Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Isang Maysakit
Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
41 Mapalad ang isang taong tumutulong sa mahirap,
si Yahweh ang kakalinga kung siya nama'y mabagabag.
2 Buhay niya'y iingatan, si Yahweh lang ang may hawak,
sa kamay man ng kaaway, hindi siya masasadlak,
at doon sa bayan niya'y ituturing na mapalad.
3 Si Yahweh rin ang tutulong kung siya ay magkasakit,
ang nanghina niyang lakas ay ganap na ibabalik.
4 Ang pahayag ko kay Yahweh, “Tunay akong nagkasala,
iyo akong pagalingin, sa akin ay mahabag ka!”
5 Yaong mga kaaway ko, ang palaging binabadya,
“Kailan ka mamamatay, ganap na mawawala?”
6 Yaong mga dumadalaw sa akin ay hindi tapat;
ang balitang masasama ang palaging sinasagap,
at saan ma'y sinasabi upang ako ay mawasak.
7 Ang lahat ng namumuhi'y ang lagi nilang usapan,
ako raw ay ubod sama, ang panabi sa bulungan.
8 Ang sakit ko, sabi nila, ay wala nang kagamutan,
hindi na makakabangon sa banig ng karamdaman.
9 Lubos(A) akong nagtiwala sa tapat kong kaibigan
kasalo ko sa tuwina, karamay sa anuman;
ngunit ngayon, lubos siyang naging taksil na kalaban.
10 Sa akin ay mahabag ka, Yahweh, ako'y kaawaan;
ibalik mo ang lakas ko't kaaway ko'y babalingan.
11 Kung ikaw ay nalulugod, ganito ko malalaman,
sa aki'y di magwawagi kahit sino ang kaaway.
12 Tulungan mo ako ngayon, yamang ako'y naging tapat.
Sa piling mo ay patuloy na ingatan akong ganap.
13 Purihin(B) si Yahweh, ang Diyos ng Israel!
Purihin siya, ngayon at magpakailanman!
Amen! Amen!
Mga Sugo mula sa Babilonia(A)
39 Nabalitaan ni Merodac-Baladan na hari ng Babilonia, na anak ni Baladan, na si Hezekias ay gumaling sa kanyang karamdaman. Bilang pagbati, nagpadala siya roon ng mga sugong may dalang sulat at regalo. 2 Labis itong ikinagalak ni Hezekias at sa katuwaa'y ipinakita niya sa mga ito ang lahat niyang kayamanan at ari-arian. Ipinakita niya ang mga itinagong pilak, ginto, mga pabango, mamahaling langis, at ang mga sandata sa arsenal. Kaya lahat ng taguan ng kanyang mga kayamanan ay nakita ng mga sugo. 3 Nang dumating si Isaias, tinanong niya si Haring Hezekias, “Saan ba nanggaling ang mga taong ito? Anong sinabi nila sa iyo?” Sumagot ang hari, “Sa malayong lugar sila nanggaling; buhat pa sila sa Babilonia.” 4 Nagtanong na muli si Isaias, “Ano naman ang nakita nila sa inyong palasyo?” Sinabi ng hari, “Lahat ng ari-arian ko sa palasyo, pati ang laman ng mga bodega.”
5 Dahil dito'y sinabi ni Isaias, “Pakinggan ninyo ang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: 6 ‘Darating ang panahon na ang lahat ng ari-arian ninyo, pati ang tinipon ng inyong mga ninuno ay dadalhin sa Babilonia; walang matitira sa mga iyon!’ 7 Pati(B) ang iyong salinlahi na ipapanganak pa lamang ay dadalhin sa Babilonia at gagawin nilang mga eunuko sa palasyo ng hari.” 8 “Ang sinabi mong iyan buhat kay Yahweh ay mabuti,” sagot ni Hezekias. Sinabi niya ito sapagkat iniisip niyang magkakaroon ng kapayapaan at kasaganaan habang siya'y nabubuhay.
Pinagaling ni Jesus ang Maraming Tao(A)
38 Si Jesus ay umalis sa sinagoga at nagpunta sa bahay ni Simon. Nagkataong ang biyenan ni Simon ay may mataas na lagnat kaya't nakiusap sila kay Jesus na ito'y pagalingin. 39 Tumayo si Jesus sa tabi ng higaan ng babae at iniutos na mawala ang lagnat, at ito'y nawala nga. Kaagad namang tumayo ang babae at naglingkod sa kanila.
40 Pagkalubog ng araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng mga kasamahan nilang maysakit, anuman ang karamdaman ng mga ito. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa bawat isa, at silang lahat ay gumaling. 41 Lumabas sa marami ang mga demonyo, na sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit sinaway sila ni Jesus at hindi pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila na siya ang Cristo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.