Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 79

Panalangin para sa Kalayaan ng Bansa

79 O Dios, sinalakay ng mga dayuhan ang lupaing pag-aari ninyo.
    Nilapastangan nila ang inyong banal na templo at winasak ang Jerusalem.
Ipinakain nila sa mababangis na ibon at hayop ang bangkay ng inyong tapat na mga lingkod.
Ibinuhos nila ang dugo ng inyong mga mamamayan na parang tubig sa buong Jerusalem,
    at wala ni isa mang natira sa kanila upang ilibing ang mga namatay.
Kinukutya kami at inilalagay sa kahihiyan ng mga bansang nasa palibot namin.
Panginoon, hanggang kailan kayo magagalit sa amin?
    Wala na ba itong katapusan?
    Hanggang kailan mag-aapoy ang inyong panibugho?
Doon nʼyo ibuhos ang inyong galit,
    sa mga bansa at kaharian na ayaw kumilala at sumamba sa inyo.
Dahil pinatay nila ang mga mamamayan[a] nʼyo at winasak ang kanilang mga lupain.
Huwag nʼyo kaming parusahan dahil sa kasalanan ng aming mga ninuno.
    Sa halip ay iparating nʼyo agad ang inyong habag sa amin dahil kami ay lugmok na.
O Dios na aming Tagapagligtas, tulungan nʼyo kami,
    para sa kapurihan ng inyong pangalan.
    Iligtas nʼyo kami at patawarin sa aming mga kasalanan,
    alang-alang sa inyong pangalan.
10 Huwag nʼyo pong hayaan na sabihin sa amin ng ibang mga bansa,
    “Nasaan na ang inyong Dios?”
    Habang kami ay nakatingin, ipaunawa nʼyo sa mga bansang ito na maghihiganti kayo sa kanila dahil sa pagpatay nila sa inyong mga lingkod.
11 Pakinggan nʼyo ang hinaing ng mga mamamayan nʼyo na binihag nila.
    Nakatakda silang patayin kaya palayain nʼyo sila sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
12 O Panginoon, gantihan nʼyo ng pitong ulit ang mga kalapit naming bansa dahil sa ginawa nilang pangungutya sa inyo.
13 At kaming mga mamamayan, na inyong inaalagaan na gaya ng mga tupa sa inyong pastulan ay magpapasalamat sa inyo magpakailanman.
Purihin kayo ng walang hanggan.

Micas 5:1-5

Mga taga-Jerusalem, ihanda ninyo ang inyong mga kawal, dahil napapaligiran na kayo ng mga kalaban. Hahampasin nila ng tungkod ang mukha ng pinuno ng Israel.

Ang Ipinangakong Pinuno mula sa Betlehem

Sinabi ng Panginoon, “Betlehem Efrata, kahit na isa ka sa pinakamaliit[a] na bayan sa Juda, manggagaling sa iyo ang taong maglilingkod sa akin bilang pinuno ng Israel. Ang kanyang mga ninuno ay kilalang-kilala noong unang panahon.”

Kaya ang mga mamamayan ng Israel ay ipapaubaya ng Panginoon sa kanilang mga kaaway hanggang sa maisilang ng babaeng namimilipit sa sakit[b] ang sanggol na lalaki na mamumuno sa Israel. Pagkatapos, ang mga kababayan ng pinunong ito na nabihag ng ibang bansa ay babalik sa kanilang mga kapwa Israelita. Pamamahalaan niya ang mga mamamayan ng Israel sa pamamagitan ng lakas at kapangyarihan ng Panginoon. Ang katulad niyaʼy isang pastol na nagbabantay ng kanyang kawan. Kaya mamumuhay sila nang mapayapa dahil kikilalanin ng mga tao sa buong mundo[c] ang kanyang kadakilaan. Bibigyan niya ng mabuting kalagayan[d] ang kanyang mga mamamayan.

Kalayaan at Kapahamakan

Kapag sinalakay ng mga taga-Asiria ang ating bansa at pasukin ang matitibay na bahagi ng ating lungsod, lalabanan natin sila sa pangunguna ng ating mga mahuhusay na pinuno.

Lucas 21:34-38

Maging Handa Kayo

34 “Kaya mag-ingat kayo na huwag mawili sa kalayawan, sa paglalasing, sa pagkaabala sa inyong kabuhayan, at baka biglang dumating ang araw na iyon 35 nang hindi ninyo inaasahan.[a] Sapagkat darating ang araw na iyon sa lahat ng tao sa buong mundo. 36 Kaya maging handa kayo sa lahat ng oras. Palagi kayong manalangin upang magkaroon kayo ng lakas na mapagtagumpayan ang lahat ng mangyayaring kahirapan, at makatayo kayo sa harap ko na Anak ng Tao nang hindi napapahiya.”

37 Araw-araw, nagtuturo si Jesus sa templo. Pagsapit ng gabi, pumupunta siya sa Bundok ng mga Olibo para magpalipas ng gabi. 38 At maagang pumupunta ang mga tao sa templo upang makinig sa kanya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®