Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ni David.
28 Sa iyo, O Panginoon, ako'y nananawagan,
aking malaking bato, sa aki'y huwag magbingi-bingihan,
baka kung ikaw sa akin ay tumahimik lamang,
ako'y maging gaya nila na bumababa sa Hukay.
2 Pakinggan mo ang tinig ng aking karaingan,
habang ako'y dumaraing ng tulong sa iyo,
habang aking itinataas ang aking mga kamay
sa dako ng kabanal-banalang santuwaryo.
3 Huwag mo akong agawing kasama ng masasama,
na kasama ng mga taong kasamaan ang ginagawa,
na nagsasalita ng kapayapaan sa kanilang mga kapwa,
gayong ang nasa kanilang mga puso ay masamang pakana.
4 Ayon(A) sa kanilang gawa, sila'y iyong pagbayarin,
at ayon sa kasamaan ng kanilang mga gawain.
Gantihan mo sila ng ayon sa gawa ng kanilang mga kamay;
ang karampatang ganti sa kanila'y ibigay.
5 Sapagkat ang mga gawa ng Panginoon, ay hindi nila pinapahalagahan,
ni ang mga gawa ng kanyang mga kamay,
kanyang ibabagsak sila at hindi na sila itatayo kailanman.
6 Ang Panginoon ay purihin!
Sapagkat narinig niya ang tinig ng aking mga daing.
7 Ang Panginoon ang aking lakas at aking kalasag;
sa kanya ang aking puso ay nagtitiwala,
kaya't ako'y natutulungan, at ang aking puso ay nagagalak,
at sa pamamagitan ng aking awit ako sa kanya'y nagpapasalamat.
8 Ang Panginoon ang lakas ng kanyang bayan,
siya ang nagliligtas na kanlungan ng kanyang pinahiran.
9 Iligtas mo ang iyong bayan, at ang iyong pamana ay basbasan,
maging pastol ka nila, at buhatin mo sila magpakailanman.
Si Josue ang Kapalit ni Moises(A)
15 At nagsalita si Moises sa Panginoon, na sinasabi,
16 “Hayaan mong pumili ang Panginoon, ang Diyos ng mga espiritu ng lahat ng laman, ng isang lalaki sa kapulungan,
17 na(B) lalabas sa harapan nila, at papasok sa harapan nila, mangunguna sa kanila palabas at magdadala sa kanila papasok upang ang kapulungan ng Panginoon ay huwag maging parang mga tupa na walang pastol.”
18 Kaya't(C) sinabi ng Panginoon kay Moises, “Isama mo si Josue na anak ni Nun, isang lalaking nagtataglay ng Espiritu, at ipatong mo ang iyong kamay sa kanya.
19 Iharap mo siya sa paring si Eleazar, at sa buong kapulungan; at sa harapan nila'y atasan mo siya.
20 Bibigyan mo siya ng ilan sa iyong awtoridad upang sundin siya ng buong kapulungan ng mga anak ni Israel.
21 At(D) siya'y tatayo sa harap ng paring si Eleazar, na siyang sasangguni para sa kanya, sa pamamagitan ng hatol ng Urim sa harap ng Panginoon; sa kanyang salita ay lalabas sila, at sa kanyang salita ay papasok sila, siya at ang lahat ng mga anak ni Israel na kasama niya, samakatuwid ay ang buong kapulungan.
22 Ginawa ni Moises ang ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya at kanyang isinama si Josue. Kanyang iniharap siya sa paring si Eleazar at sa buong kapulungan.
23 Kanyang(E) ipinatong ang mga kamay niya sa kanya, at siya'y kanyang inatasan, gaya ng iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
8 Alalahanin mo si Jesu-Cristo na muling binuhay mula sa mga patay, mula sa binhi ni David, ayon sa aking ebanghelyo,
9 na dahil sa kanya ay nagtitiis ako ng kahirapan, maging hanggang sa pagkakaroon ng tanikala na tulad sa isang masamang tao. Ngunit ang salita ng Diyos ay hindi nagagapos.
10 Kaya aking tinitiis ang lahat ng mga bagay dahil sa mga hinirang, upang kamtan din nila ang kaligtasan kay Cristo Jesus na may kaluwalhatiang walang hanggan.
11 Tapat ang salita:
Kung tayo'y namatay na kasama niya, mabubuhay rin tayong kasama niya;
12 kung(A) tayo'y magtitiis, maghahari naman tayong kasama niya;
kung ating ikakaila siya, ay ikakaila rin niya tayo;
13 kung tayo'y hindi tapat, siya'y nananatiling tapat;
sapagkat hindi niya maipagkakaila ang kanyang sarili.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001