Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 41

Ang Dalangin ng Taong may Sakit

41 Mapalad ang taong nagmamalasakit sa mga mahihirap.
    Tutulungan siya ng Panginoon sa panahon ng kaguluhan.
Ipagtatanggol siya ng Panginoon, at iingatan ang kanyang buhay.
    Pagpapalain din siya sa lupain natin.
    At hindi siya isusuko sa kanyang mga kaaway.
Tutulungan siya ng Panginoon kung siya ay may sakit,
    at pagagalingin siya sa kanyang karamdaman.
Sinabi ko,
    “O Panginoon, nagkasala ako sa inyo.
    Maawa kayo sa akin, at pagalingin ako.”
Ang aking mga kaaway ay nagsasalita laban sa akin.
    Sinasabi nila,
    “Kailan pa ba siya mamamatay upang makalimutan na siya?”
Kapag dumadalaw sila sa akin, nagkukunwari silang nangungumusta,
    pero nag-iipon lang pala sila ng masasabi laban sa akin.
    Kapag silaʼy lumabas na, ikinakalat nila ito.
Ang lahat ng galit sa akin ay masama ang iniisip tungkol sa akin,
    at pinagbubulung-bulungan nila ito.
Sinasabi nila,
    “Malala na ang karamdaman niyan,
    kaya hindi na iyan makakatayo!”
Kahit ang pinakamatalik kong kaibigan na kasalo ko lagi sa pagkain at pinagkakatiwalaan –
    nagawa akong pagtaksilan!
10 Ngunit kayo Panginoon, akoʼy inyong kahabagan.
    Pagalingin nʼyo ako upang makaganti na ako sa aking mga kaaway.
11 Alam ko na kayoʼy nalulugod sa akin,
    dahil hindi ako natatalo ng aking mga kaaway.
12 Dahil akoʼy taong matuwid,
    tinutulungan nʼyo ako at pinapanatili sa inyong presensya magpakailanman.

13 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, magpakailanman.
    Amen! Amen!

Isaias 39

Ang Sugo mula sa Babilonia

39 Nang panahong iyon, nabalitaan ng hari ng Babilonia na si Merodac Baladan na anak ni Baladan, na gumaling si Hezekia sa sakit nito. Kaya nagpadala siya ng sulat at mga regalo sa pamamagitan ng kanyang mga sugo. Malugod na tinanggap ni Hezekia ang mga sugo, at ipinakita niya sa mga ito ang lahat ng mga bagay sa taguan ng kayamanan niya – ang mga pilak, ginto, sangkap, magagandang uri ng langis, mga armas at ang iba pa niyang kayamanan. Wala ni isang bagay sa palasyo o kaharian ang hindi niya ipinakita sa kanila.

Samantala, pumunta si Propeta Isaias kay Haring Hezekia at nagtanong, “Saan ba nanggaling ang mga taong iyan at ano ang kailangan nila?” Sumagot si Hezekia, “Pumunta sila rito na galing pa sa Babilonia.” Nagtanong pa ang propeta, “Ano ang nakita nila sa palasyo mo?” Sumagot si Hezekia, “Nakita nila ang lahat ng bagay sa palasyo ko. Wala kahit isa sa mga kayamanan ko ang hindi ko ipinakita sa kanila.” Pagkatapos, sinabi ni Isaias kay Hezekia, “Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon: Darating ang panahon na dadalhin sa Babilonia ang lahat ng kayamanan sa palasyo mo, pati ang lahat ng naipon ng mga ninuno mo na nariyan pa hanggang ngayon. Walang matitira, sabi ng Panginoon. At ang iba sa mga susunod na lahi mo ay bibihagin at magiging alipin sa palasyo ng hari ng Babilonia.” Ang akala ni Hezekia ay hindi iyon mangyayari sa panahon niya, kundi magiging mapayapa at walang panganib ang kanyang buhay. Kaya sinabi niya kay Isaias, “Maganda ang mensahe ng Panginoon na sinabi mo sa akin.”

Lucas 4:38-41

Maraming Pinagaling si Jesus(A)

38 Umalis si Jesus sa sambahan ng mga Judio at pumunta sa bahay ni Simon. Mataas noon ang lagnat ng biyenang babae ni Simon. Kaya nakiusap sila kay Jesus na pagalingin ito. 39 Nilapitan ni Jesus ang may sakit at iniutos na maalis ang lagnat, at nawala ito. Noon din ay bumangon ang babae at pinagsilbihan sina Jesus.

40 Nang palubog na ang araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng may sakit. Sari-sari ang mga sakit nila. Ipinatong ni Jesus ang mga kamay niya sa bawat isa sa kanila at gumaling silang lahat. 41 Pinalabas din niya ang masasamang espiritu mula sa maraming tao. Habang lumalabas ang masasamang espiritu, sumisigaw sila kay Jesus, “Ikaw ang Anak ng Dios!” Pero sinaway sila ni Jesus at pinatahimik, dahil alam nilang siya ang Cristo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®