Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 10

10 Bakit ka tumatayong malayo, Oh Panginoon? Bakit ka nagtatago sa mga panahon ng kabagabagan?

Sa kapalaluan ng masama ang dukha ay hinahabol na mainam; mahuli nawa sila sa mga lalang na kanilang inakala.

Sapagka't ang masama ay nagmamalaki sa nais ng kaniyang puso, at ang mapagimbot ay nagtatakuwil, oo, nagwawalang kabuluhan sa Panginoon.

Ang masama, sa kapalaluan ng kaniyang mukha, ay nagsasabi, hindi niya sisiyasatin. Lahat niyang pagiisip ay, walang Dios.

Ang kaniyang mga lakad ay panatag sa lahat ng panahon; ang iyong mga kahatulan ay malayong totoo sa kaniyang paningin: tungkol sa lahat niyang mga kaaway, tinutuya niya sila.

Sinasabi niya sa kaniyang puso, Hindi ako makikilos: sa lahat ng sali't saling lahi ay hindi ako malalagay sa karalitaan.

Ang kaniyang bibig ay puno ng panunungayaw, at pagdaraya, at pang-aapi: sa ilalim ng kaniyang dila ay kalikuan at kasamaan.

Siya'y nauupo sa mga pinakasulok na dako ng mga nayon: sa mga kubling dako ay pinapatay niya ang walang sala; ang kaniyang mga mata ay natititig laban sa walang nagkakandili.

Siya'y bumabakay sa kubli, na parang leon sa kaniyang lungga: siya'y nagaabang upang hulihin ang dukha: hinuhuli niya ang dukha, pagka kaniyang dinadala siya sa silo niya.

10 Siya'y naninibasib, siya'y nagpapakaliit, at ang mga walang nagkakandili ay nangahuhulog sa kaniyang mga malakas.

11 Sinasabi niya sa kaniyang puso: ang Dios ay nakalimot: kaniyang ikinukubli ang kaniyang mukha, hindi na niya makikita kailan man.

12 Bumangon ka, Oh Panginoon, Oh Dios, itaas mo ang iyong kamay: huwag mong kalimutan ang dukha.

13 Bakit sinusumpa ng masama ang Dios, at nagsasabi sa kaniyang puso: hindi mo sisiyasatin?

14 Iyong nakita; sapagka't iyong minamasdan ang pahirap at pangduduwahagi upang mapasa iyong kamay: ang walang nagkakandili ay napakukupkop sa iyo; ikaw ay naging tagakandili sa ulila.

15 Baliin mo ang bisig ng masama: at tungkol sa masamang tao, pag-usigin mo ang kaniyang kasamaan hanggang sa wala ka nang masumpungan.

16 Ang Panginoon ay Hari magpakailan-kailan man. Ang mga bansa ay nalilipol sa kaniyang lupain.

17 Panginoon, iyong narinig ang nasa ng mga maamo: iyong ihahanda ang kanilang puso, iyong pakikinggan ng iyong pakinig:

18 Upang hatulan ang ulila at ang napipighati, upang huwag nang makapangilabot ang tao na taga lupa.

Jeremias 7:16-26

16 Kaya't huwag mong idalangin ang bayang ito, ni palakasin man ang daing patungkol sa kanila ni dalangin man, o mamagitan man ikaw sa akin; sapagka't hindi kita didinggin.

17 Hindi mo ba nakikita kung ano ang kanilang ginagawa sa bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem?

18 Ang mga anak ay nangamumulot ng kahoy, at ang mga ama ay nangagpapaningas ng apoy, at ang mga babae ay nangagmamasa ng masa, upang igawa ng mga tinapay ang reina ng langit, at upang magbuhos ng mga handog na inumin sa ibang mga dios, upang kanilang mungkahiin ako sa galit.

19 Kanila baga akong minumungkahi sa galit? sabi ng Panginoon; hindi baga sila namumungkahi sa kanilang sarili sa ikalilito ng kanila ring mukha?

20 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, ang aking galit at ang aking kapusukan ay mabubuhos sa dakong ito, sa tao, at sa hayop, at sa mga punong kahoy sa parang, at sa bunga ng lupa: at masusupok, at hindi mapapatay.

21 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Inyong idagdag ang inyong mga handog na susunugin sa inyong mga hain, at magsikain kayo ng laman.

22 Sapagka't hindi ako nagsalita sa inyong mga magulang, o nagutos man sa kanila nang araw na inilabas ko sila sa lupain ng Egipto, tungkol sa mga handog na susunugin, o sa mga hain:

23 Kundi ang bagay na ito ang iniutos ko sa kanila, na aking sinasabi, Inyong dinggin ang aking tinig, at ako'y magiging inyong Dios, at kayo'y magiging aking bayan; at magsilakad kayo sa lahat ng daan na iniuutos ko sa inyo, sa ikabubuti ninyo.

24 Nguni't hindi nila dininig, o ikiniling man ang kanilang pakinig, kundi nagsilakad sa kanilang sariling mga payo at sa pagmamatigas ng kanilang masamang puso, at nagsiyaong paurong at hindi pasulong.

25 Mula nang araw na ang inyong mga magulang ay magsilabas sa lupain ng Egipto hanggang sa araw na ito, aking sinugo sa inyo ang lahat kong lingkod na mga propeta, na araw-araw ay bumabangon akong maaga at sinusugo ko sila:

26 Gayon ma'y hindi sila nangakinig sa akin, o nangagkiling man ng kanilang pakinig, kundi pinapagmatigas ang kanilang leeg: sila'y nagsigawa ng lalong masama kay sa kanilang mga magulang.

Pahayag 3:7-13

At sa anghel ng iglesia sa Filadelfia ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng banal, niyaong totoo, niyaong may susi ni David, niyaong nagbubukas at di mailalapat ng sinoman, at naglalapat at di maibubukas ng sinoman:

Nalalaman ko ang iyong mga gawa (narito, inilagay ko sa harapan mo ang isang pintuang bukas, na di mailalapat ng sinoman), na ikaw ay may kaunting kapangyarihan, at tinupad mo ang aking salita, at hindi mo ikinaila ang aking pangalan.

Narito, ibinibigay ko sa sinagoga ni Satanas, ang mga nagsasabing sila'y mga Judio, at sila'y hindi, kundi nangagbubulaan; narito, sila'y aking papapariyanin at pasasambahin sa harap ng iyong mga paa, at nang maalamang ikaw ay aking inibig.

10 Sapagka't tinupad mo ang salita ng aking pagtitiis, ikaw naman ay aking iingatan sa panahon ng pagsubok, na darating sa buong sanglibutan, upang subukin ang mga nananahan sa ibabaw ng lupa.

11 Ako'y dumarating na madali: panghawakan mong matibay ang nasa iyo, upang huwag kunin ng sinoman ang iyong putong.

12 Ang magtagumpay, ay gagawin kong haligi sa templo ng aking Dios, at hindi na siya'y lalabas pa doon: at isusulat ko sa kaniya ang pangalan ng aking Dios, at ang pangalan ng bayan ng aking Dios, ang bagong Jerusalem, na mananaog buhat sa langit mula sa aking Dios, at ang aking sariling bagong pangalan.

13 Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain