Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 38

Dalangin ng Taong Dumaranas ng Hirap

38 Panginoon, sa inyong galit, huwag nʼyo akong patuloy na parusahan.
Para bang pinalo nʼyo ako at pinana.
Dahil sa galit nʼyo sa akin, nanlulupaypay ang aking katawan.
    Sumasakit ang buong katawan ko dahil sa aking mga kasalanan.
Parang nalulunod na ako sa nag-uumapaw kong kasalanan.
    Itoʼy para bang pasanin na hindi ko na makayanan.
Dahil sa aking kamangmangan ang aking mga sugat ay namamaga at nangangamoy.
Akoʼy namimilipit sa sobrang sakit at lubos ang kalungkutan ko buong araw.
Sumasakit ang buo kong katawan,
    at bumagsak na rin ang aking kalusugan.
Akoʼy pagod na at nanghihina pa,
    at dumadaing din ako dahil sa sobrang bigat ng aking kalooban.
Panginoon, alam nʼyo ang lahat kong hinahangad,
    at naririnig nʼyo ang lahat kong mga daing.
10 Kumakabog ang aking dibdib at nawawalan ako ng lakas;
    pati ang ningning ng aking mga mata ay nawala na.
11 Dahil sa aking karamdaman,
    akoʼy iniwasan ng aking mga kaibigan, kasamahan,
    at maging ng aking mga kamag-anak.
12 Ang mga tao na gustong pumatay sa akin ay naglalagay ng bitag upang akoʼy hulihin.
    Ang mga gustong manakit sa akin ay nag-uusap na akoʼy ipahamak.
    Buong araw silang nagpaplano ng kataksilan.

13 Ngunit para akong pipi at bingi na hindi nakaririnig at hindi nakapagsasalita.
14 Nagbibingi-bingihan ako at hindi sumasagot sa kanila.
15 Dahil naghihintay pa rin ako sa inyo, Panginoon.
    Kayo, Panginoon na aking Dios, sasagutin nʼyo ako.
16 Kayaʼt hinihiling ko sa inyo:
    “Huwag nʼyong payagan na matuwa ang aking mga kaaway
    o kayaʼy magmalaki kapag akoʼy natumba.”
17 Akoʼy parang babagsak na
    sa walang tigil na paghihirap.
18 Kaya inihahayag ko ang aking kasalanan na nagpapahirap sa akin.

19 Tungkol naman sa aking mga kaaway, napakarami at napakalakas nila.
    Kinamumuhian nila ako ng walang dahilan.
20 Sa mabuti kong ginawa,
    sinusuklian nila ako ng masama.
    At kinakalaban nila ako
    dahil nagsisikap akong gumawa ng mabuti.

21 Panginoon kong Dios, huwag nʼyo akong pababayaan;
    huwag nʼyo akong lalayuan.
22 Panginoon kong Tagapagligtas, agad nʼyo po akong tulungan.

Panaghoy 5

Panginoon, alalahanin nʼyo po ang nangyari sa amin. Masdan nʼyo ang dinanas naming kahihiyan. Kinuha ng mga dayuhan ang mga lupaʼt bahay namin. Naulila kami sa ama, kaya nabiyuda ang aming mga ina. Kinakailangang bayaran pa namin ang tubig na aming iniinom at ang kahoy na aming ipinanggagatong. Pinagtatrabaho kaming parang mga hayop at hindi man lang pinagpapahinga. Nagpasakop kami sa mga taga-Egipto at Asiria para magkaroon ng pagkain. Ang mga ninuno naming patay na ang nagkasala pero kami ngayon ang nagdurusa dahil sa kanilang kasalanan. Napailalim kami sa mga alipin at walang makapagligtas sa amin mula sa kanilang mga kamay. Sa paghahanap namin ng pagkain, nanganib ang aming mga buhay sa mga armadong tao sa disyerto. 10 Nilalagnat kami dahil sa matinding gutom, at ang aming katawan ay kasing init ng pugon. 11 Pinagsamantalahan ang mga asawa namin sa Jerusalem at ang mga anak naming babae sa mga bayan ng Juda. 12 Ibinitin sa pamamagitan ng pagtali sa kamay ang aming mga tagapamahala at hindi iginalang ang aming matatanda. 13 Ang aming mga kabataang lalaki ay parang aliping sapilitang pinagtrabaho sa mga gilingan at ang mga batang lalaki ay nagkandasuray-suray sa pagpasan ng mabibigat na kahoy. 14 Ang matatanda ay hindi na umuupo sa mga pintuan ng lungsod para magbigay ng payo at ang mga kabataang lalaki ay hindi na tumutugtog ng musika. 15 Wala na kaming kagalakan. Sa halip na magsayaw, nagdadalamhati kami. 16 Wala na rin kaming karangalan. Nakakaawa kami dahil kami ay nagkasala. 17 Dahil dito, nasasaktan ang aming damdamin at nagdidilim ang aming paningin. 18 Dahil napakalungkot na ng Jerusalem at mga asong-gubat na lamang ang gumagala rito.

19 O Panginoon, maghahari kayo magpakailanman. Ang inyong paghahari ay magpapatuloy sa lahat ng salinlahi. 20 Bakit palagi nʼyo kaming kinakalimutan? Bakit kay tagal nʼyo kaming pinabayaan? 21 Ibalik nʼyo kami sa inyo, at kami ay babalik. Ibalik nʼyo kami sa dati naming kalagayan. 22 Talaga bang sobra na ang galit nʼyo sa amin kaya itinakwil nʼyo na kami?

Juan 5:19-29

Ang Kapangyarihan ng Anak ng Dios

19 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ako na Anak ng Dios ay walang magagawa kung sa sarili ko lang, kundi ginagawa ko lang ang nakikita ko na ginagawa ng aking Ama. Kaya kung ano ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ko bilang Anak. 20 Minamahal ng Ama ang Anak, kaya ipinapakita niya sa Anak ang lahat ng ginagawa niya. At higit pa sa mga bagay na ito ang mga gawaing ipapakita niya sa akin na gagawin ko para mamangha kayo. 21 Kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at binibigyang-buhay ang mga ito, ganoon din naman, binibigyang-buhay ng Anak ang sinumang gusto niyang bigyan nito. 22 Hindi ang Ama ang hahatol sa mga tao kundi ako na kanyang Anak, dahil ibinigay niya sa akin ang lahat ng kapangyarihang humatol, 23 upang parangalan ng lahat ang Anak tulad ng pagpaparangal nila sa Ama. Kaya, ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi rin nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa kanya.

24 “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sumusunod sa aking mga salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan sapagkat inilipat na nga siya sa buhay mula sa kamatayan. 25 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, darating ang panahon, at dumating na nga, na maririnig ng mga patay ang salita[a] ng Anak ng Dios, at ang makinig sa kanya ay mabubuhay. 26 May kapangyarihan ang Ama na magbigay ng buhay. Ganoon din naman, may kapangyarihan ako na kanyang Anak na magbigay ng buhay, dahil binigyan niya ako ng kapangyarihang ito. 27 Ibinigay din niya sa akin ang kapangyarihang humatol dahil ako ang Anak ng Tao. 28 Huwag kayong magtaka tungkol dito, dahil darating ang panahon na maririnig ng lahat ng patay ang aking salita, 29 at babangon sila mula sa kanilang libingan. Ang mga gumawa ng mabuti ay bibigyan ng buhay na walang hanggan, at ang mga gumawa ng masama ay parurusahan.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®