Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 41

Panalangin ng Isang Maysakit

Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

41 Mapalad ang isang taong tumutulong sa mahirap,
    si Yahweh ang kakalinga kung siya nama'y mabagabag.
Buhay niya'y iingatan, si Yahweh lang ang may hawak,
    sa kamay man ng kaaway, hindi siya masasadlak,
    at doon sa bayan niya'y ituturing na mapalad.
Si Yahweh rin ang tutulong kung siya ay magkasakit,
    ang nanghina niyang lakas ay ganap na ibabalik.

Ang pahayag ko kay Yahweh, “Tunay akong nagkasala,
    iyo akong pagalingin, sa akin ay mahabag ka!”
Yaong mga kaaway ko, ang palaging binabadya,
    “Kailan ka mamamatay, ganap na mawawala?”
Yaong mga dumadalaw sa akin ay hindi tapat;
    ang balitang masasama ang palaging sinasagap,
    at saan ma'y sinasabi upang ako ay mawasak.
Ang lahat ng namumuhi'y ang lagi nilang usapan,
    ako raw ay ubod sama, ang panabi sa bulungan.
Ang sakit ko, sabi nila, ay wala nang kagamutan,
    hindi na makakabangon sa banig ng karamdaman.
Lubos(A) akong nagtiwala sa tapat kong kaibigan
    kasalo ko sa tuwina, karamay sa anuman;
    ngunit ngayon, lubos siyang naging taksil na kalaban.

10 Sa akin ay mahabag ka, Yahweh, ako'y kaawaan;
    ibalik mo ang lakas ko't kaaway ko'y babalingan.
11 Kung ikaw ay nalulugod, ganito ko malalaman,
    sa aki'y di magwawagi kahit sino ang kaaway.
12 Tulungan mo ako ngayon, yamang ako'y naging tapat.
    Sa piling mo ay patuloy na ingatan akong ganap.

13 Purihin(B) si Yahweh, ang Diyos ng Israel!
Purihin siya, ngayon at magpakailanman!

    Amen! Amen!

2 Cronica 7:12-22

12 Isang gabi, nagpakita sa kanya si Yahweh at sinabi sa kanya: “Narinig ko ang iyong panalangin at tinatanggap ko ang lugar na ito upang dito ninyo ako handugan. 13 Isara ko man ang langit at hindi na umulan; utusan ko man ang mga balang upang salantain ang lupaing ito; magpadala man ako ng salot sa aking bayan, 14 ngunit kung ang bayang ito na nagtataglay ng aking karangalan ay magpakumbaba, manalangin, hanapin ako at talikuran ang kanilang kasamaan, papakinggan ko sila mula sa langit. Patatawarin ko sila sa kanilang mga kasalanan at muli kong pasasaganain ang kanilang lupain. 15 Babantayan ko sila at papakinggan ko ang mga panalanging iniaalay nila rito. 16 Pinili ko at iniuukol ang Templong ito upang dito ako sambahin magpakailanman. Lagi kong babantayan at mamahalin ang Templong ito magpakailanman. 17 Kung mananatili kang tapat sa akin gaya ng iyong amang si David, kung susundin mo ang lahat kong mga utos at tuntunin, 18 patatatagin(A) ko ang iyong paghahari. Tulad ng pangako ko sa iyong amang si David, hindi siya mawawalan ng anak na lalaki na maghahari sa Israel.

19 “Ngunit kapag tinalikuran ninyo ako at sinuway ninyo ang mga batas at mga utos na ibinigay ko sa inyo, at sumamba kayo at naglingkod sa ibang mga diyos, 20 palalayasin ko kayo sa lupaing ito na ibinigay ko sa inyo. Iiwan ko ang Templong ito na inilaan ko upang dito ako sambahin. Pagtatawanan ito at lalapastanganin ng mga bansa. 21 Ang mapapadaan sa tapat ng Templong ito na ngayo'y dinadakila ay mapapailing at magtatanong: ‘Bakit kaya ganito ang ginawa ni Yahweh sa lupaing ito at sa Templong ito?’ 22 Ito naman ang isasagot sa kanila: ‘Sapagkat tinalikuran nila si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, na naglabas sa kanila sa Egipto. Bumaling sila sa ibang mga diyos at ang mga ito ang kanilang sinamba at pinaglingkuran. Kaya pinarusahan sila ng ganito ni Yahweh.’”

3 Juan 2-8

Mahal kong kaibigan, idinadalangin kong ikaw sana'y nasa mabuting kalagayan at malusog ang katawan, tulad ng iyong buhay espirituwal. Tuwang-tuwa ako nang dumating ang ilang kapatid at ibalitang ikaw ay tapat sa katotohanan at talagang namumuhay ayon dito. Wala nang higit na makapagpapaligaya sa akin kundi ang marinig ang balitang namumuhay ayon sa katotohanan ang aking mga anak.

Pinarangalan si Gayo

Mahal kong kaibigan, tapat ang iyong paglilingkod sa mga kapatid, kahit sa mga hindi mo kilala. May mga nagbalita sa iglesya rito tungkol sa iyong pag-ibig. Sana'y tulungan mo sila sa kanilang paglalakbay, gaya ng nararapat gawin sa mga lingkod ng Diyos, sapagkat naglalakbay sila sa pangalan ni Cristo at hindi tumatanggap ng anumang tulong mula sa mga hindi sumasampalataya sa Diyos. Dapat natin silang tulungan upang tayo'y makabahagi sa kanilang gawain para sa katotohanan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.