Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
5 Paawitin ninyo ako sa aking pinakamamahal, ng awit ng aking minamahal tungkol sa kaniyang ubasan. Ang aking pinakamamahal ay may ubasan sa isang mainam na burol:
2 At kaniyang binangbangan ang palibot at inalis ang mga bato, at tinamnan ng piling puno ng ubas, at nagtayo ng isang moog sa gitna niyaon, at tinabasan din naman ng isang pisaan ng ubas: at kaniyang hinintay na magbunga ng ubas, at nagbunga ng ubas gubat.
3 At ngayon, Oh mga nananahan sa Jerusalem at mga tao sa Juda, hatulan ninyo, isinasamo ko sa inyo, ako at ang aking ubasan.
4 Ano pa ang magagawa ko sa aking ubasan na hindi ko nagawa? ano't nang aking hinihintay na magbubunga ng mga ubas, nagbunga ng ubas gubat?
5 At ngayo'y aking sasaysayin sa inyo ang gagawin ko sa aking ubasan: aking aalisin ang bakod na siit niyaon, at sasalantain; aking ibabagsak ang bakod niyaon at mayayapakan:
6 At aking pababayaang sira; hindi kakapunin o bubukirin man; kundi magsisitubo ay mga dawag at mga tinik: akin ding iuutos sa mga alapaap, na huwag nilang ulanan.
7 Sapagka't ang ubasan ng Panginoon ng mga hukbo ay ang sangbahayan ng Israel, at ang mga tao sa Juda ay ang kaniyang maligayang pananim: at siya'y naghihintay ng kahatulan, nguni't narito, kapighatian; ng katuwiran, nguni't narito, daing.
80 Dinggin mo, Oh Pastor ng Israel, ikaw na pumapatnubay sa Jose na parang kawan; ikaw na nauupo sa ibabaw ng mga querubin, sumilang ka.
2 Sa harap ng Ephraim, ng Benjamin at ng Manases, ay mapukaw nawa ang kapangyarihan mo, at parito kang iligtas mo kami.
8 Ikaw ay nagdala ng isang puno ng ubas mula sa Egipto; iyong pinalayas ang mga bansa, at itinanim mo yaon.
9 Ikaw ay naghanda ng dako sa harap niya, at napailalim ang ugat, at pinuno ang lupain.
10 Ang mga bundok ay natakpan ng lilim niyaon, at ang mga sanga niyaon ay gaya ng mga sedro ng Dios.
11 Kaniyang pinaabot ang kaniyang mga sanga hanggang sa dagat, at ang kaniyang mga suwi hanggang sa ilog.
12 Bakit mo ibinagsak ang kaniyang mga bakod, na anopa't siya'y binubunot nilang lahat na nangagdadaan?
13 Sinisira ng baboy-ramo, at sinasabsab ng mailap na hayop sa parang.
14 Bumalik ka uli, isinasamo ko sa iyo, Oh Dios ng mga hukbo: tumungo ka mula sa langit, at iyong masdan, at dalawin mo ang puno ng ubas na ito,
15 At ang ubasan na itinanim ng iyong kanan, at ang suwi na iyong pinalakas para sa iyong sarili.
16 Nasunog ng apoy, at naputol: sila'y nalipol sa saway ng iyong mukha.
17 Mapatong nawa ang iyong kamay sa tao na iyong kinakanan. Sa anak ng tao na iyong pinalakas sa iyong sarili.
18 Sa gayo'y hindi kami magsisitalikod sa iyo: buhayin mo kami, at tatawagan namin ang iyong pangalan.
19 Papanumbalikin mo kami, Oh Panginoong Dios ng mga hukbo; pasilangin mo ang iyong mukha at maliligtas kami.
29 Sa pananampalataya'y nagsipagdaan sila sa gitna ng Dagat na Mapula na gaya ng sa lupang tuyo: na nang subuking gawin ito ng mga taga Egipto ay pawang nangalunod.
30 Sa pananampalataya'y nangalagpak ang mga kuta ng Jerico, pagkatapos na makubkob na pitong araw.
31 Sa pananampalataya'y hindi napahamak na kasama ng mga manunuway, ang patutot na si Rahab, na tumanggap na payapa sa mga tiktik.
32 At ano pa ang aking sasabihin? sapagka't kukulangin ako ng panahon kung sasaysayin ko ang tungkol kay Gideon, kay Barac, kay Samson, kay Jefte; tungkol kay David, at kay Samuel at sa mga propeta:
33 Na ang mga ito, sa pamamagitan ng pananampalataya'y nagsilupig ng mga kaharian, nagsigawa ng katuwiran, nangagtamo ng mga pangako, nangagtikom ng mga bibig ng mga leon,
34 Nagsipatay ng bisa ng apoy, nangakatanan sa talim ng tabak, nagsilakas sa kahinaan, naging mga makapangyarihan sa pakikipagbaka, nangagpaurong ng mga hukbong taga ibang lupa.
35 Tinanggap ng mga babae ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli: at ang iba'y nangamatay sa hampas, na hindi tinanggap ang kanilang katubusan; upang kamtin nila ang lalong mabuting pagkabuhay na maguli:
36 At ang iba'y nangagkaroon ng pagsubok sa pagkalibak at pagkahampas, oo, bukod dito'y sa mga tanikala at bilangguan naman:
37 Sila'y pinagbabato, pinaglagari, pinagtutukso, pinagpapatay sa tabak: sila'y nagsilakad na paroo't parito na may balat ng mga tupa't kambing: na mga salat, nangapipighati, tinatampalasan;
38 (Na sa mga yaon ay hindi karapatdapat ang sanglibutan), na nangaliligaw sa mga ilang at sa mga kabundukan at sa mga yungib, at sa mga lungga ng lupa.
39 At ang lahat ng mga ito, nang sila'y mapatotohanan na dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi kinamtan ang pangako,
40 Na ipinaghanda ng Dios ng lalong mabuting bagay tungkol sa atin, upang sila'y huwag maging sakdal ng bukod sa atin.
12 Kaya't yamang nakukubkob tayo ng makapal na bilang ng mga saksi, itabi namang walang liwag ang bawa't pasan, at ang pagkakasalang pumipigil sa atin, at ating takbuhing may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin,
2 Na masdan natin si Jesus na gumawa at sumakdal ng ating pananampalataya, na siya dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagtiis ng krus, na niwalang bahala ang kahihiyan, at umupo sa kanan ng luklukan ng Dios.
49 Ako'y naparito upang maglagay ng apoy sa lupa; at ano pa ang iibigin ko, kung magningas na?
50 Datapuwa't ako'y may isang bautismo upang ibautismo sa akin; at gaano ang aking kagipitan hanggang sa ito'y maganap?
51 Inaakala baga ninyo na ako'y naparito upang magbigay ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, Hindi, kundi bagkus pagkakabahabahagi:
52 Sapagka't mula ngayon ay magkakabahabahagi ang lima sa isang bahay, tatlo laban sa dalawa, at dalawa laban sa tatlo.
53 Sila'y mangagkakabahabahagi, ang ama'y laban sa anak na lalake, at ang anak na lalake ay laban sa ama; ang ina'y laban sa anak na babae, at ang anak na babae ay laban sa kaniyang ina; ang biyanang babae ay laban sa kaniyang manugang na babae, at ang manugang na babae ay laban sa kaniyang biyanang babae.
54 At sinabi rin naman niya sa mga karamihan, Pagka nakikita ninyong bumangon sa kalunuran ang isang alapaap, ay agad ninyong sinasabi, Uulan; at gayon ang nangyayari.
55 At kung humihihip ang hanging timugan, ay sinasabi ninyo, Iinit na maigi; at ito'y nangyayari.
56 Kayong mga mapagpaimbabaw! marunong kayong mangagpaaninaw ng anyo ng lupa at ng langit; datapuwa't bakit di ninyo nalalamang ipaaninaw ang panahong ito?
Public Domain