    ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan. (Selah)[c]

Anuman ang kanyang ginawa sa lupa,
    sapat nang pagmasdan at ika'y hahanga!
Maging pagbabaka ay napatitigil,
    sibat at palaso'y madaling sirain;
    baluting sanggalang ay kayang tupukin!
10 Sinasabi niya, “Ihinto ang labanan, ako ang Diyos, dapat ninyong malaman,
    kataas-taasan sa lahat ng bansa,
    sa buong sanlibuta'y pinakadakila.”

11 Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan;
    ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan! (Selah)[d]

Roma 1:16-17

Ang Kapangyarihan ng Magandang Balita

16 Hindi(A) ko ikinahihiya ang Magandang Balita, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa mga Judio at gayundin sa mga Griego. 17 Sapagkat(B) sa Magandang Balita ay ipinapakita kung paano itinutuwid ng Diyos ang kaugnayan ng tao sa kanya. Ito ay sa pamamagitan ng pananampalataya buhat sa simula hanggang sa wakas. Tulad ng sinasabi sa Kasulatan, “Ang itinuring ng Diyos na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.”[a]

Roma 3:22-28

22 Ginagawang matuwid ng Diyos ang lahat sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya kay Jesu-Cristo. Walang pagkakaiba ang mga tao, 23 sapagkat ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. 24 Ngunit dahil sa kanyang kagandahang-loob na walang bayad niyang ibinigay, sila ay itinuring na matuwid sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang nagpapalaya sa kanila. 25 Siya ang inialay ng Diyos bilang handog, upang sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang kasalanan ng lahat ng sumasampalataya sa kanya. Ginawa ito ng Diyos upang patunayang siya'y matuwid, sapagkat noong unang panahon ay nagtimpi siya at pinagtiisan ang mga kasalanang nagawa ng mga tao. 26 Ngunit ngayon ay ipinapakita ng Diyos na siya'y matuwid at itinuturing niyang matuwid ang mga sumasampalataya kay Jesus.

27 Kaya't ano ngayon ang ating maipagmamalaki? Wala! At bakit naman tayo magmamalaki? Dahil ba sa ating pagsunod sa Kautusan? Hindi! Kundi dahil sa ating pananampalataya kay Cristo. 28 Kung gayon, maliwanag na sa pamamagitan ng pananampalataya itinuturing na matuwid ang tao, at hindi sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan.

Roma 3:29-31

29 Ang Diyos ba'y Diyos lamang ng mga Judio? Hindi ba't Diyos din siya ng mga Hentil? Oo, siya'y Diyos din ng mga Hentil, 30 sapagkat(A) iisa lamang ang Diyos. Kapwa niya ituturing na matuwid ang mga Judio at mga Hentil batay sa kanilang pananampalataya. 31 Pinapawalang-saysay ba namin ang Kautusan dahil sa pananampalatayang ito? Hinding-hindi! Sa halip, pinapagtibay pa nga namin ito.

Mateo 7:21-29

Hindi Ko Kayo Kilala(A)

21 “Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang mga taong sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit. 22 Sa Araw ng Paghuhukom marami ang magsasabi sa akin, ‘Panginoon, hindi po ba't sa iyong pangalan ay nangaral kami, nagpalayas ng mga demonyo at gumawa ng mga himala?’ 23 Ngunit(B) sasabihin ko sa kanila, ‘Hindi ko kayo kilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan.’”

Sa Bato o sa Buhanginan?(C)

24 “Kaya't ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay maitutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay na ang pundasyon ay bato. 25 Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo iyon sa bato. 26 Ang bawat nakikinig ng aking salita ngunit hindi naman nagsasagawa ng mga ito ay maitutulad naman sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan. 27 Umulan nang malakas, bumaha at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Ito ay bumagsak at lubusang nawasak.”

Ang Kapangyarihan ni Jesus

28 Namangha(D) kay Jesus ang mga tao nang kanilang marinig ang kanyang pagtuturo 29 sapagkat nagturo siya nang may kapangyarihan, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.