Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ni Asaf.
79 O(A) Diyos, ang mga pagano sa iyong mana ay dumating,
kanilang dinungisan ang iyong templong banal;
ang Jerusalem sa mga guho ay kanilang inilagay.
2 Ang mga katawan ng iyong mga lingkod ay ibinigay nila
bilang pagkain sa mga ibon sa himpapawid,
ang laman ng iyong mga banal sa mga hayop sa lupa.
3 Ang kanilang dugo ay parang tubig na ibinuhos nila
sa palibot ng Jerusalem;
at walang sinumang sa kanila'y maglibing.
4 Kami'y naging tampulan ng pagtuya sa aming mga kalapit,
ang mga nasa palibot namin kami'y nililibak at nilalait.
5 Hanggang kailan, O Panginoon? Magagalit ka ba habang panahon?
Ang iyo bang mapanibughong poot ay mag-aalab na parang apoy?
6 Ibuhos mo ang iyong galit sa mga bansang
hindi kumikilala sa iyo,
at sa mga kaharian
na hindi tumatawag sa pangalan mo!
7 Sapagkat ang Jacob ay kanilang nilapa,
at ang kanyang tahanan ay kanilang giniba.
8 Huwag mong alalahanin laban sa amin
ang kasamaan ng aming mga ninuno,
mabilis nawang dumating ang iyong kahabagan upang salubungin kami,
sapagkat kami ay lubhang pinababa.
9 Tulungan mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan,
para sa kaluwalhatian ng iyong pangalan;
iligtas mo kami at patawarin ang aming mga kasalanan,
alang-alang sa iyong pangalan.
10 Bakit sasabihin ng mga bansa,
“Nasaan ang kanilang Diyos?”
Nawa'y ang paghihiganti para sa dugong nabuhos ng iyong mga lingkod
ay malaman ng mga bansa sa harap ng aming mga mata.
11 Ang daing ng mga bilanggo'y dumating nawa sa iyong harapan,
ayon sa iyong dakilang kapangyarihan iligtas mo ang mga nakatakdang mamatay!
12 Ibalik mo ng pitong ulit sa sinapupunan ng aming mga kalapit-bansa
ang mga pagkutyang ikinutya nila sa iyo, O Panginoon.
13 Kung gayon kaming iyong bayan, ang mga tupa sa iyong pastulan,
ay magpapasalamat sa iyo magpakailanman;
sa lahat ng salinlahi ang papuri sa iyo'y aming isasalaysay.
Ang Israel ay Babalik mula sa Pagkabihag
6 Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon,
titipunin ko ang pilay,
at titipunin ko ang mga itinapon,
at ang aking mga pinahirapan.
7 Ang pilay ay gagawin kong nalabi,
at ang mga itinapon ay isang malakas na bansa;
at ang Panginoon ay maghahari sa kanila sa bundok ng Zion
mula ngayon hanggang sa walang hanggan.
8 At ikaw, O tore ng kawan,
na burol ng anak na babae ng Zion,
ito sa iyo'y darating,
ang dating kapangyarihan ay darating,
ang kaharian ng anak na babae ng Jerusalem.
9 Ngayo'y bakit ka sumisigaw nang malakas?
Wala ka bang hari?
Ang iyo bang tagapayo ay namatay,
upang ang mga paghihirap ay sumaiyo na gaya ng babaing manganganak?
10 Mamilipit ka at dumaing, O anak na babae ng Zion,
na gaya ng babaing manganganak;
sapagkat ngayo'y lalabas ka sa lunsod,
at maninirahan sa parang,
at ikaw ay pupunta sa Babilonia.
Ililigtas ka roon,
doo'y tutubusin ka ng Panginoon
sa kamay ng iyong mga kaaway.
11 At ngayo'y maraming bansa
ang magtitipon laban sa iyo,
na nagsasabi, “Hayaan siyang malapastangan,
ituon natin ang ating mata sa Zion.”
12 Ngunit hindi nila alam ang mga pag-iisip ng Panginoon,
hindi nila nauunawaan ang kanyang panukala,
sapagkat kanyang tinipon sila na parang mga bigkis sa giikan.
13 Bumangon ka at gumiik,
O anak na babae ng Zion;
sapagkat aking gagawing bakal ang iyong sungay,
at tanso ang iyong mga kuko;
at iyong dudurugin ang maraming bayan,
upang iyong italaga sa Panginoon ang kanilang pakinabang,
at ang kanilang kayamanan ay sa Panginoon ng buong lupa.
Ang Pagbagsak ng Babilonia
18 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko ang isa pang anghel na nananaog mula sa langit, na may dakilang kapangyarihan; at ang lupa ay naliwanagan ng kanyang kaluwalhatian.
2 At(A) siya'y sumigaw nang may malakas na tinig na nagsasabi,
“Bumagsak, bumagsak ang dakilang Babilonia!
Ito'y naging tirahan ng mga demonyo,
pugad ng bawat espiritung karumaldumal,
at pugad ng bawat karumaldumal at kasuklamsuklam na mga ibon;
3 sapagkat(B) lahat ng mga bansa ay uminom
ng alak ng galit ng kanyang pakikiapid,
at ang mga hari sa lupa ay nakiapid sa kanya,
at ang mga mangangalakal sa lupa ay yumaman dahil sa kapangyarihan ng kanyang kalayawan.”
4 At(C) narinig ko ang isa pang tinig na mula sa langit na nagsasabi,
“Magsilabas kayo sa kanya, bayan ko,
upang huwag kayong madamay sa kanyang mga kasalanan,
at huwag kayong makabahagi
sa kanyang mga salot;
5 sapagkat(D) ang kanyang mga kasalanan ay nagkapatung-patong na umaabot hanggang sa langit,
at natatandaan ng Diyos ang kanyang mga kasalanan.
6 Ibigay(E) din ninyo ang ayon sa ibinigay niya sa inyo,
at bayaran ninyo ng makalawang ulit ang kanyang mga gawa;
sa kopang kanyang pinaghaluan ay inyong ipaghalo siya ng makalawang ulit.
7 Kung(F) gaano siya nagmalaki at namuhay sa kalayawan,
ay gayundin ang ibigay ninyo sa kanyang pahirap at pagluluksa.
Sapagkat sinasabi niya sa kanyang puso,
‘Ako'y nakaupong isang reyna.
Hindi ako balo
at hindi ko makikita kailanman ang pagluluksa.’
8 Kaya't sa loob ng isang araw ay darating ang mga salot sa kanya,
kamatayan, pagluluksa at gutom;
at siya'y lubos na susunugin sa apoy;
sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Diyos na humatol sa kanya.”
9 At(G) ang mga hari sa lupa na nakiapid at namuhay sa kalayawan na kasama niya, ay iiyakan at tatangisan siya kapag nakita nila ang usok ng pagsusunog sa kanya.
10 Sila'y tatayo sa malayo dahil sa takot sa pahirap sa kanya, na nagsasabi,
“Kahabag-habag, kahabag-habag ang dakilang lunsod,
ikaw na makapangyarihang lunsod ng Babilonia!
Sapagkat sa isang oras ay dumating ang hatol sa iyo.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001