Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Dalangin ng Taong Dumaranas ng Hirap
38 Panginoon, sa inyong galit, huwag nʼyo akong patuloy na parusahan.
2 Para bang pinalo nʼyo ako at pinana.
3 Dahil sa galit nʼyo sa akin, nanlulupaypay ang aking katawan.
Sumasakit ang buong katawan ko dahil sa aking mga kasalanan.
4 Parang nalulunod na ako sa nag-uumapaw kong kasalanan.
Itoʼy para bang pasanin na hindi ko na makayanan.
5 Dahil sa aking kamangmangan ang aking mga sugat ay namamaga at nangangamoy.
6 Akoʼy namimilipit sa sobrang sakit at lubos ang kalungkutan ko buong araw.
7 Sumasakit ang buo kong katawan,
at bumagsak na rin ang aking kalusugan.
8 Akoʼy pagod na at nanghihina pa,
at dumadaing din ako dahil sa sobrang bigat ng aking kalooban.
9 Panginoon, alam nʼyo ang lahat kong hinahangad,
at naririnig nʼyo ang lahat kong mga daing.
10 Kumakabog ang aking dibdib at nawawalan ako ng lakas;
pati ang ningning ng aking mga mata ay nawala na.
11 Dahil sa aking karamdaman,
akoʼy iniwasan ng aking mga kaibigan, kasamahan,
at maging ng aking mga kamag-anak.
12 Ang mga tao na gustong pumatay sa akin ay naglalagay ng bitag upang akoʼy hulihin.
Ang mga gustong manakit sa akin ay nag-uusap na akoʼy ipahamak.
Buong araw silang nagpaplano ng kataksilan.
13 Ngunit para akong pipi at bingi na hindi nakaririnig at hindi nakapagsasalita.
14 Nagbibingi-bingihan ako at hindi sumasagot sa kanila.
15 Dahil naghihintay pa rin ako sa inyo, Panginoon.
Kayo, Panginoon na aking Dios, sasagutin nʼyo ako.
16 Kayaʼt hinihiling ko sa inyo:
“Huwag nʼyong payagan na matuwa ang aking mga kaaway
o kayaʼy magmalaki kapag akoʼy natumba.”
17 Akoʼy parang babagsak na
sa walang tigil na paghihirap.
18 Kaya inihahayag ko ang aking kasalanan na nagpapahirap sa akin.
19 Tungkol naman sa aking mga kaaway, napakarami at napakalakas nila.
Kinamumuhian nila ako ng walang dahilan.
20 Sa mabuti kong ginawa,
sinusuklian nila ako ng masama.
At kinakalaban nila ako
dahil nagsisikap akong gumawa ng mabuti.
21 Panginoon kong Dios, huwag nʼyo akong pababayaan;
huwag nʼyo akong lalayuan.
22 Panginoon kong Tagapagligtas, agad nʼyo po akong tulungan.
Ang Kautusan ng Panginoon ay Magbibigay ng Kapayapaan(A)
4 Sa mga huling araw, ang bundok na kinatatayuan ng templo ng Panginoon ay magiging pinakamahalaga sa lahat ng bundok. Dadagsa rito ang mga tao mula sa ibaʼt ibang bansa. 2 Sasabihin nila, “Tayo na sa bundok ng Panginoon, sa templo ng Dios ni Jacob. Tuturuan niya tayo roon ng kanyang mga pamamaraan upang sundin natin.”
Kaya magsisiuwi ang mga tao mula sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem, na dala ang Kautusan ng Panginoon. 3 At sa pamamagitan ng mga kautusan niya, pagkakasunduin niya ang maraming bansa, pati na ang mga makapangyarihang bansa sa malayo. Kaya hindi na magdidigmaan ang mga bansa, at hindi na rin sila magsasanay ng mga sundalo para sa digmaan. Gagawin na lang nilang talim ng araro ang kanilang mga espada, at gagawing karit na pantabas ang kanilang mga sibat. 4 Ang bawat tao ay uupo sa ilalim ng kanilang tanim na ubas at puno ng igos nang walang kinatatakutan. Mangyayari ito, dahil sinabi mismo ng Panginoong Makapangyarihan. 5 Kahit na sumunod ang mga tao sa mga dios-diosan nila, kami ay patuloy pa ring susunod sa Panginoon na aming Dios magpakailanman.
Babalik ang mga Israelita sa Kanilang Bayan
6-7 Sinabi ng Panginoon, “Sa darating na mga araw, titipunin ko ang aking mga mamamayan na aking pinarusahan, na parang mga tupang pilay at nagsipangalat. Ang mga natira sa kanila ay gagawin kong makapangyarihang bansa. At mula sa araw na iyon ay maghahari ako sa kanila sa Bundok ng Zion magpakailanman.
1 Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios, kasama si Timoteo na ating kapatid.
Mahal kong mga kapatid sa iglesya[a] ng Dios diyan sa Corinto, kasama ang lahat ng mga pinabanal[b] ng Dios sa Acaya:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Pasasalamat sa Dios
3 Purihin ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Siyaʼy maawaing Ama at Dios na laging nagpapalakas ng ating loob. 4 Pinalalakas niya ang ating loob sa lahat ng ating paghihirap, para sa pamamagitan ng kalakasan ng loob na ibinigay sa atin ng Dios ay mapalakas din natin ang loob ng ibang naghihirap. 5 Sapagkat kung gaano karami ang mga paghihirap natin dahil kay Cristo, ganoon din karaming beses niyang pinalalakas ang ating loob. 6 Kung naghihirap man kami, itoʼy para mapalakas ang inyong loob, at para kayoʼy maligtas. At kung pinalakas man ng Dios ang aming loob, itoʼy para mapalakas din ang loob ninyo, nang sa ganoon ay makayanan ninyo ang mga paghihirap na tulad ng dinaranas namin. 7 Kaya malaki ang aming pag-asa para sa inyo, dahil alam namin na kung naghihirap kayo tulad namin, palalakasin din ng Dios ang inyong loob tulad ng sa amin.
8 Mga kapatid, gusto naming malaman ninyo ang mga paghihirap na dinanas namin sa lalawigan ng Asia. Napakabigat ng mga dinanas namin doon, halos hindi na namin nakayanan at nawalan na kami ng pag-asang mabuhay pa. 9 Ang akala namin noon ay katapusan na namin. Ngunit nangyari ang lahat ng iyon para matuto kami na huwag magtiwala sa aming sarili kundi sa Dios na siyang bumubuhay ng mga patay. 10 Iniligtas niya kami sa malagim na kamatayan, at patuloy niya kaming ililigtas. At umaasa kami na patuloy niyang gagawin ito 11 sa tulong ng inyong mga panalangin. Sa ganoon, marami ang magpapasalamat sa Dios dahil sa mga pagpapalang tatanggapin namin mula sa kanya bilang sagot sa mga panalangin ng marami.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®