Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
11 Nang bata pa ang Israel, aking minahal siya, at tinawag kong aking anak mula sa Egipto.
2 Lalo silang tinawag ng mga propeta, ay lalo naman silang nagsihiwalay sa kanila: sila'y nangaghahain sa mga Baal, at nangagsusunug ng mga kamangyan sa mga larawang inanyuan.
3 Gayon ma'y aking tinuruan ang Ephraim na lumakad; aking kinalong sila sa aking mga bisig; nguni't hindi nila kinilala na aking pinagaling sila.
4 Akin silang pinatnubayan ng mga tali ng tao, ng mga panali ng pag-ibig; at ako'y naging sa kanila'y parang nagaalis ng paningkaw sa kanilang mga panga; at ako'y naglagay ng pagkain sa harap nila.
5 Sila'y hindi babalik sa lupain ng Egipto; kundi ang taga Asiria ay magiging kanilang hari, sapagka't sila'y nagsisitangging manumbalik sa akin.
6 At ang tabak ay lalagak sa kanilang mga bayan, at susupukin ang kanilang mga halang, at lalamunin sila, dahil sa kanilang sariling mga payo.
7 At ang aking bayan ay mahilig ng pagtalikod sa akin: bagaman kanilang tinatawag siya na nasa itaas, walang lubos na magtataas sa kaniya.
8 Paanong pababayaan kita, Ephraim? paanong itatakuwil kita, Israel? paanong gagawin kitang parang Adma? paanong ilalagay kitang parang Zeboim? ang aking puso ay nabagbag sa loob ko, ang aking mga habag ay nangagalab.
9 Hindi ko isasagawa ang kabangisan ng aking galit, hindi ako babalik upang ipahamak ang Ephraim: sapagka't ako'y Dios, at hindi tao; ang Banal sa gitna mo; at hindi ako paroroon na may galit.
10 Sila'y magsisilakad ng ayon sa Panginoon, na siyang uungal, na parang leon; sapagka't siya'y uungal, at ang mga anak ay magsisidating na nanginginig na mula sa kalunuran.
11 Sila'y darating na nanginginig na parang ibon na mula sa Egipto, at parang kalapati na mula sa lupain ng Asiria; at aking patatahanin sila sa kanilang mga bahay, sabi ng Panginoon.
107 Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
2 Sabihing gayon ng tinubos ng Panginoon, na kaniyang tinubos sa kamay ng kaaway;
3 At mga pinisan mula sa mga lupain, mula sa silanganan, at mula sa kalunuran, mula sa hilagaan at mula sa timugan.
4 Sila'y nagsilaboy sa ilang, sa ulilang landas; sila'y hindi nakasumpong ng bayang tahanan.
5 Gutom at uhaw, ang kanilang kaluluwa'y nanglupaypay sa kanila.
6 Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan, at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan.
7 Pinatnubayan naman niya sila sa matuwid na daan, upang sila'y magsiyaon sa bayang tahanan.
8 Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob, at dahil sa kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao!
9 Sapagka't kaniyang binigyang kasiyahan ang nananabik na kaluluwa, at ang gutom na kaluluwa ay binusog niya ng kabutihan.
43 Kung sino ang pantas ay magbulay sa mga bagay na ito, at kanilang magugunita ang mga kagandahang-loob ng Panginoon.
3 Kung kayo nga'y muling binuhay na kalakip ni Cristo, ay hanapin ninyo ang mga bagay na nangasa itaas, na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Dios.
2 Ilagak ninyo ang inyong pagiisip sa mga bagay na nangasa itaas, huwag sa mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa.
3 Sapagka't kayo'y nangamatay na, at ang inyong buhay ay natatagong kasama ni Cristo sa Dios.
4 Pagka si Cristo na ating buhay ay mahayag, ay mahahayag nga rin kayo na kasama niya sa kaluwalhatian.
5 Patayin nga ninyo ang inyong mga sangkap ng katawang nangasa ibabaw ng lupa, pakikiapid, karumihan, masamang pita, masasamang nasa, at kasakiman, na iya'y pagsamba sa mga diosdiosan;
6 Na dahil sa mga bagay na iyan ay dumarating ang kagalitan ng Dios sa mga anak ng pagsuway:
7 Na inyo ring nilakaran nang una, nang kayo'y nangabubuhay pa sa mga bagay na ito;
8 Datapuwa't ngayon ay inyo namang layuan ang lahat ng mga ito: galit, kapootan, paghihinala, panunungayaw, mga salitang kahalay-halay na mula sa inyong bibig:
9 Huwag kayong mangagbubulaan sa isa't isa; yamang hinubad na ninyo ang datihang pagkatao pati ng kaniyang mga gawa,
10 At kayo'y nangagbihis ng bagong pagkatao, na nagbabago sa kaalaman ayon sa larawan niyaong lumalang sa kaniya:
11 Doo'y hindi maaaring magkaroon ng Griego at ng Judio, ng pagtutuli at ng di pagtutuli, ng barbaro, ng Scita, ng alipin, ng laya; kundi si Cristo ang lahat, at sa lahat.
13 At sinabi sa kaniya ng isa sa karamihan, Guro, iutos mo sa aking kapatid na bahaginan ako ng mana.
14 Datapuwa't sinabi niya sa kaniya, Lalake, sino ang gumawa sa aking hukom o tagapamahagi sa inyo?
15 At sinabi niya sa kanila, Mangagmasid kayo, at kayo'y mangagingat sa lahat ng kasakiman: sapagka't ang buhay ng tao ay hindi sa kasaganaan ng mga bagay na tinatangkilik niya.
16 At nagsaysay siya sa kanila ng isang talinghaga, na sinasabi, Ang lupa ng isang taong mayaman ay namumunga ng sagana:
17 At iniisip niya sa sarili na sinasabi, Ano ang gagawin ko, sapagka't wala akong mapaglalagyan ng aking mga inaning bunga?
18 At sinabi niya, Ito ang gagawin ko: igigiba ko ang aking mga bangan, at gagawa ako ng lalong malalaki; at doon ko ilalagay ang lahat ng aking butil at aking mga pag-aari.
19 At sasabihin ko sa aking kaluluwa, Kaluluwa, marami ka nang pag-aaring nakakamalig para sa maraming taon; magpahingalay ka, kumain ka, uminom ka, matuwa ka.
20 Datapuwa't sinabi sa kaniya ng Dios, Ikaw na haling, hihingin sa iyo sa gabing ito ang iyong kaluluwa; at ang mga bagay na inihanda mo, ay mapapa sa kanino kaya?
21 Gayon nga ang nagpapakayaman sa ganang kaniyang sarili, at hindi mayaman sa Dios.
Public Domain