Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 78:1-7

Ang Patnubay ng Dios sa Kanyang mga Mamamayan

78 Mga kababayan,[a] ang mga turo koʼy inyong pakinggan.
Tuturuan ko kayo sa pamamagitan ng kasaysayan.[b]
    Sasabihin ko sa inyo ang mga lihim na katotohanan ng nakaraan.
Napakinggan na natin ito at nalaman.
    Sinabi ito sa atin ng ating mga ninuno.
Huwag natin itong ilihim sa ating mga anak;
    sabihin din natin ito sa mga susunod na salinlahi.
    Sabihin natin sa kanila ang kapangyarihan ng Panginoon at ang mga kahanga-hanga niyang gawa.
Ibinigay niya ang kanyang mga kautusan sa mga mamamayan ng Israel na mula sa lahi ni Jacob.
    Iniutos niya sa ating mga ninuno na ituro ito sa kanilang mga anak,
upang malaman din ito ng mga susunod na lahi at nang ituro rin nila ito sa kanilang mga anak.
Sa ganitong paraan, magtitiwala sila sa Dios at hindi nila makakalimutan ang kanyang ginawa, at susundin nila ang kanyang mga utos,

Josue 20

Ang mga Lungsod na Tanggulan(A)

20 At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sabihin mo sa mga Israelita na pumili sila ng mga lungsod na tanggulan ayon sa sinabi ko noon sa inyo sa pamamagitan ni Moises. Ang taong nakapatay nang hindi sinasadya ay maaaring makakatakas roon at makapagtago mula sa mga taong gustong gumanti sa kanya. Maaari siyang magtago sa isa sa mga lungsod na ito. Haharap siya sa tagapamahala na naroon sa pintuan ng lungsod at magpapaliwanag tungkol sa nangyari. Pagkatapos, papapasukin siya at doon patitirahin. Kung hahabulin siya roon ng gustong gumanti sa kanya, hindi siya ibibigay ng mga naninirahan doon. Kakampihan nila siya dahil hindi niya sinadya ang pagpatay sa kanyang kapwa, at napatay niya ito hindi dahil sa kanyang galit. Mananatili siya sa lungsod na iyon hanggang madinig ang kaso niya sa harapan ng kapulungan at hanggang hindi pa namamatay ang punong pari na naglilingkod nang panahong iyon. Pagkatapos, makakauwi na siya sa kanila.”

Kaya pinili nila ang Kedesh sa Galilea sa kabundukan ng Naftali, ang Shekem sa kabundukan ng Efraim at ang Kiriat Arba (na siyang Hebron), sa kabundukan ng Juda. Sa silangan ng Ilog ng Jordan at ng Jerico, pinili nila ang Bezer sa disyerto sa talampas na sakop ng lahi ni Reuben, ang Ramot sa Gilead na sakop ng lahi ni Gad at ang Golan sa Bashan na sakop ng lahi ni Manase. Ito ang mga lungsod na tanggulan na pinili para sa mga Israelita at sa mga dayuhang naninirahang kasama nila. Ang sinumang makapatay nang hindi sinasadya ay maaaring tumakas papunta sa mga lungsod na ito para hindi siya mapatay ng mga gustong gumanti sa kanya habang hindi pa dinidinig ang kaso niya sa harapan ng kapulungan.

Mateo 24:1-14

Sinabi ni Jesus ang Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)

24 Lumabas si Jesus sa templo, at habang naglalakad, nilapitan siya ng mga tagasunod niya at itinuro sa kanya ang mga gusali ng templo. Sinabi ni Jesus, “Tingnan ninyo ang lahat ng iyan. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, magigiba ang lahat ng iyan at walang maiiwang magkapatong na bato.”

Mga Paghihirap at Pag-uusig na Darating(B)

Habang nakaupo si Jesus sa isang lugar sa Bundok ng mga Olibo, lumapit sa kanya ang mga tagasunod niya at nakipag-usap nang sarilinan. Sinabi nila, “Sabihin nʼyo po sa amin kung kailan mangyayari ang sinabi nʼyo? At ano po ang mga palatandaan ng muli nʼyong pagparito at ng katapusan ng mundo?”

Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo madaya ninuman. Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan at sasabihing sila ang Cristo, at marami ang kanilang ililigaw. Makakarinig kayo ng mga digmaang malapit sa inyo, at mababalitaan ninyo na may mga digmaan din sa malayo. Ngunit huwag kayong matakot. Kinakailangang mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa ito ang katapusan. Sapagkat magdidigmaan ang mga bansa at mga kaharian. Magkakaroon ng taggutom at paglindol sa ibaʼt ibang lugar. Ang lahat ng itoʼy pasimula pa lang ng mga paghihirap na darating.

“Sa panahong iyon, kamumuhian kayo dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Dadakpin kayo upang parusahan at patayin. 10 Marami ang tatalikod sa kanilang pananampalataya. Kapopootan at ipapahuli nila ang kapwa nila mananampalataya. 11 Lilitaw ang maraming huwad na propeta at marami ang maililigaw nila. 12 Lalaganap ang kasamaan, at dahil dito, manlalamig ang pag-ibig ng maraming mananampalataya. 13 Ngunit ang mananatiling tapat hanggang sa wakas ay maliligtas. 14 Ipangangaral sa buong mundo ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios upang malaman ito ng lahat ng tao, at saka darating ang katapusan.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®