Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 78:1-7

Ang Patnubay ng Dios sa Kanyang mga Mamamayan

78 Mga kababayan,[a] ang mga turo koʼy inyong pakinggan.
Tuturuan ko kayo sa pamamagitan ng kasaysayan.[b]
    Sasabihin ko sa inyo ang mga lihim na katotohanan ng nakaraan.
Napakinggan na natin ito at nalaman.
    Sinabi ito sa atin ng ating mga ninuno.
Huwag natin itong ilihim sa ating mga anak;
    sabihin din natin ito sa mga susunod na salinlahi.
    Sabihin natin sa kanila ang kapangyarihan ng Panginoon at ang mga kahanga-hanga niyang gawa.
Ibinigay niya ang kanyang mga kautusan sa mga mamamayan ng Israel na mula sa lahi ni Jacob.
    Iniutos niya sa ating mga ninuno na ituro ito sa kanilang mga anak,
upang malaman din ito ng mga susunod na lahi at nang ituro rin nila ito sa kanilang mga anak.
Sa ganitong paraan, magtitiwala sila sa Dios at hindi nila makakalimutan ang kanyang ginawa, at susundin nila ang kanyang mga utos,

Josue 8:30-35

Binasa ang Kasunduan sa Bundok ng Ebal

30 Pagkatapos, nagpagawa si Josue ng altar sa Bundok ng Ebal para sa Panginoon, ang Dios ng Israel. 31 Ipinagawa niya ito ayon sa utos ni Moises na lingkod ng Panginoon sa mga Israelita. Nakasulat ito sa Aklat ng Kautusan ni Moises at ito ang sinasabi: “Gumawa ka ng altar na bato na hindi natabasan ng gamit na bakal.” Sa ibabaw ng altar, nag-alay sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon. 32 Sa harap ng mga Israelita, kinopya ni Josue sa mga bato[a] ang kautusang isinulat ni Moises. 33 Ang lahat ng mga Israelita, kasama ang kanilang mga tagapamahala, mga opisyal at mga hukom nila, pati ang mga dayuhang kasama nila ay tumayo sa dalawang grupo na magkaharap. Ang isang grupo ay nakatalikod sa Bundok ng Gerizim at ang isaʼy nakatalikod sa Bundok ng Ebal. Sa gitna nila ay nakatayo ang mga paring Levita na nagbubuhat ng Kahon ng Kasunduan. Nag-utos sa kanila noon si Moises na lingkod ng Panginoon na gawin ito sa panahong tatanggapin na nila ang pagbabasbas.

34 Binasa ni Josue ang Aklat ng Kasunduan, pati ang pagpapala at sumpa na nakasulat dito. 35 Isa-isang binasa ni Josue ang mga utos ni Moises sa harap ng buong mamamayan ng Israelita, kasama na ang mga babae, anak at mga dayuhang naninirahan kasama nila.

Pahayag 9:13-21

13 Nang patunugin ng ikaanim na anghel ang kanyang trumpeta, narinig ko ang isang tinig mula sa mga sulok ng gintong altar na nasa harapan ng Dios. 14 Sinabi ng tinig sa ikaanim na anghel na may trumpeta, “Pakawalan mo na ang apat na anghel na nakagapos doon sa malaking ilog ng Eufrates!” 15 Kaya pinakawalan ang apat na anghel na iyon. Inihanda sila noon pa para sa oras na iyon upang patayin ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan. 16 Narinig ko na ang bilang ng mga hukbo nilang nakasakay sa kabayo ay 200,000,000. 17 At nakita ko sa pangitain ko ang mga kabayo at ang mga sakay nito. Ang mga nakasakay ay may mga pananggalang na pula na tulad ng apoy, asul na tulad ng sapiro at dilaw na tulad ng asupre. Ang ulo ng mga kabayo ay parang ulo ng leon at sa bibig nila ay may lumalabas na apoy, usok at asupre. 18 At sa pamamagitan ng tatlong salot na ito – ang apoy, usok at asupre – namatay ang ikatlong bahagi ng mga tao. 19 Ang kapangyarihan ng mga kabayo ay nasa bibig at buntot nila. Ang buntot nila ay may mga ulo na parang mga ahas, at ito ang ginagamit nila sa pananakit ng mga tao.

20 Ngunit ang mga tao na natitirang buhay ay ayaw pa ring tumalikod sa mga dios-diosang ginawa nila. Patuloy pa rin sila sa pagsamba sa masasamang espiritu at mga rebultong yari sa ginto, pilak, tanso, bato, at kahoy. Ang mga rebultong ito ay hindi nakakakita, hindi nakakarinig, at hindi nakakalakad. 21 Hindi rin sila nagsisi sa kanilang pagpatay, pangkukulam, sekswal na imoralidad at pagnanakaw.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®