Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Jose at ang Kanyang mga Kapatid
37 Nagpaiwan si Jacob para manirahan sa Canaan, ang lupaing tinitirhan din dati ng kanyang ama.
2 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Jacob:
Nang 17 taong gulang si Jose, nagbabantay siya ng mga hayop kasama ng kanyang mga kapatid na mga anak ni Bilha at ni Zilpa, na mga asawa ng kanyang ama. Ipinagtapat ni Jose sa kanyang ama ang masasamang ginagawa ng kanyang mga kapatid.
3 Mas mahal ni Jacob[a] si Jose kaysa sa iba niyang mga anak, dahil matanda na siya nang isilang si Jose. Kaya itinahi niya si Jose ng maganda at mahabang damit. 4 Pero nang napansin ng mga kapatid ni Jose na mas mahal siya ng kanilang ama kaysa sa kanila, nagalit sila kay Jose at sinabihan ito ng masasakit na salita.
Ipinagbili si Jose ng Kanyang mga Kapatid
12 Isang araw, pumunta ang mga kapatid ni Jose sa Shekem para magbantay ng mga hayop ng kanilang ama. 13-14 Sinabi ni Jacob[a] kay Jose, “Ang mga kapatid mo ay naroon sa Shekem na nagpapastol ng mga hayop. Pumunta ka roon at tingnan mo kung maayos ang kalagayan ng mga kapatid mo at ng mga hayop. Bumalik ka agad at sabihin sa akin.” Sumagot si Jose, “Opo ama.”
Kaya mula sa Lambak ng Hebron, pumunta si Jose sa Shekem. 15 Nang naroon na siyang pagala-gala sa bukid, may lalaking nagtanong sa kanya kung ano ang hinahanap niya.
16 Sumagot siya, “Hinahanap ko po ang mga kapatid ko. Alam nʼyo po ba kung saan sila nagpapastol?”
17 Sinabi ng lalaki, “Wala na sila rito. Narinig kong pupunta raw sila sa Dotan.” Kaya sinundan sila roon ni Jose at nakita niya sila sa Dotan.
18 Malayo pa si Jose ay nakita na siya ng mga kapatid niya. At bago pa siya makarating, binalak na nila na patayin siya. 19 Sinabi nila, “Paparating na ang mapanaginipin. Halikayo, patayin natin siya 20 at ihulog sa isa sa mga balon dito. Sabihin na lang natin na pinatay siya ng mabangis na hayop. Tingnan nga natin kung magkakatotoo ang mga panaginip niya.”
21 Nang marinig ni Reuben ang balak nila, pinagsikapan niyang iligtas si Jose. Sinabi niya, “Huwag na lang natin siyang patayin. 22 Ihulog nʼyo na lang siya rito sa balon sa ilang, pero huwag ninyo siyang papatayin.” Sinabi iyon ni Reuben dahil plano na niyang iligtas si Jose at ibalik sa kanilang ama.
23 Kaya pagdating ni Jose, hinubad nila ang mahaba at magandang damit nito, 24 at inihulog sa balon na walang tubig.
25 Habang kumakain sila, may natanaw silang mga mangangalakal na Ishmaelitang nanggaling sa Gilead. Ang mga kamelyo nila ay may kargang mga sangkap, gamot at pabangong dadalhin sa Egipto.
26 Sinabi ni Juda sa kanyang mga kapatid, “Ano ba ang makukuha natin kung papatayin natin ang kapatid natin at ililihim ang kamatayan niya? 27 Ang mabuti pa siguro ipagbili natin siya sa mga Ishmaelitang iyan. Huwag natin siyang patayin dahil kapatid natin siya.” Pumayag ang mga kapatid ni Juda sa sinabi niya.
28 Kaya pagdaan ng mga mangangalakal na Ishmaelita,[b] iniahon nila si Jose mula sa balon at ipinagbili nila sa halagang 20 pilak. At dinala si Jose ng mga Ishmaelita sa Egipto.
Ang Dios at ang Kanyang mga Mamamayan(A)
105 Pasalamatan nʼyo ang Panginoon.
Sambahin nʼyo siya!
Ihayag sa mga tao ang kanyang mga ginawa.
2 Awitan nʼyo siya ng mga papuri;
ihayag ang lahat ng kamangha-mangha niyang mga gawa.
3 Purihin nʼyo ang kanyang banal na pangalan.
Magalak kayo, kayong mga lumalapit sa Panginoon.
4 Magtiwala kayo sa Panginoon,
at sa kanyang kalakasan.
Palagi kayong dumulog sa kanya.
5-6 Kayong mga lahi ni Abraham na lingkod ng Dios,
at mga lahi rin ni Jacob na kanyang hinirang,
alalahanin ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa, mga himala, at ang kanyang paghatol.
16 Nagpadala ang Dios ng taggutom sa lupain ng Canaan.
Kinuha niyang lahat ang kanilang pagkain.
17 Ngunit pinauna na niya si Jose sa Egipto upang silaʼy tulungan.
Ipinagbili siya roon upang maging alipin.
18 Kinadenahan ang kanyang mga paa at nilagyan ng bakal ang kanyang leeg,
19 hanggang sa nangyari ang kanyang propesiya.
Ang mga sinabi ng Panginoon na naganap sa kanya ay nagpatunay na siyaʼy matuwid.
20 Pinalaya siya ng hari ng Egipto na namamahala sa maraming tao,
21 at ginawa siyang tagapamahala ng kanyang palasyo at mga ari-arian.
22 Bilang tagapamahala, may kapangyarihan siyang turuan ang mga pinuno sa nasasakupan ng hari pati ang kanyang mga tagapayo.
45 Ginawa ito ng Dios
upang sundin nila ang kanyang mga tuntunin at kautusan.
Purihin ang Panginoon!
Ang Kaligtasan ay para sa Lahat
5 Ganito ang isinulat ni Moises tungkol sa taong itinuturing ng Dios na matuwid batay sa Kautusan: “Ang taong sumusunod sa Kautusan ay mabubuhay nang ayon sa Kautusan.”[a] 6 Pero ganito naman ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa pagiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya: “Huwag mong sabihin sa iyong sarili, ‘Sino ba ang aakyat sa langit?’ ” (para ibaba si Cristo). 7 “O di kayaʼy, ‘Sino ang bababa sa lugar ng mga patay?’ ” (para ibangon si Cristo mula sa mga patay). 8 Sa halip, sinasabi ng Kasulatan,
“Ang salita ng Dios ay malapit sa iyo; nasa bibig at puso mo.”[b]
Itoʼy walang iba kundi ang pananampalataya na ipinangangaral namin: 9 na kung ipapahayag mo na si Jesus ay Panginoon at sasampalataya ka nang buong puso na muli siyang binuhay ng Dios, maliligtas ka. 10 Sapagkat itinuring ng Dios na matuwid ang taong sumasampalataya sa kanya nang buong puso. At kung ipapahayag niya na siyaʼy sumasampalataya, maliligtas siya. 11 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Hindi mabibigo ang sinumang sumasampalataya sa kanya.”[c] 12 At ang pangakong itoʼy para sa lahat dahil walang pagkakaiba ang Judio sa hindi Judio.[d] Ang Panginoon ay Panginoon ng lahat, at pinagpapala niya nang masagana ang lahat ng tumatawag sa kanya. 13 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa Panginoon.”[e]
14 Pero paano sila tatawag kung hindi naman sila sumasampalataya sa kanya? At paano sila sasampalataya kung hindi pa sila nakakarinig ng tungkol sa kanya? At paano sila makakarinig kung walang nangangaral? 15 At paano makakapangaral ang sinuman kung hindi naman siya isinugo? Ayon sa Kasulatan, “Napakagandang pagmasdan ang pagdating ng mga nagdadala ng magandang balita.”[f]
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(A)
22 Pagkatapos, pinasakay agad ni Jesus sa bangka ang mga tagasunod niya at pinauna sa kabila ng lawa, habang pinapauwi niya ang mga tao. 23 Nang makaalis na ang mga tao, umakyat siyang mag-isa sa isang bundok para manalangin. Inabot na siya roon ng gabi. 24 Nang oras na iyon, malayo na ang bangkang sinasakyan ng mga tagasunod niya. Sinasalpok ng malalaking alon ang bangka nila dahil pasalungat ito sa hangin. 25 Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. 26 Pagkakita ng mga tagasunod na may naglalakad sa tubig, kinilabutan sila. At napasigaw sila ng “Multo!” dahil sa matinding takot. 27 Pero agad na nagsalita si Jesus, “Ako ito! Huwag kayong matakot. Lakasan ninyo ang inyong loob.” 28 Sumagot si Pedro sa kanya, “Panginoon, kung kayo nga iyan, papuntahin nʼyo ako riyan na naglalakad din sa tubig.” 29 “Halika,” sabi ni Jesus. Kaya bumaba si Pedro sa bangka at naglakad sa tubig patungo kay Jesus. 30 Pero nang mapansin niyang malakas ang hangin, natakot siya at unti-unting lumubog. Kaya sumigaw siya, “Panginoon, iligtas nʼyo ako!” 31 Agad naman siyang inabot ni Jesus at sinabi, “Kay liit ng pananampalataya mo. Bakit ka nag-alinlangan?” 32 Pagkasakay nilang dalawa sa bangka, biglang tumigil ang malakas na hangin. 33 At sinamba siya ng mga nasa bangka at sinabi, “Talagang kayo nga po ang Anak ng Dios.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®