Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagtitiwala sa Panginoon sa Oras ng Paghihirap
130 Panginoon, sa labis kong paghihirap akoʼy tumatawag sa inyo.
2 Dinggin nʼyo po ang aking pagsusumamo.
3 Kung inililista nʼyo ang aming mga kasalanan,
sino kaya sa amin ang matitira sa inyong presensya?[a]
4 Ngunit pinapatawad nʼyo kami, upang matuto kaming gumalang sa inyo.
5 Panginoon, akoʼy naghihintay sa inyo,
at umaasa sa inyong mga salita.
6 Naghihintay ako sa inyo higit pa sa tagabantay na naghihintay na dumating ang umaga.
7 Mga taga-Israel, magtiwala kayo sa Panginoon,
dahil siyaʼy mapagmahal at laging handang magligtas.
8 Siya ang magliligtas sa inyo sa lahat ng inyong mga kasalanan.
Ang Nawawalang Kopa
44 Samantala, inutusan ni Jose ang tagapamahalang alipin sa kanyang bahay. Sinabi niya, “Punuin ninyo ng pagkain ang mga sako ng magkakapatid ayon sa kanilang makakaya, at ilagay sa mga sako nila ang perang ibinayad nila. 2 Ilagay ninyo ang aking kopang pilak sa sako ng bunso kasama ng perang ibinayad niya sa pagkain.” Ginawa ng tagapamahalang alipin niya ang sinabi ni Jose.
3 Kinabukasan, maagang umalis ang magkakapatid na dala-dala ang kanilang sako. 4 Hindi pa sila nakakalayo sa lungsod nang sabihin ni Jose sa kanyang tagapamahalang alipin, “Bilis, habulin mo ang mga taong iyon! At kung maabutan mo silaʼy sabihin mo sa kanila, ‘Bakit masama ang iginanti ninyo sa mabuting ipinakita namin sa inyo? 5 Bakit kinuha ninyo ang kopa na iniinuman ng aking amo at ginagamit niya sa panghuhula? Masama ang ginawa ninyong ito.’ ”
6 Naabutan ng tagapamahalang alipin ang magkakapatid at sinabi niya ito sa kanila. 7 Sinabi nila sa tagapamahalang alipin, “Paano po ninyo nasabi iyan? Imposibleng gawin namin ang bagay na iyan. 8 Alam nʼyo rin na mula sa Canaan ay dinala namin pabalik sa inyo ang perang nakita namin sa aming mga sako. Kaya bakit magnanakaw pa kami ng pilak o ginto sa bahay ng amo ninyo? 9 Kapag nakita nʼyo ang kopa na iyan sa isa sa amin, patayin nʼyo siya at magiging alipin nʼyo kami.”
10 Sinabi ng tagapamahalang alipin, “Sige, Kapag nakita ko ang kopa sa isa sa inyo ay magiging alipin ko siya, at ang matitira sa inyoʼy walang pananagutan.”
11 Kaya nagmadaling ibinaba ng bawat isa ang mga sako nila at binuksan ito. 12 Agad na hinanap ng tagapamahalang alipin ang kopa sa mga sako, magmula sa panganay hanggang sa bunso, at ang kopa ay nakita sa sako ni Benjamin. 13 Nang makita ito ng magkakapatid, pinunit nila ang kanilang mga damit sa sobrang kalungkutan. Muli nilang isinakay sa asno ang mga sako nila at bumalik sa lungsod.
14 Nang dumating si Juda at ang mga kapatid niya sa Egipto, naroon pa rin si Jose sa bahay niya. Pumasok sila sa bahay at lumuhod sa harapan ni Jose. 15 Sinabi ni Jose sa kanila, “Ano ba itong ginawa ninyo? Hindi nʼyo ba alam na marunong akong manghula? Kaya wala kayong maitatago sa akin.”
16 Sinabi ni Juda, “Mahal na Gobernador, wala na po kaming ikakatuwiran pa sa inyo, at hindi po namin masasabi na hindi kami nagkasala. Ang Dios po ang siyang naghayag ng aming kasalanan. Ngayon, lahat po kami ay alipin na ninyo – kami at ang isa na nakitaan ng kopa.”
17 Pero sinabi ni Jose, “Hindi ko magagawa iyan. Kung kanino lang nakita ang kopa siya lang ang magiging alipin ko. At makakauwi na kayo sa inyong ama nang matiwasay.”
Nagmakaawa si Juda para kay Benjamin
18 Lumapit si Juda kay Jose at sinabi, “Hinihiling ko sa inyo Mahal na Gobernador, na kung maaari, pakinggan nʼyo ako. Huwag sana kayong magalit sa akin, kayo na gaya ng Faraon. 19 Tinanong nʼyo kami noon kung mayroon pa kaming ama at kapatid, 20 at sinagot po namin na may ama pa kami na matanda na, at may bunso kaming kapatid na ipinanganak sa kanyang katandaan. Sinabi po namin na patay na ang kapatid niya at siya na lang ang naiwan sa kanilang magkakapatid na buo, at mahal na mahal po siya ng aming ama.
21 “Sinabi rin po namin na dadalhin namin siya sa inyo para makita nʼyo rin siya. 22 Sinabi namin sa inyo na hindi maaaring iwanan ng bunsong kapatid namin ang aming ama, dahil baka ang pag-alis ng kanyang anak ang siyang ikamatay niya. 23 Pero sinabi nʼyo po sa amin na huwag kaming magpapakita sa inyo kung hindi namin kasama ang aming bunsong kapatid. 24 Ang lahat ng itoʼy sinabi namin sa aming ama noong umuwi kami.
25 “Hindi nagtagal, sinabi ng aming ama na muli kaming bumalik dito at bumili ng pagkain. 26 Pero sinabi po namin sa kanya na makakaalis lang kami kung kasama namin ang aming bunsong kapatid, dahil hindi kami maaaring magpakita sa inyo kung hindi namin kasama ang bunso namin.
27 “Ito ang isinagot niya sa amin, ‘Alam nʼyo naman na dalawa lang ang anak ko sa asawa kong si Raquel. 28 Ang isaʼy wala na; maaaring niluray-luray siya ng mababangis na hayop. At hanggang ngayoʼy hindi ko pa siya nakikita. 29 Kung kukunin nʼyo pa ang isang ito na naiwan sa akin, at kung may mangyari sa kanya, baka mamatay ako dahil sa sobrang paghihirap ng aking kalooban.’
30 “Kaya, ang buhay po ng aming ama ay nakasalalay sa buhay ng kanyang anak. Kung uuwi kami na hindi namin siya kasama, 31 tiyak na mamamatay sa kalungkutan ang aming ama na matanda na. 32 Itinaya ko ang aking buhay para sa kanyang anak. Sinabi ko po sa aking ama na kung hindi ko maibabalik sa kanya ang kanyang anak, ako ang dapat sisihin habang buhay.
33 “Kaya Mahal na Gobernador, ako na lang po ang magpapaiwan dito bilang alipin ninyo sa halip na ang kanyang anak, at payagan nʼyo na lang po siyang makauwi kasama ng mga kapatid niya. 34 Hindi po ako pwedeng umuwi nang hindi kasama ang anak niya. Hindi ko po kayang tiisin na makita ang masamang mangyayari sa aming ama.”
Ang Kaligtasan ng mga Hindi Judio
13 Ngayon, ito naman ang sasabihin ko sa inyong mga hindi Judio: Ginawa akong apostol ng Dios para sa inyo, at ikinararangal ko ang tungkuling ito. 14 Baka sakaling sa pamamagitan nito ay magawa kong inggitin ang mga kapwa ko Judio para sumampalataya ang ilan sa kanila at maligtas. 15 Kung ang pagtakwil ng Dios sa mga Judio ang naging daan para makalapit sa kanya ang ibang mga tao sa mundo, hindi baʼt lalo pang malaking kabutihan ang maidudulot kung ang mga Judio ay muling tanggapin ng Dios? Sila ay para na ring muling binuhay.
16 Maihahambing natin ang mga Judio sa isang tinapay. Kung inihandog sa Dios ang bahagi ng tinapay, ganoon na rin ang buong tinapay. At kung inihandog sa Dios ang ugat ng isang puno, ganoon na rin ang mga sanga nito. 17 Ang mga Judio ay tulad sa isang puno ng olibo na pinutol ang ilang mga sanga. At kayong mga hindi Judio ay tulad sa mga sanga ng ligaw na olibo na ikinabit bilang kapalit sa pinutol na mga sanga. Kaya nakabahagi kayo sa mga pagpapala ng Dios para sa mga Judio. 18 Pero huwag kayong magmalaki na mas mabuti kayo sa mga sangang pinutol. Alalahanin ninyong mga sanga lang kayo; hindi kayo ang bumubuhay sa ugat kundi ang ugat ang bumubuhay sa inyo.
19 Maaaring sabihin ninyo, “Pinutol sila para maikabit kami.” 20 Totoo iyan. Pinutol sila dahil hindi sila sumampalataya kay Cristo, at kayo naman ay ikinabit dahil sumampalataya kayo. Kaya huwag kayong magmataas, sa halip ay magkaroon kayo ng takot. 21 Sapagkat kung nagawang putulin ng Dios ang mga likas na sanga, magagawa rin niya kayong putulin. 22 Ditoʼy makikita natin ang kabutihan at kabagsikan ng Dios. Mabagsik siya sa mga nagkakasala, pero mabuti siya sa inyo kung mananatili kayo sa kanyang kabutihan. Pero kung hindi, kayo man ay puputulin din. 23 At kung hindi na magmamatigas ang mga Judio kundi sasampalataya, ikakabit din silang muli sa puno, dahil kaya itong gawin ng Dios. 24 Sapagkat kung kayong mga sanga ng olibong ligaw ay naidugtong niya sa olibong inalagaan kahit na hindi ito kadalasang ginagawa, mas madaling idugtong muli ng Dios ang mga sangang pinutol mula sa dating puno.
Ang Dios ay Maawain sa Lahat
25 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang isang katotohanan na ngayon ko lang ihahayag sa inyo, para hindi maging mataas ang tingin nʼyo sa inyong sarili. Ang pagmamatigas ng mga Judio ay hindi panghabang panahon. Itoʼy hanggang makumpleto lang ang kabuuang bilang ng mga hindi Judio na sasampalataya kay Cristo. 26 Pagkatapos niyan, maliligtas ang buong Israel,[a] gaya ng sinasabi sa Kasulatan,
“Magmumula sa Zion ang Tagapagligtas;
aalisin niya ang kasamaan sa lahi ni Jacob.
27 Gagawin ko ang kasunduang ito sa kanila sa araw na aalisin ko ang kanilang kasalanan.”
28 Dahil tinanggihan ng mga Judio ang Magandang Balita, naging kaaway sila ng Dios para kayong mga hindi Judio ay mabigyan ng pagkakataong maligtas. Pero kung ang pagpili ng Dios ang pag-uusapan, mahal pa rin sila ng Dios dahil sa kanilang mga ninuno. 29 Sapagkat ang Dios ay hindi nagbabago ng isip sa kanyang pagpili at pagpapala.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®