Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
18 Ito ang sabi niya:
“Ilibing mo na sa limot, at huwag nang alalahanin pa,
ang mga nangyari noong unang panahon.
19 Masdan mo, ako ay gagawa ng isang bagong bagay;
ito'y nagaganap na, hindi mo pa ba makita?
Gagawa ako ng isang daanan sa gitna ng disyerto,
at magkakaroon ng ilog sa lugar na ito.
20 Pararangalan ako maging ng mababangis na hayop
gaya ng mga asong-gubat at mga ostrits,
sapagkat nagpabukal ako ng tubig sa disyerto,
upang may mainom ang mga taong hinirang ko.
21 Nilalang ko sila upang maging aking bayan,
upang ako'y kanilang laging papurihan!”
Ang Kasalanan ng Israel
22 Sinabi ni Yahweh,
“Ngunit ikaw, Israel, ang lumimot sa akin;
at ayaw mo na akong sambahin.
23 Hindi ka na nagdadala ng mga tupang sinusunog bilang handog;
hindi mo na ako pinaparangalan sa pamamagitan ng iyong mga hain.
Hindi kita pinilit na maghandog sa akin,
o pinahirapan man sa pagsusunog ng insenso.
24 Hindi mo ako ibinili ng mabangong insenso
o kaya'y hinandugan man lang ng taba ng hayop.
Sa halip ay gumawa ka ng maraming kasalanan,
pinahirapan mo ako sa iyong kasamaan.
25 “Gayunman, ako ang Diyos
na nagpatawad sa iyong mga kasalanan;
hindi ko na aalalahanin pa ang iyong mga kasalanan.
Panalangin ng Isang Maysakit
Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
41 Mapalad ang isang taong tumutulong sa mahirap,
si Yahweh ang kakalinga kung siya nama'y mabagabag.
2 Buhay niya'y iingatan, si Yahweh lang ang may hawak,
sa kamay man ng kaaway, hindi siya masasadlak,
at doon sa bayan niya'y ituturing na mapalad.
3 Si Yahweh rin ang tutulong kung siya ay magkasakit,
ang nanghina niyang lakas ay ganap na ibabalik.
4 Ang pahayag ko kay Yahweh, “Tunay akong nagkasala,
iyo akong pagalingin, sa akin ay mahabag ka!”
5 Yaong mga kaaway ko, ang palaging binabadya,
“Kailan ka mamamatay, ganap na mawawala?”
6 Yaong mga dumadalaw sa akin ay hindi tapat;
ang balitang masasama ang palaging sinasagap,
at saan ma'y sinasabi upang ako ay mawasak.
7 Ang lahat ng namumuhi'y ang lagi nilang usapan,
ako raw ay ubod sama, ang panabi sa bulungan.
8 Ang sakit ko, sabi nila, ay wala nang kagamutan,
hindi na makakabangon sa banig ng karamdaman.
9 Lubos(A) akong nagtiwala sa tapat kong kaibigan
kasalo ko sa tuwina, karamay sa anuman;
ngunit ngayon, lubos siyang naging taksil na kalaban.
10 Sa akin ay mahabag ka, Yahweh, ako'y kaawaan;
ibalik mo ang lakas ko't kaaway ko'y babalingan.
11 Kung ikaw ay nalulugod, ganito ko malalaman,
sa aki'y di magwawagi kahit sino ang kaaway.
12 Tulungan mo ako ngayon, yamang ako'y naging tapat.
Sa piling mo ay patuloy na ingatan akong ganap.
13 Purihin(B) si Yahweh, ang Diyos ng Israel!
Purihin siya, ngayon at magpakailanman!
Amen! Amen!
18 Kung paanong ang Diyos ay tapat, gayundin ang aming salita sa inyo ay “Oo” kung “Oo” at “Hindi” kung “Hindi”. 19 Ang(A) Anak ng Diyos, na si Jesu-Cristo, na ipinangaral namin nina Silvano at Timoteo, ay hindi “Oo” at “Hindi” dahil lagi siyang “Oo,” 20 sapagkat kay Cristo, ang lahat ng pangako ng Diyos ay palaging “Oo”. Dahil dito, nakakasagot tayo ng “Amen” sa pamamagitan niya para sa ikaluluwalhati ng Diyos. 21 Ang Diyos ang nagpapatibay sa amin at sa inyo sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo, at siya rin ang humirang sa amin. 22 Nilagyan niya kami ng kanyang tatak at pinagkalooban ng kanyang Espiritu bilang patunay na tutuparin niya ang kanyang mga ipinangako.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko(A)
2 Pagkalipas ng ilang araw, bumalik si Jesus sa Capernaum at kumalat ang balitang siya'y nasa bahay. 2 Nagkatipon doon ang napakaraming tao, kaya't halos wala nang mapwestuhan kahit sa labas ng pintuan. Habang nangangaral si Jesus, 3 may dumating na apat na taong may dalang isang paralitiko. 4 Hindi nila mailapit ang paralitiko kay Jesus dahil sa dami ng tao, kaya't binakbak nila ang bubong sa tapat niya at ibinabâ ang paralitikong nakaratay sa higaan. 5 Nang makita ni Jesus kung gaano kalaki ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, pinatawad na ang mga kasalanan mo.”
6 May nakaupo roong ilang tagapagturo ng Kautusan na nag-isip nang ganito: 7 “Bakit siya nagsasalita nang ganoon? Nilalapastangan niya ang Diyos! Hindi ba't ang Diyos lamang ang makakapagpatawad ng kasalanan?”
8 Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya agad, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? 9 Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa paralitiko, ‘Pinapatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ang sabihing, ‘Tumayo ka, bitbitin mo ang iyong higaan at lumakad ka’? 10 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan…” sinabi niya sa paralitiko, 11 “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!”
12 Tumayo nga ang paralitiko habang nakatingin ang lahat. Kaagad niyang binuhat ang kanyang higaan at umalis, kaya ang lahat ng naroroon ay namangha. Sila ay nagpuri sa Diyos at sinabi nila, “Kailanma'y hindi pa kami nakakita ng ganito!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.