Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Tulungan
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo”.
69 O Diyos! Iligtas mo, iahon sa tubig
sa pagkalubog kong abot na sa leeg;
2 lumulubog ako sa burak at putik,
at sa malalaking along nagngangalit.
3 Ako ay malat na sa aking pagtawag,
ang lalamunan ko, damdam ko'y may sugat;
pati ang mata ko'y di na maidilat,
sa paghihintay ko sa iyong paglingap.
13 Ngunit sa ganang akin, ako'y dadalangin,
sa iyo, O Yahweh, sana'y iyong dinggin sa mga panahon na iyong ibigin.
Dahil sa dakilang pag-ibig sa akin,
ang iyong pangakong pagtubos ay gawin.
14 Iligtas mo ako, ako ay sagipin,
sa putik na ito't tubig na malalim;
sa mga kaaway, ako'y iligtas din.
15 Huwag mong tulutang ako ay maanod,
o dalhin sa malalim at baka malunod;
hahantong sa libing, ako pagkatapos.
16 Yahweh, sa buti mo't pag-ibig sa akin, sa aking pagtawag ako sana'y dinggin,
sa pagkahabag mo, ako ay lingapin.
30 Pupurihin ang Diyos, aking aawitan,
dadakilain ko't pasasalamatan.
31 Sa ganitong diwa ika'y nalulugod, higit pa sa haing torong ihahandog,
higit pa sa bakang ipagkakaloob.
32 Kung makita ito nitong mga dukha,
sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
33 Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
lingkod na bilanggo'y di nalilimutan.
34 Ang Diyos ay purihin ng langit at lupa,
maging karagata't naroong nilikha!
35 Ang Lunsod ng Zion, kanyang ililigtas,
bayang nasa Juda'y muling itatatag;
doon mananahan ang mga hinirang, ang lupain doo'y aariing tunay.
36 Magmamana nito'y yaong lahi nila,
may pag-ibig sa Diyos ang doo'y titira.
Ang Angkan ni Cain
17 Sinipingan ni Cain ang kanyang asawa, nagdalang-tao ito at nagkaanak ng isang lalaki na pinangalanang Enoc. Pagkatapos, nagtayo si Cain ng isang lunsod at ito'y tinawag na Enoc, bilang alaala sa kanyang anak. 18 Si Enoc ang ama ni Irad na ama ni Mehujael. Anak naman nito si Metusael na ama ni Lamec. 19 Nag-asawa si Lamec ng dalawa, sina Ada at Zilla. 20 Naging anak ni Ada si Jabal, ang ninuno ng mga nagpapastol ng mga baka at ng mga tumitira sa tolda. 21 Kapatid nito si Jubal na siya namang ninuno ng mga manunugtog ng alpa at plauta. 22 Naging anak naman ni Zilla si Tubal-cain na ninuno ng lahat ng panday ng mga kagamitang tanso at bakal. Si Tubal-cain ay may kapatid na babae, si Naama. 23 Sinabi ni Lamec sa dalawa niyang asawa:
“Dinggin ninyo itong aking sasabihin,
Ada at Zilla, mga asawa kong giliw;
may pinatay akong isang kabataan,
sapagkat ako'y kanyang sinugatan.
24 Kung saktan si Cain, ang parusang gawad sa gagawa nito'y pitong patong agad;
ngunit kapag ako ang siyang sinaktan, pitumpu't pitong patong ang kaparusahan.”
Ang Angkan ni Set
25 Muling sinipingan ni Adan ang kanyang asawa, at ito'y nanganak ng isa pang lalaki. Sinabi ng ina, “Binigyan ako ng Diyos ng kapalit ni Abel na pinatay ni Cain;” at ito'y tinawag niyang Set.[a] 26 Si Set ang ama ni Enos. Noon nagsimulang tumawag sa pangalan ni Yahweh ang mga tao sa kanilang pagsamba.
Ang Lahi ni Adan(A)
5 Ito(B) ang kasaysayan ng lahi na mula kay Adan. Nang likhain ng Diyos ang tao, ginawa niya ito ayon sa kanyang larawan. 2 Sila'y(C) nilikha niya na lalaki at babae, at matapos pagpalain, sila'y tinawag niyang “Sangkatauhan”.[b] 3 Si Adan ay 130 taon nang maging anak niya si Set na kanyang kalarawan. 4 Nabuhay pa siya nang walong daang taon, at nagkaroon pa ng mga anak na lalaki't babae. 5 Namatay siya sa gulang na 930 taon.
Walang Sinumang Matuwid
9 Ano ngayon? Ang kalagayan ba nating mga Judio ay mas mabuti[a] kaysa sa mga Hentil? Hindi! Tulad nga ng aming napatunayan na ang lahat ng tao ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan, maging Judio o Hentil man. 10 Ayon(A) sa nasusulat,
“Walang matuwid, wala kahit isa.
11 Walang nakakaunawa,
walang naghahanap sa Diyos.
12 Ang lahat ay lumihis ng landas at nagpakasama.
Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa.”
13 “Parang(B) bukás na libingan ang kanilang lalamunan;
pananalita nila'y pawang panlilinlang.
Ang labi nila'y may kamandag ng ahas.”
14 “Punô(C) ng pagmumura at masasakit na salita ang kanilang bibig.”
15 “Wala silang atubili sa pagpatay ng kapwa.
16 Parang dinaanan ng salot ang kanilang madaanan,
17 hindi nila alam ang daan ng kapayapaan.”
18 “Hindi(D) sila marunong matakot sa Diyos.”
19 Alam natin na anumang sinasabi ng Kautusan ay sinasabi sa mga nasasakop nito upang walang maidahilan ang sinuman, at dahil dito'y mananagot ang lahat sa Diyos. 20 Walang(E) taong mapapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, sapagkat ang ginagawa ng Kautusan ay ang ipaalam sa tao na siya'y nagkasala.
Ang Pagpapawalang-sala ng Diyos sa Tao
21 Ngunit ngayo'y nahayag na kung paano ginagawang matuwid ng Diyos ang tao. Ito'y hindi sa pamamagitan ng Kautusan; bagaman ang Kautusan at ang mga Propeta ang nagpapatotoo tungkol dito. 22 Ginagawang matuwid ng Diyos ang lahat sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya kay Jesu-Cristo. Walang pagkakaiba ang mga tao,
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.